2022
Paglapit kay Cristo sa Pamamagitan ng Paglilingkod
Agosto 2022


“Paglapit kay Cristo sa Pamamagitan ng Paglilingkod,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ago. 2022.

Ang Tema at Ako

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at ng Aaronic Priesthood Quorum

Paglapit kay Cristo sa Pamamagitan ng Paglilingkod

“Sa pag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala.”

binatilyo

Nitong nakaraang tag-init nagpunta ako sa Brazil kasama ng isang humanitarian organization. Ang pangunahing mithiin ay magtayo ng silid-aralan para sa isang komunidad na nangangailangan nito. Sa loob ng dalawang linggo ibinigay ko ang lahat ng makakaya ko. Nagsala ako ng buhangin, naghalo ng semento, at naglatag ng mga hollow block para maitayo ang mga dingding ng silid-aralan. Ngunit ang espirituwal na natanggap ko mula sa karanasang ito ay higit pa sa anumang bagay na pisikal kong naiambag.

Sa buong paglalakbay, ang isa sa aking mga lider na si Scott ang may hatid na positibong lakas na nadama ng lahat ng nakapaligid sa kanya. Palaging kinakausap ni Scott ang mga tao sa aming worksite at sa kalye tungkol kay Jesucristo. Inanyayahan niya ang mga tao na magsimba tuwing may pagkakataon siya. Gustung-gusto ni Scott na ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng kanyang mga salita at kilos.

Isang araw inanyayahan akong magbigay ng mensahe sa sacrament meeting ng isang lokal na ward tungkol sa sakripisyo. Nag-atubili ako noong una dahil hindi pa ako nakakapagsalita kahit kailan sa labas ng aking ward, pero pumayag ako. Masaya ako na ginawa ko iyon! Lumakas ang aking patotoo tungkol kay Jesucristo at ang aking pananampalataya sa Kanya dahil dito. Nakikita ko na ngayon ang kahalagahan ng pagsagot ng oo sa paglilingkod—gaano man kaliit ito—at ng pagsunod kay Jesucristo at pagsama ko sa ibang tao—tulad ng nakita kong ginagawa ni Scott.

Ngayo’y mas naiisip ko na ang iba at kung paano ko sila matutulungan. Mas madalas ko nang kausapin ang mga tao tungkol sa ebanghelyo. Inaanyayahan ko ang mga kabataang lalaki sa aking korum na medyo matagal ko nang hindi nakikita, na magsimba at dumalo sa mga aktibidad. At nagpapatotoo ako hangga’t kaya ko.

Nagpapasalamat ako sa mga pagkakataon kong sumunod at maging lalong katulad ni Jesucristo at tulungan ang iba na lumapit sa Kanya. Ngayo’y mas sabik na akong magmisyon! Gustung-gusto ko ang nadarama ko kapag ibinubuhos ko ang aking sarili sa paglilingkod sa iba—na siyang ginagawa ni Cristo para sa atin.

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.