Mayroon kang natatanging kombinasyon ng kakayahan, kaisipan, at mga ugnayan na, sa tulong ng Diyos, ay makakatulong sa iyo na makaugnay sa ibang tao sa paraang hindi kaya ng iba.
“Bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya, ay pinapatnubayan ng Diyos.” — Moroni 7:13
Batid ng Diyos ang nilalaman ng iyong puso at ng puso ng mga nasa paligid mo. Habang pinatatatag mo ang iyong relasyon sa Diyos, tutulungan ka Niyang malaman kung sino ang kakausapin mo.
Kapag nagsikap kang makipag-ugnayan sa mga kaibigan at tapat na naging interesado sa kanilang buhay, natural na susunod ang mga pagkakataong pag-usapan ang ebanghelyo. Narito ang ilang mungkahing maaari mong subukan habang pinatatatag mo ang iyong mga pakikipagkaibigan online:
Kung minsan ay ginagamit ang social media para lumikha ng baluktot at ideyal na bersyon ng buhay ng mga tao. Habang nagbabahagi ka, tulungan ang mga tao na malaman ang tunay mong pagkatao. Maging bukas at tapat tungkol sa likas na mabubuti at masasamang karanasan sa buhay at kung paano nakakatulong ang ebanghelyo na malagpasan ang mga iyon. Halimbawa, maaari mong ibahagi na nahihirapan ka sa trabaho, pero nakadama ka ng bagong sigla matapos kang “mag-recharge” sa simbahan.
“Ang mga mensahe natin ay dapat maging totoo, tapat, at tumpak. Hindi tayo dapat magmalabis, magpasobra, o magkunwaring ibang tao o isang bagay na hindi naman tayo.”—Elder David A. Bednar
Huwag mag-alala tungkol sa paglikha ng perpektong mensahe. Tandaan, nanaghoy ang ilan sa mga awtor ng Aklat ni Mormon sa kakulangan nila sa kahusayang magsulat, subalit ang isinulat nila ay naging mabisang puwersa para sa kabutihan na nagpabago sa milyun-milyong buhay. Tulad ng ipinaalala sa atin ni Nephi: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kalinawan; sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang Panginoong Diyos sa mga anak ng tao” (2 Nephi 31:3).
Bahagi ng pagbabahagi ng liwanag ng ebanghelyo ni Jesucristo ang pagiging halimbawa ng pag-asa at kaligayahan na nagmumula sa pagsunod sa Tagapagligtas at pagiging kabilang sa Kanyang Simbahan. Maaari kang magsimula sa pagtatanong sa iyong sarili, “Kung ang alam lang ng isang tao tungkol sa akin ay ang online presence ko, malalaman ba nila na isa akong disipulo ni Jesucristo?”
Bukod pa sa pagbabahagi tungkol sa sarili mong buhay at pagtatanong sa iyong mga kaibigan tungkol sa kanilang buhay, makakatulong ang pagbabahagi ng mga kuwento, video, talata sa banal na kasulatan, sipi, o iba pang nakasisiglang content mula sa iba na maantig ang puso ng mga tao. Darating ang pinakamagagandang resulta kapag ipinagdasal mo na patnubayan ka kung ano ang ibabahagi at kanino iyon ibabahagi. Pero narito ang ilang mungkahing maaari mong subukan kapag nagbabahagi ka:
Bagama’t maaaring makatulong sa iyo ang mga tip na naka-outline sa artikulong ito para natural mong maibahagi ang ebanghelyo online, hindi mo kailangang madama na limitado ka sa pagpo-post tungkol sa relihiyon lamang sa social media. Gusto pa ring malaman ng iyong mga kaibigan at kapamilya kung ano ang nangyayari sa ibang aspeto ng iyong buhay! Bahagi ng pagkilos nang natural ang pagbabahagi ng mga bagay na masaya at nakakawili para sa iyo.