Isang Pasko ng Pagkabuhay na Nakasentro sa Tagapagligtas
At Isang Buhay na Nakasentro sa Pasko ng Pagkabuhay
Maa-access nating lahat ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na magbigay ng kapanatagan at magbago.
Mga larawang kuha ni Janae Bingham
Sa seminary, pinag-usapan namin kung ano talaga ang kahulugan ng Pasko ng Pagkabuhay at kung paano natin ito dapat ipagdiwang. Hindi lang ito tungkol sa mga kendi at kuneho—tungkol ito sa Tagapagligtas. Itinanong ko sa sarili ko, “Anong mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay ang maaari kong simulan sa aking tahanan na mas nakatuon sa Tagapagligtas?”
Mahilig akong bumuo ng kung anu-ano gamit ang LEGO® bricks. Nakakita ako ng isang larawan ng Tagapagligtas mula sa Gospel Library online at ginawan ko ng brick instructions ang pagbuo nito. Binuo ko ang brick picture habang nakikinig ako sa pangkalahatang kumperensya. Nang makatapos ako, isinabit ko iyon sa bahay ko.
Pamimigay ng mga Pigurin ng Tagapagligtas
Bumili rin ako ng isang malaking kahon ng mga pigurin ni Jesucristo para sa Pasko ng Pagkabuhay. Noong una itatago ko sana ang mga iyon kung saan-saan sa aking paaralan. Pero nang makita ng mga tao sa paaralan ang kahon, humingi sila ng mga pigurin. Nagsimula ring magtanong ang mga guro. At pagkatapos ay humingi ng pigurin ni Jesus ang mga batang hindi ko inakalang gugustuhin iyon. Kaya ipinamigay ko ang mga iyon sa lahat ng taong nakita ko.
Hindi takot ang Tagapagligtas na makipag-usap kaninuman, kahit sa mga taong lubos na itinakwil sa Kanyang lipunan. Kaibigan niya sila. Gumugol siya ng oras sa piling nila. Kumain Siya na kasama nila. Ang pamimigay ng mga pigurin ay nagturo sa akin na mas makihalubilo sa mga tao, tulad ng Tagapagligtas noon. Itinuro din nito sa akin na kahit sino ka man, anuman ang inaakala mong nagawa mo, laging may puwang para kay Jesucristo sa buhay mo.
Pagbabago sa Pamamagitan ng Tagapagligtas
Buong buhay kong inisip, paano ko maa-access ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Pero ngayong Pasko ng Pagkabuhay, nalaman ko na kung gumagawa ako ng mga pagbabago sa buhay ko para maging lalong katulad ng Tagapagligtas, magkakaroon ng epekto ang Kanyang nagbabayad-salang biyaya sa buhay ko. At kung susubukan ko bawat araw na baguhin ang maliliit na bagay, unti-unti akong magiging mas mabuti.
Sa loob ng ilang taon sa buhay ko, may problema ako sa paggamit ng pornograpiya. Pagkatapos ng isang lesson sa seminary, nagkainspirasyon akong kausapin ang bishop ko. Naging mas madaling simulan na paglabanan ang problema ko nang sa wakas ay sabihin ko iyon sa bishop ko at sa mga magulang ko, dahil mahirap ito talagang paglabanang mag-isa.
Sinimulan kong sikaping magdasal at magbasa ng aking mga banal na kasulatan araw-araw, at sinikap kong maging mas mabait sa paaralan. Nakatulong iyon sa akin dahil mas nagtutuon ako noon sa Tagapagligtas kaysa sa mga kasalanan ko. Mas bumaling ako sa Kanya kaysa sa kinalagyan ko noon.
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, napaglabanan ko ang problema ko sa pornograpiya. Naging lalo akong katulad ng nais ng Diyos na kahinatnan ko. Nagagawa ko na ngayong magbasbas ng sakramento dahil binabago at nililinis ako ng Tagapagligtas. Nagpapasalamat ako na naging karapat-dapat akong gamitin ang priesthood para pagpalain ang buhay ng mga nasa paligid ko.
Pag-uugnay ng Pasko ng Pagkabuhay sa Akin
Ngayong taon sa oras ng seminary, napakaganda talaga ng naging karanasan ko nang talakayin namin ang sakripisyo ng Tagapagligtas. Naisip ko na habang Siya ay nagdurusa, maaari sana Niyang pigilin iyon anumang sandali. Pero naisip ko na iniisip Niya, “Hindi, kailangan kong patuloy na gawin ito. Kailangan kong gawin ito para kay Ben. Kailangan niya ito.” Para sa akin, talagang naiugnay ng ideyang iyon ang relasyon ko sa Tagapagligtas sa Pasko ng Pagkabuhay.
Sa susunod na Pasko ng Pagkabuhay, malamang na gumawa ako ng isa pang brick picture ni Jesus. Gusto ko talagang mamigay ng iba pang pigurin. Ano’t anuman, iisipin ko ang pagdurusa ni Cristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala para sa akin. Dahil sa Kanya, maaari kong pagsisihan ang aking mga kasalanan at makabalik sa Kanya at sa Ama sa Langit balang-araw.
Alam ko na ang Tagapagligtas ay nabuhay at namatay para sa bawat isa sa atin sa personal na paraan at na alam Niya kung sino tayo at kung ano ang kailangan natin. Kung talagang magsisikap tayo, maa-access natin ang Kanyang kapangyarihan ng kapanatagan at pagbabago, at maaari tayong maging mas mabubuting tao.
Ang awtor ay naninirahan sa Idaho, USA.