Dahil sa Inyong Pananampalataya
Nagpapasalamat ako sa inyong lahat na mabubuting miyembro ng Simbahan … dahil pinatutunayan ninyo sa inyong buhay sa araw-araw na ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ay “hindi kailanman nagkukulang.”
Kay Pangulong Monson, ang lahat ng miyembro ng simbahan sa iba’t ibang dako ng mundo ay nakiisa sa pag-awit ng kahanga-hangang korong ito, at sinasabi namin, “Salamat, O Diyos, sa aming propeta.” Salamat sa iyong buhay, sa iyong halimbawa, at sa pambungad na mensaheng iyon sa isa pang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Mahal ka namin, hinahangaan, at sinusuportahan ka namin. Tunay na sa sesyon sa hapong ito ay magkakaroon tayo ng mas pormal na pagkakataong itaas ang ating mga kamay sa pagsang-ayon, hindi lamang kay Pangulong Monson, kundi maging sa lahat ng iba pang mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan. Dahil makakasama ang pangalan ko sa listahang iyon, hayaang tahasan kong banggitin para sa lahat ang pasasalamat ko sa pagtataas ng inyong mga kamay. Wala ni isa sa aming makapaglilingkod kung wala ang inyong mga panalangin at suporta. Ang inyong katapatan at pagmamahal ay napakahalaga sa amin at hindi ito mailarawan sa salita.
Sa gayong diwa ang mensahe ko ngayon ay ang sabihing kami ay sumasang-ayon sa inyo, na ibinabalik namin sa inyo ang gayunding taos-pusong panalangin at pagpapahayag ng pagmamahal. Alam nating lahat na may mga espesyal na susi, tipan, at responsibilidad na ibinigay sa mga namumuno sa Simbahan, ngunit alam din natin na ang Simbahan ay nakahuhugot ng pambihirang lakas, na talagang kakaiba, mula sa pananampalataya at katapatan ng bawat miyembro ng Simbahan ito, maging sino ka man. Saan ka mang bansa nakatira, gaano ka man kabata o gaano man ang nadarama mong kakulangan, o gaano man katanda o gaano man kalimitado ang tingin mo sa iyong sarili, pinatototohanan ko na ang bawat isa ay mahal ng Diyos, ikaw ay makabuluhan sa Kanyang gawain, at ikaw ay pinahahalagahan at ipinagdarasal ng mga namumuno sa Kanyang Simbahan. Ang kahalagahan ng bawat isa, ang sagradong kariktan ng bawat isa sa inyo, ang mismong dahilan kaya’t may plano para sa kaligtasan at kadakilaan. Salungat sa karaniwang sinasabi ngayon, ito ay tungkol sa inyo. Huwag kang lumingon at tumingin sa katabi mo. Ikaw ang kinakausap ko!
Nahirapan akong makahanap ng angkop na paraan para sabihin kung gaano ka kamahal ng Diyos at kung gaano ang pasasalamat naming mga narito sa pulpito para sa iyo. Sinisikap kong maging tinig ng mismong mga anghel ng langit sa pasasalamat sa iyo sa bawat kabutihang nagawa mo, sa bawat salita ng kabaitan na iyong binigkas, sa bawat sakripisyong ginawa mo para sa iba—sa kahit sino—ang kagandahan at mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Nagpapasalamat ako sa mga lider ng Young Women na nagpupunta sa kamping ng mga batang babae at kahit walang shampoo, ligo o maskara, ay nagagawa ang testimony meeting sa palibot ng mausok na siga o campfire na isa sa mga makapangyarihang espirituwal na karanasan ng mga batang iyon—o ng mga lider na iyon—sa kanilang buhay. Nagpapasalamat ako sa lahat ng kababaihan ng Simbahan na sa buhay ko ay naging kasingtatag ng Bundok ng Sinai at mahabaging gaya ng Bundok ng Lubos na mga Pagpapala. Nangingiti tayo minsan sa mga kuwento ng ating mga kababaihan—alam n’yo na, berdeng Jell-O, mga kubrekama, at patatas. Ngunit ang pamilya ko ay lubos na nagpapasalamat sa bawat bagay na iyon sa isang pagkakataon o ibang araw—at minsan, sa kubrekama at mga patatas sa parehong araw. Maliit lang na kubrekama iyon—maliit lang talaga—para lamang maging komportable ang paglalakbay ng namatay kong nakababatang kapatid pabalik sa langit gaya ng nais ng ating mga kapatid sa Relief Society. Ang pagkaing inilaan para sa aming pamilya pagkatapos ng serbisyo ng libing, na kusang ibinigay kahit hindi kami humingi, ay malugod naming tinanggap. Ngitian, kung gusto ninyo, ang tungkol sa ating mga tradisyon ngunit kahit paano kadalasan ang mga babae sa Simbahan na hindi napupuri sa kanilang ginawa ang naroon palagi kapag may mga kamay na nakababa at mga tuhod na nanghihina.1 Tila madali nilang maunawaan ang kabanalan sa pahayag ni Cristo: “Yamang inyong ginawa sa isa dito … , sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”2
