2004
Paghahanap ng Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo
Nobyembre 2004


Paghahanap ng Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo

Tanging pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang maghahatid sa atin ng kapayapaan, pag-asa, at pag-unawa.

Ang paniniwala sa Tagapagligtas at sa kanyang misyon ay napakahalaga kaya ito ang unang alituntunin ng ebanghelyo: “Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”1 Ano ang pananampalataya? Sa kanyang sulat sa mga Hebreo sa Bagong Tipan, itinuro ni Apostol Pablo na ang “pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita.”2 At paano tayo magkakaroon ng pananampalataya? Paano tayo magkakaroon ng patunay tungkol sa ating Tagapagligtas, na hindi natin nakita? Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan:

“Sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung sila ay patuloy na magiging matapat.”3

Noong una pa man, nalaman na ng mga propeta na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, ang Kanyang misyon sa lupa, at ang Kanyang Pagbabayad-sala para sa buong sangkatauhan. Nasa mga sagradong tala ang mga propesiya ng libu-libong taon, hindi lang ang unang pagparito ng ating Tagapagligtas kundi pati na ang Ikalawang Pagparito—isang araw na maluwalhati na tiyak na darating.

Kung nabuhay tayo sa panahon ng mga propeta noon, maniwala kaya tayo sa sinasabi nila? Sasampalataya kaya tayo sa pagdating ng ating Tagapagligtas?

Sa sinaunang Amerika, ipinropesiya ni Samuel na Lamanita na sa gabi ng pagsilang ng Tagapagligtas “magkakaroon ng mga dakilang liwanag sa langit, … kung kaya nga’t sa paningin ng mga tao ito ay magmimistulang araw.”4

Maraming naniwala kay Samuel at hinanap nila si Nephi, ipinagtapat ang kanilang mga kasalanan, nagsisi at nagpabinyag. “At ang mga anghel ay nagpakita sa [kanila], at ipinahayag sa kanila ang masayang balita ng malaking kagalakan.”5

Ngunit karamihan sa mga Nephita ay “[pinatigas] ang kanilang mga puso”6 at naging bulag sa “mga palatandaan at kababalaghan” ng panahon. Ang mga palatandaang ito ay ibinigay “upang malaman [ng mga tao] na ang Cristo ay nalalapit nang pumarito.”7 Pero sa halip na dinggin ito, ang mga Nephita ay “umasa sa kanilang sariling … karunungan, sinasabing: Ilan sa mga bagay ay maaaring nahulaan nang tama [ng mga naniniwala], … [ngunit] hindi makatwiran na isang gayong nilikha gaya ni Cristo ay pumarito.”8

Sa mga panahong iyon tulad ng sa atin, ang ilang kumakalaban, na tinawag na mga anti-Cristo, ay nahikayat ang iba na hindi kailangan ang isang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Nang matupad sa wakas ang propesiya ni Samuel at magkaroon ng isang “maghapon at isang magdamag at isang maghapon, na parang ito ay isang araw,”9 kaylaking kagalakan ang sumapuso sa mga naniwala sa mga propeta! “At ito ay nangyari na nga, oo, lahat ng bagay, bawat kaliit-liitang bagay, alinsunod sa mga salita ng propeta. At ito ay nangyari na, na isang bagong bituin ang lumitaw, alinsunod sa salita.”10

Ang mga naniwala sa mga salita ng propeta ay nakilala ang Tagapagligtas sa buong buhay at ministeryo Niya at pinagpala sila sa pagsunod sa Kanya. Pero kung minsan kahit ang pananampalataya ng pinakamatapat na mga tagasunod ay sinusubok. Makaraan ang Pagpapako sa Krus narinig ni Tomas ang patotoo ng kanyang mga kapatid na bumangon ang Tagapagligtas mula sa libingan. Pero sa halip na maniwala sa kanilang salita, sinabi ni Tomas, “Malibang aking makita … , hindi ako sasampalataya.”11 Di nagtagal ay nabigyan ang minamahal na Apostol na ito ng pagkakataong mahawakan ang bakas ng mga pako sa mga kamay ng Tagapagligtas at sinabing, “Panginoon ko at Dios ko.”12 Magiliw siyang tinuruan ng Tagapagligtas tulad ng itinuro Niya sa ating lahat kung ano ang kahulugan ng manampalataya: “Sapagka’t ako’y nakita mo ay sumampalataya ka: mapapalad yaong hindi nangakakita, at gayon ma’y nagsisampalataya.”13

Ang mga naniniwala na nasa lupalop ng Amerika ay naharap din sa gayong mga pagsubok sa pananampalataya. Tulad ng ipinropesiya ni Samuel, nagkaroon ng malalakas na “pagkulog at pagkidlat,”14 at nagdilim “sa buong lupa sa loob ng tatlong araw.”15 Ngunit ang mga “tumanggap ng mga propeta at hindi sila pinagbabato”16 ay hindi natakot o tumakas. Natukoy nila ang “palatandaan [na] ibinigay hinggil sa … kamatayan [ng Tagapagligtas]”17 at nagtipon sila sa templo, na namamangha. At doo’y nagpakita Siya sa kanila, at sinabing:

“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.

“… Ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan… .

“At ito ay nangyari na, nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, ang lahat ng tao ay nangabuwal sa lupa; sapagkat kanilang naalaalang ipinropesiya sa kanila na ipakikita ni Cristo ang kanyang sarili sa kanila pagkatapos na siya ay umakyat sa langit.”18

Mga kapatid, natupad ang mga propesiya ng unang pagparito ni Cristo, “bawat kaliit-liitang bagay.” Bunga nito, marami sa buong mundo ang naniniwala na tunay ngang pumarito ang Tagapagligtas at nabuhay sa kalagitnaan ng panahon. Gayunpaman marami pang propesiyang hindi natutupad! Dito at sa iba pang kumperensya, naririnig nating magpropesiya at magpatotoo ang mga buhay na propeta sa Ikalawang Pagparito ni Cristo. Sumasaksi rin sila sa mga palatandaan at kababalaghan sa paligid natin, na sinasabing tiyak na muling paparito si Cristo. Pinipili ba nating maniwala sa kanilang mga salita? O sa kabila ng kanilang mga patotoo at babala, naghihintay pa tayo ng katibayan—tayo ba ay “lumalakad sa kadiliman sa katanghaliang-tapat,”19 na tumatangging makaunawa sa pamamagitan ng makabagong propesiya, at ipinagkakaila na ang Ilaw ng Sanlibutan ay babalik upang mamuno at maghari sa atin?

Sa buong buhay ko, marami akong kilalang mabubuti at mapagbigay na mga tao na namuhay bilang Kristiyano. Gayunman, ang ilan ay kulang sa pananampalataya na Siya ay buhay, na Siya ang Tagapagligtas ng sanlibutan, at ipinanumbalik na ang Kanyang Simbahan sa mundo. Dahil hindi sila naniniwala sa mga propeta, hindi nila natamasa ang galak ng ebanghelyo at nakapagliligtas na mga ordenansa sa kanilang buhay.

May mahal akong kaibigan na, na kailan lang sa sandali ng magiliw na kapatiran, ay nagtanong, “Elder Hales, gusto kong maniwala. Noon ko pa gustong maniwala, pero paano?” Ngayong umaga, nais kong sagutin ang tanong na iyon.

Sumulat si Apostol Pablo sa mga taga Roma, “Kaya nga ang paniniwala’y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo.”20 Ang katunayang kayo ay nanonood, nakikinig, o nagbabasa ng mga pangyayari sa kumperensyang ito ay nangangahulugan na nakikinig kayo sa salita ng Diyos. Ang unang hakbang sa paghanap ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay hayaan ang Kanyang salita—na mula sa bibig ng Kanyang mga lingkod, ang mga propeta—na umantig sa inyong puso. Pero hindi sapat na haplusin lang kayo ng mga salitang iyon, na para bang ito lang ay magpapabago na sa inyo. Dapat nating gawin ang ating bahagi. O gaya ng sinabi ng Tagapagligtas Mismo, “Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.”21 Sa madaling salita, ang pakikinig ay nangangailangan ng aktibong paggawa. “Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”22 Ibig sabihin nito sineseryoso ang itinuturo, iniisip itong mabuti, pinag-aaralan sa ating isipan. Tulad ng natutuhan ni propetang Enos, ibig sabihin nito ay hayaang “tumimo nang malalim sa [ating] puso”23 ang mga patotoo ng iba sa ebanghelyo. Rebyuhin natin ang ilang elemento ng karanasan ni Enos na maliwanag at nagpapatatag ng pananampalataya:

