“Proactive Parenting,” Ensign, Marso 2020
Pagiging Maagap na Magulang
Dapat nating ihanda kaagad ang ating mga anak laban sa kasamaan ng mundo.
Mga paglalarawan ni Roger Motzkus
Hindi madaling magpalaki ng mga tinedyer sa mundong puno ng kasamaan, lalo na kapag walang humpay ang kaaway sa mga pagsisikap nito na iligaw ang mga kabataan. Ganito ang paglalarawan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Kung minsan parang binabaha [ang ating mga anak] ng katakut-takot na mga tukso at pagsuway bago pa sila maging handa para labanan o harapin ito. At madalas tila hindi natin kayang kontrolin ang ilan sa mga puwersang ito.
“Marahil nga hindi natin kayang kontrolin ang ilan sa mga ito pero nagpapatotoo ako at nananalig na kaya itong kontrolin ng buhay na Diyos.”1.
Bilang mga magulang, nakikipagtulungan tayo sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas upang patibayin ang ating mga kabataan at tulungan silang isuot ang buong baluti ng Diyos upang mapaglabanan ang “nag-aapoy na sibat ng kaaway” (1 Nephi 15:24).
Ngunit hindi natin dapat hintayin pang matapos ang katindihan ng digmaan bago gawin ito. Dapat nating gawin ito bago pa man magsimula ang digmaan.
Pagiging Maagap na Magulang
Madalas na nakatuon ang pagsasaliksik at mga aklat sa pagiging magulang sa pagtugon lamang ng magulang, o ano ang magagawa ng mga magulang matapos makagawa ng mali ang kanilang anak. Ngunit ang paghihintay na mangyari ang masasamang pag-uugali bago kumilos ay nangangahulugan na maaaring nabuo na ang mga mapanirang ugali, na mas nagpapahirap sa kanila na magbago.
Sa kabilang banda, ang pagiging maagap na magulang ay tumutukoy sa mga pagsisikap ng magulang na asahan ang mga tukso at iba pang mga hamon na maaaring maranasan ng mga bata sa hinaharap at magbigay ng proteksyon o kasangkapang magagamit nila kapag naharap sa mga sitwasyong ito. Kung ihahambing sa ebanghelyo, ito ay tulad ng pagtulong sa mga bata na isuot ang buong baluti ng Diyos (tingnan sa Efeseo 6:11–17).
Tatlong Kaugalian na Gagawin para sa Pagiging Maagap na Magulang
Maaaring gamitin ng mga magulang ang tatlong karaniwang kaugalian sa pagiging magulang na may magkakaibang dalas, depende sa edad ng bata. Para sa bawat isa sa mga gawaing ito, isaisip ang payo mula sa panimulang gabay ng Mga Bata at Kabataan:
-
“Manalangin na mapatnubayan.”
-
“Tulungan ang inyong mga anak na hangarin at makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo.”
-
“Magpahayag ng pagmamahal.”
-
“Magpakita ng pagmamahal at madalas na purihin ang inyong mga anak sa kanilang mga pagsisikap na gumawa ng mabuti at sa mga katangian ni Cristo na nakikita ninyo sa kanila.”
-
“Patuloy na sumuporta, tumulong, at manghikayat.”2
1. Cocooning (pagprotekta sa iyong mga anak)
Ang una, at pinakamahigpit at maagap na pamumuhay ng magulang ay tinatawag na cocooning. Sa paraang ito, pinoprotektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak laban sa anumang posibleng panganib. Ang cocooning ay karaniwan sa unang bahagi ng kabataan at maaaring kabilangan ng pagbabawal sa ilang palabas sa telebisyon o pag-iwas sa mga maaaring mapanganib na aktibidad. Sa paggawa nito, itinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak kung ano ang tama at ano ang mali.
2. Pre-arming (paghahanda sa iyong mga anak para sa panganib)
Ang pangalawang pamamaraan sa pagiging maagap na magulang ay tinatawag na pre-arming. Ibig sabihin nito ang mga magulang ay nagbibigay ng patnubay, pagsasanay, at tagubilin sa kanilang mga anak upang matulungan silang malaman kung paano tutugon sa mga nakapipinsalang sitwasyon. Halimbawa, maaaring hilingin ng mga magulang sa isang bata na magpraktis na sabihin ang eksaktong mga salita na magagamit kung ang isang kabarkada ay mag-aalok sa bata ng mapanganib na bagay. O, maaaring hilingin ng mga magulang sa isang bata na magbahagi ng mga partikular na kilos na gagawin upang maiwasan ang mga nakapipinsalang sitwasyon.