At totoo din ito sa mga kapatid sa priesthood. Naiisip ko, halimbawa, ang mga lider ng ating mga kabataang lalaki na, batay sa klima at kontinente, ay naglalakbay ng 50-milya sa mabatong landas o naghuhukay—at katunayan sinusubukang matulog—sa mga nagyeyelong yungib sa tila pinakamatatagal na gabi sa buhay ng tao. Nagpapasalamat ako sa mga alaala ng sarili kong high priest group, na ilang taon na ang nakararaan ay ilang linggong naghalinhinan sa pagtulog sa maliit na recliner o upuan sa silid ng nag-aagaw-buhay na miyembro ng korum upang ang kanyang may-edad at maysakit na asawa ay makatulog sa mga huling linggong iyon ng buhay ng kanyang mahal na asawa. Nagpapasalamat ako sa napakaraming guro, pinuno, tagapayo, at klerk ng Simbahan, at di ko na babanggitin ang mga taong habampanahong nag-aayos ng mga mesa at upuan. Nagpapasalamat ako sa mga inorden na patriarch, mga musician, mga family historian, at sa matatandang mag-asawa na hirap na nagpupunta sa templo nang alas 5:00 ng umaga bitbit ang maliliit na maletang halos mas malalaki pa sa kanila. Nagpapasalamat ako sa dimakasariling mga magulang na—marahil habampanahong—mangangalaga sa anak na may-kapansanan, na kung minsan ay di lamang iisa ang hamon na kinakaharap at kung minsan hindi lang sa iisang anak. Nagpapasalamat ako sa mga anak na nagtutulungan kalaunan sa buhay upang sila naman ang mangalaga sa mga magulang nilang maysakit o matatanda na.
At sa halos perpektong may-edad na babae na halos humingi ng paumanhin sa pagsasabi kamakailan, “Hindi ako kailanman naging pinuno sa Simbahan. Siguro talagang katuwang lang ako,” sinasabi ko, “Mahal kong sister, pagpalain ka ng Diyos at ang lahat ng ‘katuwang’ sa kaharian.” Umaasa ang ilan sa atin na mga lider na makahaharap tayo sa Diyos balang- araw dahil nagawa natin ang ating mga tungkulin.
Kadalasan ay hindi ko napasasalamatan ang pananampalataya at kabutihan ng gayong mga tao sa buhay ko. Si Pangulong James E. Faust ay tumayo sa pulpitong ito 13 taon na ang nakalilipas at sinabing, “Noong bata pa ako … , naaalala ko ang lola ko … na nagluluto ng masasarap na pagkain namin sa mainit na kalan na de-kahoy. Kapag ubos na ang panggatong sa kahon sa tabi ng kalan, tahimik na lalabas si Lola … para punuin itong muli mula sa tumpok ng mga kahoy sa labas, at bubuhatin ang mabigat na kahon pabalik sa bahay. Napakamanhid ko … [na] nakaupo lang ako roon at hinayaan kong punuing muli ng mahal kong lola ang kahon [na iyon] ng panggatong.” Pagkatapos, sa kanyang tinig na puno ng damdamin, sinabi niyang, “Hiyang-hiya ako sa sarili ko at pinanghinayangan ko ang mga hindi ko nagawa sa buong buhay ko. Umaasa akong balang-araw makahihingi ako ng tawad sa kanya.”3
Kung ang isang taong inakala kong kasing-perpekto ni Pangulong Faust ay inamin ang kanyang kamalian noong kanyang kabataan, magagawa ko ring ibigay ang gayong papuri na matagal ko na dapat ginawa.
Nang tawagin akong magmisyon noong unang panahon hindi magkakapareho ang gastos ng mga misyonero. Bawat misyonero ay kailangang bayaran ang buong gastusin sa misyon kung saan siya nadestino. Ang ilang misyon ay masyadong malaki ang gastos at, ganoon ang sa akin.
Gaya ng hinihikayat nating gawin ng mga misyonero, kinailangan kong mag-ipon ng pera at ipagbili ang mga personal na pag-aari ko upang matustusan ang misyon sa abot ng makakaya ko. Akala ko sapat na ang pera ko noon, ngunit hindi ko tiyak kung may sapat pa akong panggastos sa mga huling buwan ko sa misyon. Kahit nasa isip ko ang katanungang iyon, iniwan ko pa rin ang pamilya ko para sa pinakadakilang karanasan na maaaring asamin ng isang tao. Mahal ko ang misyon ko at natitiyak kong walang binatang nagmahal nang gayon sa kanyang misyon.