Una, narinig ni Enos sa kanyang ama ang mga katotohanan ng ebanghelyo, tulad ng pagkarinig ninyo rito sa inyong pamilya at sa kumperensyang ito. Ikalawa, hinayaan niyang tumimo sa kanyang puso ang mga turo ng kanyang ama tungkol sa “buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal.”24 Ikatlo, napuspos siya ng hangaring malaman mismo sa kanyang sarili kung totoo ang mga turong ito at kung ano ang kanyang katayuan sa harapan ng kanyang Lumikha. Gamit ang mga salita ni Enos, “Ang aking kaluluwa ay nagutom.”25 Sa matinding espirituwal na hangarin, pinagindapat ni Enos ang sarili na matanggap ang pangako ng Tagapagligtas: “Mapapalad silang lahat na nagugutom at nauuhaw sa kabutihan, sapagkat sila’y mapupuspos ng Espiritu Santo.”26 Ikaapat, sinunod ni Enos ang mga utos ng Diyos, na naghanda sa kanya na madama ang Espiritu ng Espiritu Santo. Ikalima, isinulat ni Enos, “Ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan.”27 Hindi iyon madali. Hindi agad dumating ang pananampalataya. Sa katunayan, inilarawan ni Enos ang kanyang karanasan sa panalangin na “pakikipagtunggaling [kanyang] ginawa sa harapan ng Diyos.”28 Gayunman dumating nga ang pananampalataya. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, nakatanggap siya ng patotoo sa kanyang sarili.

Hindi natin matatagpuan ang pananampalatayang gaya ng kay Enos nang hindi nakikipagtunggali sa harapan ng Diyos sa panalangin. Pinatototohanan ko na ang gantimpala ay marapat sa ating pagsisikap. Tandaan ang huwaran: (1) pakinggan ang salita ng Diyos, na binigkas at isinulat ng Kanyang mga lingkod; (2) hayaang tumimo ang salita sa inyong puso; (3) magutom sa inyong kaluluwa para sa kabutihan; (4) masunuring sundin ang mga batas, ordenansa, at tipan; at (5) itaas ang inyong tinig sa taimtim na dalangin at pagsamo, na hinihiling nang may pananampalataya na malaman na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Ipinangangako ko na kung gagawin ninyo nang taos at walang-humpay ang mga bagay na ito, ang mga salitang binigkas ni Cristo sa Kanyang mga disipulo ay matutupad sa inyong buhay: “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan.”29

Kapag napasimulan natin ang pagsampalataya kay Jesus, itutulot ng ating Ama sa Langit na mapalakas ang ating pananampalataya. Nangyayari ito sa maraming paraan, kabilang na ang mga dinanas na paghihirap. Kailan lang ay isinulat ito ng isa kong kakilala:

“Namatay ang aking 2-at-kalahating-taong-gulang na apong lalaki dahil sa leukemia… . Hindi pa rin inililigpit ng mga anak ko ang kuna ng kanilang anak; [magpi-]7 taon [na itong patay]. Mahirap manampalataya. Nawalan [ako] ng kaibigan [na] edad 69. Iba’t iba ang [kanyang] kanser sa loob ng 10 taon, [mga kanser na] dalawang beses nawala at bumalik. [Una, nakita nila ito sa kanyang] bato, [tapos ay sa kanyang] utak, [at] tapos ay sa [kanyang] baga. Hindi na [niya] ito malabanan pa. Ginawa [niya] ang lahat ng kayang gawin ng tao at 6 na taon na ngayong nakatagpo ng pananampalataya … pero hindi na nadagdagan ang araw niya, kaya palagay ko mahirap maniwala.”

Ang samong ito sa akin para sa pananampalataya ay nasagot nang ganito: “Malungkot ang kuwento ng pamilya mo sa pagkawala ng iyong apo dahil sa leukemia. Sana, matagpuan ninyo ng mga anak mo ang kapayapaan sa paghahanap ninyo ng kasagutan sa layunin ng buhay. Nakakamtan ang ating pananampalataya sa panalangin na may taos na hangaring mapalapit sa Diyos at magtiwalang papasanin Niya ang ating mga problema at sasagutin ang di maipaliwanag na mga misteryo ng layunin ng buhay: Saan tayo nanggaling? Bakit tayo narito sa lupa sa mortalidad? At saan tayo pupunta pagkamatay natin? Mabuti ang lagay ng maliit mong apo dahil namatay siya bago sinapit ang edad ng pananagutan na walong taong gulang at siya ay nasa piling na ng Diyos. Maghangad ng pananampalataya, at pagpalain ka nawa ng Diyos.”

Hindi ba nakakatuwa na ang isang taong nagdurusa ay karaniwang nagtatamo ng pananampalataya dahil sa pagdurusa at tinatanggap ang kalooban ng Panginoon, “mangyari nawa ang iyong kalooban,”30 samantalang nahihirapang tanggapin ng mga miyembro ng pamilya at nag-aalaga ang nangyari at palakasin ang pananampalataya nila dahil sa naranasan. Hindi natin masusukat ang pananampalataya sa “dagdag na araw.”

