2010–2019
Magtiwala sa Diyos nang Walang Pag-aalinlangan
Abril 2017


Magtiwala sa Diyos nang Walang Pag-aalinlangan

Kung matatag at walang pag-aalinlangan ang ating pananampalataya, pag-iibayuhin ng Panginoon ang ating kakayahang maiangat ang ating sarili sa mga hamon ng buhay.

Mahal na mga kapatid, gusto kong simulan ang mensahe ko ngayon sa pagpapatooo na alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Diyos sa ating panahon. Ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay totoo ring mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sila ang kumakatawan sa Panginoong Jesucristo at may karapatang ipahayag ang Kanyang isipan at kalooban kapag inihayag ito sa kanila. Nagpapatotoo ako na maliligtas tayo kapag sinunod natin ang kanilang payo. Binibigyan sila ng inspirasyon ng Panginoon na bigyang-diin ang pagpapalakas ng ating pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa Kanyang Pagbabayad-sala upang hindi tayo mag-alinlangan sa pagharap natin sa mga problema sa ating panahon.

Sa Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol sa isang lalaking nagngangalang Ammon na isinugo mula sa lupain ng Zarahemla patungo sa lupain ng Lehi-Nephi para alamin ang nangyari sa kanyang mga kapatid. Doon ay natagpuan niya si Haring Limhi at ang mga tao nito, na nasa pagkaalipin ng mga Lamanita. Lumakas ang loob ni Haring Limhi sa mga bagay na sinabi ni Ammon sa kanya tungkol sa kanyang mga tao sa Zarahemla. Napuspos ng malaking pag-asa at kagalakan ang kanyang puso kaya’t tinipon niya ang kanyang mga tao sa templo at sinabi:

“Kaya nga, itaas ang inyong mga ulo, at magsaya, at ibigay ang inyong tiwala sa Diyos. …

“… Kung kayo ay babaling sa Panginoon nang may buong layunin ng puso, … at paglilingkuran siya nang buong pagsusumigasig ng pag-iisip, … siya, alinsunod sa kanyang sariling kalooban at kagalakan, ay palalayain kayo mula sa pagkaalipin.”1

Ang pananampalataya ng mga tao ni Haring Limhi ay matinding naimpluwensyahan ng mga sinabi ni Ammon kaya’t sila ay nakipagtipan sa Diyos na paglilingkuran Siya at susundin ang Kanyang mga kautusan, kahit nasa mahirap silang kalagayan. Dahil sa kanilang pananampalataya, nakagawa sila ng plano para makatakas mula sa mga kamay ng mga Lamanita.2

Mga kapatid, isipin sana ninyo ang kahalagahan ng paanyayang ibinigay ni Haring Limhi sa kanyang mga tao at ang kahalagahan nito sa atin. Sabi niya, “Itaas ang inyong mga ulo, at magsaya, at ibigay ang inyong tiwala sa Diyos.” Sa mga salitang ito, inanyayahan ni Limhi ang kanyang mga tao na tumingin sa hinaharap nang may mga matang nananampalataya; palitan ang kanilang mga pangamba ng pag-asa na bunga ng pananampalataya; at huwag mag-alinlangan sa pagtitiwala sa Diyos anuman ang mangyari.

Ang mortalidad ay panahon ng pagsubok kung saan susubukin tayo upang makita kung gagawin natin ang lahat ng bagay na iuutos sa atin ng Panginoon nating Diyos.3 Kailangan dito ang walang pag-aalinlangang pananampalataya kay Cristo kahit sa napakahirap na kalagayan. Kailangan dito ang patuloy na paglalakad natin nang may matatag na pananampalataya kay Cristo, na ginagabayan ng Espiritu at nagtitiwala na ilalaan ng Diyos ang ating mga pangangailangan.4

Sa pagtatapos ng Kanyang mortal na ministeryo sa lupa, bago Siya ibilanggo, itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo: “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”5