Pagkatapos ay umuwi ako na nagkataon namang natawag ang mga magulang ko na magmisyon. Ano na ang gagawin ko ngayon? Paano ko mababayaran ang matrikula ko sa kolehiyo? Ano ang ipambabayad ko sa pagkain at tirahan ko? At paano ko maaabot ang malaking pangarap ng puso ko na pakasalan ang halos perpektong si Patricia Terry? Hindi na ako mahihiyang aminin na pinanghinaan ako ng loob at natakot.
Atubili akong nagpunta sa bangko sa aming lugar at nagtanong sa manedyer, na kaibigan ng aming pamilya, kung magkano ang nasa libreta ko. Mukhang nagulat siya at sinabing, “Bakit, Jeff, nasa account mo ang lahat ng pera mo. Hindi ba nila sinabi sa iyo? Gusto ng mga magulang mo na gawin ang anumang magagawa nila para tulungan kang makapagsimula pag-uwi mo. Hindi sila kumuha ng kahit isang sentimo noong nasa misyon ka. Akala ko alam mo.”
Mangyari pa, hindi ko alam iyon. Ang alam ko lang, ang tatay ko, na accountant sa sarili niyang sikap, na isang “bookkeeper” gaya ng tawag dito sa aming munting bayan, na may ilang kliyente, ay malamang na hindi nakapagsuot ng bagong amerikana o bagong polo o bagong pares ng sapatos sa loob ng dalawang taon para magkaroon ng lahat ng ito ang kanyang anak na nasa misyon. Dagdag pa riyan, ang hindi ko pala alam na kalaunan ay nalaman ko, ang nanay ko na hindi nagtrabaho sa labas ng tahanan mula nang ikasal siya, ay nagtrabaho sa isang tindahan sa aming lugar para matugunan ang mga gastusin ko sa misyon. At kahit isang salita tungkol dito ay walang nakarating sa akin sa misyon. Walang anumang nabanggit tungkol sa alinman sa mga ito. Ilang ama sa Simbahang ito ang nagawa ang mismong ginawa ng tatay ko? At ilang ina, sa mahirap na panahong ito, ang gumagawa pa rin ng gaya ng ginawa ng aking ina?
Matagal nang patay ang tatay ko, 34 na taon na, kaya’t tulad ni Pangulong Faust, kailangan kong maghintay para lubusan siyang mapasalamatan sa kabilang-buhay. Ngunit ang magiliw kong ina, na magiging 95 anyos sa susunod na linggo, ay masayang nanonood ng brodkast na ito ngayon sa bahay sa St. George, kaya’t hindi pa huli ang lahat para pasalamatan siya. Sa inyo, Inay at Itay, at sa lahat ng nanay at tatay at pamilya at matatapat na tao saanman, pinasasalamatan ko kayo sa pagsasakripisyo ninyo para sa inyong mga anak (at para sa mga anak ng ibang tao!), sa labis na kagustuhang ibigay sa kanila ang hindi ninyo nakamtan, sa labis na hangaring ibigay sa kanila ang pinakamasayang buhay na maibibigay ninyo.
Nagpapasalamat ako sa inyong lahat na mabubuting miyembro ng Simbahan—at sa napakaraming mabubuting tao na hindi miyembro ng ating Simbahan—dahil pinatutunayan ninyo sa inyong buhay sa araw-araw na ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ay “hindi kailanman nagkukulang.”4 Wala ni isa man sa inyo ang hindi mahalaga dahil kayo ang nagpakita kung ano ang ebanghelyo ni Jesucristo—isang buhay na paalala ng Kanyang biyaya at awa, ipinapakita sa maliliit na bayan at malalaking lungsod ang mabubuting ginawa Niya at ang buhay na Kanyang ibinigay na nagdulot ng kapayapaan at kaligtasan sa ibang mga tao. Hindi namin lubusang maipahayag na karangalan namin na maging kaisa ninyo sa gayon kasagradong adhikain.
Tulad ng sinabi ni Jesus sa mga Nephita, gayundin ang sasabihin ko ngayon:
“Dahil sa inyong pananampalataya … , ang aking kagalakan ay lubos.
“At nang sabihin niya ang mga salitang ito, siya ay tumangis.”5
Mga kapatid, na nakikita ang inyong halimbawa, minsan pa ay ipinapangako ko ang aking determinasyong maging mas mabuti, mas tapat—mas mabait, mas mapagmahal at tapat tulad ng ating Ama sa Langit at ng marami sa inyo. Ito ang dalangin ko sa pangalan ng ating Dakilang Huwaran sa lahat ng bagay—maging ang pangalan ng Panginoong Jesucristo—amen.