Kapag dumarating ang mga hamon ng mortalidad, at dumarating ito sa ating lahat, tila mahirap manampalataya at maniwala. Sa mga panahong ito tanging pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala ang maghahatid sa atin ng kapayapaan, pag-asa, at pag-unawa. Tanging pananampalataya na nagdusa Siya para sa ating kapakanan ang magbibigay sa atin ng lakas na magtiis hanggang wakas. Kapag natamo natin ang pananampalatayang ito, nagkakaroon tayo ng malaking pagbabago ng puso, at gaya ni Enos, lumalakas tayo at nagsisimulang hangarin ang kapakanan ng ating mga kapatid. Ipinagdarasal natin sila, upang sila man ay mapasigla at mapalakas sa pagsampalataya sa Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

Isaalang-alang natin ang ilan sa mga patotoo ng propeta sa mga epekto ng Pagbabayad-sala sa ating buhay. Habang ginagawa natin ito inaanyayahan ko kayo na itimo ito nang malalim sa inyong puso at punan ang pagkagutom at pagkauhaw sa inyong kaluluwa.

“At nang araw na yaon ang Espiritu Santo ay napasa kay Adan, na siyang nagpapatotoo sa Ama at sa Anak, nagsasabing: Ako ang Bugtong na Anak ng Ama mula pa sa simula … , nang sa iyong pagkahulog ikaw ay matubos.”31

At “ipinakita ng Panginoon ang kanyang sarili sa [kapatid ni Jared], at sinabing: … Masdan, ako ang siyang inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao… . Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan.”32

Pinatotohanan ni Abinadi: “Ninanais kong inyong maunawaan na ang Diyos din ay bababa sa mga anak ng tao, at tutubusin ang kanyang mga tao… . Oo, gayon pa man siya ay dadalhin, ipapako sa krus, at papatayin …, bibigyan [siya] ng kapangyarihan na mamagitan para sa mga anak ng tao …, matapos silang tubusin, at tugunin ang mga hinihingi ng katarungan.”33

At sa huli, si Joseph Smith. Sa edad na 14, matibay ang kanyang pananampalataya at sinunod ang tagubilin ni propetang Santiago na “humingi sa Dios.”34 Dahil tinawag na propeta si Joseph, ang Diyos Ama at Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita at nagbilin sa kanya. Napakaluwalhati ng Unang Pangitaing ito sa unang propeta ng huling dispensasyong ito! Labing-anim na taon na ang nakalipas sa Kirtland Temple, si Joseph ay muling dinalaw ng Tagapagligtas at nagpatotoo: “Aming nakita ang Panginoon… . At ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig, maging ang tinig ni Jehova, na nagsasabing: Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.”35

Sa mahal kong kaibigan at sa lahat ng nagugutom ang kaluluwa sa pananampalataya, inaanyayahan ko kayo “na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol.”36 Itimo nang malalim sa inyong puso ang patotoo na inialay ng Tagapagligtas ang Kanyang buhay para sa inyo. Hangarin ang pagsaksi sa katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa panalangin, at tiyakin na napalakas ang inyong pananampalataya sa galak na pagharap ninyo sa mga hamon ng buhay na ito at maghanda para sa buhay na walang hanggan.

Totoong pumarito si Jesucristo. Nabuhay Siya. At Siya ay muling paparito. Alam ko ito at ibinibigay ko ang aking pagsaksi at patotoo, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Saligan ng Pananampalataya 1:4.

  2. Sa Mga Hebreo 11:1.

  3. D at T 46:13–14; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Helaman 14:3.

  5. Helaman 16:14.

  6. Helaman 16:15.

  7. Helaman 16:4.

  8. Helaman 16:15–16, 18.

  9. Helaman 14:4.

  10. 3 Nephi 1:20–21.

  11. Juan 20:25.

  12. Juan 20:28.

  13. Juan 20:29.

  14. Helaman 14:21.

  15. Helaman 14:27.

  16. 3 Nephi 10:12.

  17. 3 Nephi 11:2.

  18. 3 Nephi 11:10–12.

  19. D at T 95:6.

  20. Mga Taga Roma 10:17.

  21. Mateo 11:15.

  22. Santiago 2:26.

  23. Enos 1:3.

  24. Enos 1:3.

  25. Enos 1:4.

  26. 3 Nephi 12:6.

  27. Enos 1:4.

  28. Enos 1:2.

  29. Mateo 7:7.

  30. Mateo 26:42.

  31. Moises 5:9.

  32. Eter 3:13–14.

  33. Mosias 15:1, 7–9.

  34. Santiago 1:5.

  35. D at T 110:2–4.

  36. Eter 12:41.