“Ilang Mahirap na Bagay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
2 Mga Hari 5
Ilang Mahirap na Bagay
Lumalabas na ang maliliit at karaniwang bagay pala ay napakalaking bagay.
Sabihin nating may problema ka sa kalusugan na hindi mawala-wala. May nagkuwento sa iyo tungkol sa isang lalaking makapagpapagaling sa iyo. Siya ay nakatira sa malayo, pero sinulatan mo siya at pagkatapos ay naglakbay ka para makita mo siya at marinig kung ano ang sasabihin niya.
Pagdating mo sa kanyang bahay, lumabas ang katulong niya at sinabi sa iyo na pinapaligo ka ng kanyang amo sa kalapit na ilog.
Bumalik sa loob ang katulong, at nakadama ka ng pagkadismaya. Inisip mo, “Nagpunta ba ako rito para lang sa ganyan?”
Mga Inaasahan
Ito ang nangyari kay Naaman. Siya ay isang kapitan sa Siria—isang iginagalang na lalaki na maraming responsibilidad. Pero may ketong siya, isang kakila-kilabot na sakit sa balat.
Bagama’t hindi siya isang Israelita, narinig niya ang tungkol sa propetang si Eliseo dahil sa isang tagapaglingkod na dalagita na mula sa Israel. Naniwala si Naaman sa patotoo nito tungkol kay Eliseo at sa Diyos ng Israel. Kaya pinuntahan niya si Eliseo. Nang dumating si Naaman sa bahay ni Eliseo, nagpadala si Eliseo ng isang sugo, na nagsabi kay Naaman na maligo sa ilog Jordan nang pitong beses upang gumaling.
Mga larawang-guhit ni Corey Egbert
Nagalit si Naaman. Inisip niya na magkikita sila ni Eliseo at na ipapatong ni Eliseo ang kanyang kamay sa bahagi ng balat na may ketong, tatawagin ang Diyos, at mahimalang pagagalingin ito. Naisip pa niya na may mas magagandang ilog sa lugar nila na mapagliliguan niya.
Si Naaman ay maraming inasahan. Inasahan niya na lalabas si Eliseo para makita siya. Maaaring ito ay dahil napakataas ng katungkulan ni Naaman at sanay siya na nakatatanggap ng malaking respeto. Inasahan din niya na mas mahimala o kahanga-hanga ang solusyon sa kanyang problema kaysa sa ibinigay sa kanya. Siguro ito ay dahil sa mga kuwentong narinig niya tungkol kay Eliseo. Kaya’t ang kanyang karanasan ay nagpadama sa kanya ng galit.
Pagpapakumbaba
Ngunit hindi nagtapos doon ang kuwento ni Naaman. Isa sa kanyang mga lingkod ang nagbigay sa kanya ng napakagandang payo:
“Kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’” (2 Mga Hari 5:13).
Natanto ni Naaman na tama ang lingkod. Kung may ipinagawang mahirap na bagay sa kanya ang propeta, marahil ay gagawin niya ito. Kaya bakit hindi niya gagawin ang simpleng bagay? Nagpakumbaba siya. Naligo siya nang pitong beses sa ilog Jordan at gumaling.
Maliliit at mga Karaniwang Bagay
Paminsan-minsan ay maaaring iutos ng Panginoon sa isang tao na gawin ang ilang “mahirap na bagay.” Ngunit hindi sa ganyang paraan karaniwang kumikilos ang Panginoon. Kadalasan ginagamit Niya ang “maliliit at mga karaniwang bagay” upang maisakatuparan ang “mga dakilang bagay” sa ating buhay (Alma 37:6).
Kung minsan ang ating mga inaasahan o kapalaluan ay maaaring magpaisip sa atin na ang paraan ng Panginoon ay napakasimple o napakaliit at hindi sulit na pag-ukulan natin ng panahon (tingnan sa 1 Nephi 17:40–41). Ngunit matutulungan tayo ng Panginoon na madaig ang mga damdaming ito at magpakumbaba. Mahal Niya tayo at nais Niya tayong pagpalain at tulungan tayong maging higit na katulad Niya (tingnan sa Moises 1:39).
Narito ang ilang halimbawa ng maliliit at mga karaniwang bagay na ipinagagawa sa atin ng Panginoon para mas mapalapit sa Kanya at matanggap ang Kanyang mga pagpapala.
-
Manalangin at magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw (tingnan sa 2 Nephi 32:3, 9).
-
Kapag nagkasala ka, magsisi (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:31–32).
-
Magsimba at tumanggap ng sakramento linggu-linggo (tingnan sa Moroni 6:5–6).
-
Magbayad ng ikapu (tingnan sa Malakias 3:8–10).
-
Sundin ang Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89).
-
Maging tapat (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 51:9).
-
Maging mabait (tingnan sa Efeso 4:32).
-
Maglingkod sa kapwa (tingnan sa Mateo 25:34-40).
Siguro marami ka pang maiisip tungkol dito.
Kaya, kapag may nakita kang maliit at karaniwang bagay, bigyang-pansin ito. Maaaring ito ay isang tuntunin sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan, ilang payo mula sa isang mensahe sa kumperensya, o isang bagay na ipinagagawa sa iyo ng bishop mo. Anuman ito, alalahanin si Naaman, at gawin ito. Maaaring maliit lang ito, ngunit napakalaki ng magiging mga pagpapala.