Sandali nating isipin—Si Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Ama, ay namuhay nang walang bahid ng anumang kasalanan at nadaig ang lahat ng tukso, pasakit, pagsubok, at paghihirap sa daigdig. Pumatak ang Kanyang mga dugo sa Getsemani; nagdanas Siya ng napakatinding sakit na hindi mailalarawan ng sinuman. Pinasan Niya ang lahat ng ating mga pasakit at karamdaman. Handa Siyang tumulong—tulungan ang bawat isa sa atin—sa lahat ng ating pasanin. Sa pamamagitan ng Kanyang buhay, pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli, inalis Niya ang lahat ng hadlang sa ating kagalakan at sa paghahanap natin ng kapayapaan sa mundong ito. Ang mga ibinunga ng Kanyang pagbabayad-salang sakripisyo ay ibinibigay sa lahat ng tatanggap sa Kanya at itatatwa ang kanilang sarili at sa lahat ng magpapasan ng Kanyang krus at susunod sa Kanya bilang Kanyang mga tunay na disipulo.6 Kaya nga, kapag nanampalataya tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tayo ay lalakas, gagaan ang ating mga pasanin, at sa pamamagitan Niya ay madaraig natin ang sanlibutan.

Mga kapatid, kapag pinag-isipan natin ang lakas at pag-asang matatanggap natin mula sa Tagapagligtas, may dahilan tayo para itaas ang ating ulo, magsaya, at magpatuloy sa paglakad nang walang pag-aalinlangan, “sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad. … Ang taong may dalawang akala, ay walang tiyaga sa lahat ng kaniyang mga paglakad.”7

Hinikayat din ni Haring Limhi ang kanyang mga tao, “[Bumaling] sa Panginoon nang may buong layunin ng puso, … [paglingkuran] siya nang buong pagsusumigasig ng pag-iisip, kung gagawin ninyo ito, siya, alinsunod sa kanyang sariling kalooban at kagalakan, ay palalayain kayo mula sa pagkaalipin.”8

Pakinggan ang mga salita ng Tagapagligtas nang sabihin Niya sa atin na:

“Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Dios, magsisampalataya naman kayo sa akin. …

“Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. …

“Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko, at ako’y magpapakahayag sa kaniya.”9

Pinagpapala tayo ng Diyos ayon sa ating pananampalataya.10 Ang pananampalataya ay pinagmumulan ng pamumuhay nang may banal na layunin at walang-hanggang pananaw. Ang pananampalataya ay isang praktikal na alituntunin na naghihikayat ng pagsusumigasig. Ito ay mahalaga at buhay na puwersa na makikita sa ating positibong pag-uugali at hangarin na handa nating gawin ang lahat ng ipinagagawa ng Diyos at ni Jesucristo. Ito ang naghihikayat sa atin na lumuhod at magsumamo sa Panginoon na gabayan tayo at tumayo at kumilos nang may tiwala na matatamo ang mga bagay na naaayon sa Kanyang kalooban.

Maraming taon na ang nakakaraan noong naglilingkod ako bilang mission president, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa mga magulang ng isa sa mga mahal naming missionary na ipinaaalam sa akin ang tungkol sa pagkamatay ng kanyang kapatid na babae. Naaalala ko, sa sandaling iyon ng kapighatian, pinag-usapan namin ng missionary na iyon ang napakagandang plano ng kaligtasan ng Diyos para sa Kanyang mga anak at kung paano siya mapapanatag ng kaalamang ito.

Bagama’t nabigla at nalungkot sa masamang balitang iyon, ang missionary na ito—na lumuluha at may pananampalataya sa Diyos—ay nagalak sa naging buhay ng kanyang kapatid. Nagpahayag siya ng walang pag-aalinlangang tiwala sa magiliw na mga awa ng Panginoon. Buong katatagan niyang sinabi sa akin na patuloy siyang maglilingkod sa misyon nang may buong katapatan at sigasig upang maging karapat-dapat sa mga pangakong ibinigay ng Diyos sa kanya at sa kanyang pamilya. Sa panahong ito ng pangangailangan, ibinaling ng matapat na missionary na iyon ang kanyang puso sa Diyos, nagtiwala siya nang lubos sa Kanya, at nagpanibago ng kanyang pangako na paglilingkuran Siya nang buong sigasig.