Sa paraang ito ay maituturo ng mga magulang kung bakit tama o mali ang isang bagay at nagiging mas epektibo habang lumalaki ang mga anak. Ang mga pag-uusap tungkol sa pre-arming ay maaaring magturo ng:
-
Magandang pananaw sa seksuwalidad at intimasiya.
-
Responsableng paggamit ng media, kabilang na ang mga pag-iingat laban sa pornograpiya.
-
Kahinhinan at iba pang mga pamantayan mula Para sa Lakas ng mga Kabataan.3
3. Deference (paggalang sa kalayaan ng iyong mga anak)
Ang pangatlong maagap na stratehiya ay tinatawag na deference, kung saanmaaaring gumawa ang mga anak ng sarili nilang desisyon habang nagsasanay silang mamili sa pagitan ng tama at mali. Ang deference (paggalang sa kalayaan) ay nagpapakita ng malaking tiwala sa isang bata. Dahil sa kumplikado ang pagbibigay sa isang bata ng sapat na responsibilidad na gumawa ng mga desisyon, kailangan sa deference ng kahustuhan ng isipan ng isang bata para maunawaan ang mga bunga ng mga desisyon. Mas angkop ang paggamit ng deference sa mga tinedyer o nakatatandang mga anak matapos magawa ng mga magulang ang mga estratehiya na pre-arming at cocooning nang ilang taon.
Ang paggamit ng balanseng pamamaraan sa tatlong gawaing ito habang pinapalaki ang mga anak—lalo na sa konteksto ng ebanghelyo—ay nagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon na umunlad habang ginagamit nila ang kanilang kalayaan at natututong pumili sa pagitan ng tama at mali.
Nang tinawag ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo, ginamit Niya ang gayon ding huwaran. Una, ipinakita Niya sa kanila ang kahalagahan ng pagtatakwil sa sanlibutan (cocooning, tingnan sa Mateo 4:10, Juan 16:33). Pagkatapos, sa pamamagitan ng talakayan at halimbawa, itinuro Niya sa kanila kung bakit pinakamainam ang Kanyang mga paraan (pre-arming; tingnan sa 3 Nephi 27:21–22). Sa huli, umalis na Siya sa piling nila at tinulutan sila, sa patnubay ng Espiritu Santo, na gamitin ang natutuhan nila para pamunuan ang Simbahan at ipangaral ang ebanghelyo (deference; tingnan sa Juan 16:7–13).
Madalas, Bukas, at Angkop sa Edad na mga Talakayan
Ang pagpapatupad ng angkop na paraan sa tatlong estratehiyang ito ng pagtuturo ay nagtutulot sa mga magulang na epektibong tumugon sa iba-ibang sitwasyon na maaaring maranasan ng isang anak. Isang mahalagang bahagi ng mga pamamaraang ito ang patuloy na pagbubukas ng mga linya ng komunikasyon, lalo na kapag nagtatanong ang mga anak.
Hinihikayat ng pambungad sa Mga Bata at Kabataan ang mga magulang na “maging bahagi ng buhay [ng mga anak]” at “kausapin at pakinggan ang [kanilang] mga anak.”4 Kailangang malaman ng mga bata na maaari silang makipag-usap at matuto mula sa kanilang mga magulang.
Halimbawa, kung magtatanong sa akin ang anak kong pitong-taong-gulang tungkol sa seksuwalidad, may magandang pagkakataon akong turuan siya na maaari siyang lumapit sa akin kapag may tanong siya—anumang tanong ito. Gayunman, dahil sa kanyang edad, maaari ko siyang protektahan laban sa ilan sa mga partikular na detalye ng seksuwalidad, na inilalaan ang mga ito kapag mas husto na ang kanyang kaisipan. Ipinapayo sa atin ng mga banal na kasulatan, “taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Kaya, ibinabahagi ko lang ang mga bagay na handa niyang marinig.