Mga kapatid, kung hindi tayo nakatuon sa matatag na pagtitiwala sa Diyos at sa hangaring paglingkuran Siya, ang mapapait na karanasan sa mortalidad ay magpapadama sa atin na parang mabigat ang ating pasanin; at mawawalan tayo ng dahilan para ipamuhay nang lubusan ang ebanghelyo. Kung walang pananampalataya, mawawala sa atin ang kakayahang pahalagahan ang mga plano ng ating Diyos hinggil sa mga bagay na mangyayari kalaunan sa ating buhay.11

Sa mga sandaling ito ng pagsubok, ang kaaway—na laging nakabantay—ay tinatangkang gamitin ang ating lohika at pangangatwiran laban sa atin. Sinisikap niyang kumbinsihin tayo na walang kabuluhan ang ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Mangyaring tandaan na ang lohika o katwiran ng likas na tao ay “hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagka’t ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya.”12 Tandaan na si Satanas ay “kaaway ng Diyos, at patuloy [siyang] nakikipaglaban sa kanya, at nag-aanyaya at nang-aakit [sa atin] na magkasala, at patuloy na gawin ang yaong bagay na masama.”13 Hindi natin siya dapat hayaang linlangin tayo; dahil kapag hinayaan natin siya, manghihina ang ating pananampalataya at mawawala ang ating kakayahan na matamo ang mga pagpapala ng Diyos.

Kung matatag at walang pag-aalinlangan ang ating pananampalataya, daragdagan ng Panginoon ang ating kakayahan na maiangat ang ating sarili sa mga hamon ng buhay. Madaraig natin ang mga negatibong damdamin, at magkakaroon tayo ng kakayahang madaig maging ang mukhang napakahihirap na balakid. Ito ang dahilan kung kaya’t kamangha-manghang nakatakas ang mga tao ni Haring Limhi sa pagkabihag mula sa mga Lamanita.

Mga kapatid, hinihikayat ko kayong lubos na magtiwala sa Diyos at sa mga turo ng Kanyang mga propeta. Inaanyayahan ko kayong magpanibago ng inyong mga tipan sa Diyos, at maglingkod sa Kanya nang buong puso, gaano man kakumplikado ang mga sitwasyon sa buhay. Pinatototohanan ko na sa kapangyarihan ng walang pag-aalinlangan ninyong pananampalataya kay Cristo, magiging malaya kayo mula sa pagkabihag sa kasalanan, sa pag-aalinlangan, sa kawalang-paniniwala, sa kalungkutan, sa pagdurusa; at tatanggapin ninyo ang lahat ng ipinangakong pagpapala mula sa ating mapagmahal na Ama.

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay totoo. Siya ay buhay. Mahal Niya tayo. Nakikinig Siya sa ating mga dalangin sa mga sandaling tayo ay masaya at sa mga sandaling tayo ay nag-aalinlangan, nalulungkot, at nawawalan ng pag-asa. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo. Siya ang Manunubos.

Tatapusin ko ang mensahe ko sa araw na ito sa mga titik ng himnong “Not Now But in the Coming Years,” na matatagpuan sa himno ng Portuguese:

Kapag mga ulap ay lumambong sa ating puso,

Kapag naroon ang mga pasakit, huwag mabahala; Siya’y makikilala natin.

Si Jesus ang ating gabay, at Kanyang ipababatid sa atin;

Kapag pinakinggan natin ang Kanyang tinig, dagli Niya itong ihahayag sa atin.

Magtiwala sa Diyos nang walang pag-aalinlangan, at Kanya tayong tutulungan;

Patuloy na awitin ang Kanyang kaluwalhatian, at magpapaliwanag Siya kalaunan.14

Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.