Ngunit ang pagtutulot na maganap ang pag-uusap ay mahalaga sa anumang edad.
Magkasamang Paggawa ng Desisyon
Sa bukas na komunikasyon ay nagagawa rin ng mga magulang at mga anak na magdesisyon nang magkakasama, na nagdaragdag sa posibilidad na ang mga kabataan ay “handang tumanggap” ng mga patakaran ng pamilya.
Halimbawa, nang nagustuhan naming magpatupad ng curfew sa aming nakatatandang mga anak, sa halip na magpasiya sa oras at ipaalam sa kanila, nag-usap-usap kami sa pamilya at hiningi ang kanilang opinyon. Mas komportable kaming mag-asawa sa alas-10:00 n.g., at ipinipilit ng mga bata na hanggang hatinggabi.
Pagkatapos ng mahabang family council, nagkasundo kami sa alas-11:00 n.g. Idinagdag din namin ang isang babala na maaaring magbigay ng pahintulot sa mas matagal na curfew ang mga kakaibang oportunidad sa mga kaibigan. Kapwa nagsakripisyo ang mga magulang at mga anak, pero dahil kasamang nagdesisyon ang mga anak, umuuwi sila sa bahay nang nasa oras at ipinapaalam sa amin ang ginagawa nila. Naniniwala ako na ang pagpayag na makibahagi sila sa paggawa ng desisyon ay mahalaga sa positibong resultang ito.5
Paano Malalaman Kung Aling Pamamaraan ang Gagamitin
Maaaring mas angkop na pagsamahin ang pre-arming at cocooning kapag mas bata pa ang mga anak at mas handang maprotektahan sa bahay laban sa mga negatibong impluwensya.
Samantala, karamihan sa mga tinedyer ay gusto namang magkaroon ng dagdag na kalayaan. Dahil dito, maaaring tutulan nila ang ideya na makokontrol sila o kaya’y isipin ang mga tapat na mungkahi ng mga magulang bilang paglabag sa kakayahan nilang gumawa ng sarili nilang desisyon. May ilang di-pagkakasundo na maaring maganap habang pinag-uusapan ito ng mga magulang at ng tinedyer, pero kung gagamitin ng mga magulang ang mga pamamaraang ito sa maliliit na bata, malugod na tatanggapin ang kanilang mga tanong at komunikasyon, patuloy silang tuturuan ng mabubuting alituntunin at doktrina habang lumalaki sila, at bibigyan sila ng mga pagkakataong gamitin ang kanilang kalayaan, unti-unting magagawa ng mga magulang na hayaan ang kanilang anak at igalang ang kanilang mga anak.
Pag-alam sa mga Kahinaan ng Ating mga Anak
Ang ibig sabihin rin ng pagiging maagap na magulang ay pag-uukol ng panahon na makilala ang ating mga anak at ang kanilang mga kahinaan upang matulungan natin silang maghandang labanan ang impluwensya ni Satanas. Nasaan ang mga kahinaan sa kanilang baluti? Madali ba silang madala sa pamimilit ng barkada? Masyado ba silang gumagamit ng mga digital na gadget o laro? Nahihirapan ba silang kilalanin ang impluwensya ng Espiritu? Nahihirapan ba silang umusal ng personal na panalangin o mag-aral ng mga banal na kasulatan?
Sa pagkaalam kung saan maaaring tangkaing impluwensyahan ni Satanas ang ating mga anak, malalaman natin kung aling mga alituntunin ng ebanghelyo ang dapat nating pagtuunan ng pansin sa ating pagtuturo at lumikha ng mga oportunidad para sa ating mga anak na umunlad sa partikular na aspetong iyon. Ang mapagmasid, mapag-alala, aktibo, at maestratehiyang pamamaraang ito ay nasa sentro ng pagiging maagap na magulang.
Sa tulong ng Pinakamakapangyarihang Diyos at ni Jesucristo, maaari nating samantalahin ang pagkakataong maging maagap ngayon sa buhay ng ating mga anak. Ang paggawa nito ay tutulong na maprotektahan sila sa territoryo ng kaaway at akayin sila, sa huli, pabalik sa ating Ama sa Langit nang may karangalan.