Magtuon sa kanila sa halip na sa iyong mga mithiin. Mabuti ang pagnanais na sumapi ang iyong mga kaibigan sa Simbahan. Pero kaunting tao lamang ang handang magpaturo kaagad sa mga missionary. Tanungin ang iyong sarili, “Paano ako makakatulong ngayon?” Gusto ng mga taong madama na kabilang at minamahal sila. Maaari itong magmula sa isang ngiti o text message. Maaari rin itong mula sa isang paanyaya na magsimba. Alalahanin ang alituntuning, “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30) habang naghahanap ka ng mga oportunidad na ibahagi ang ebanghelyo.
Ang iyong tagumpay sa pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi nasusukat sa pakikipagkita ng isang tao sa mga missionary o pagpapabinyag nito. Inaanyayahan ka ni Jesus na “paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw” (Mateo 5:16) at na buksan ang iyong bibig (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 33:8). Ang pagiging mabait ay isang tagumpay. Ang pagtulong sa isang kapitbahay sa kanilang paglipat ay isang tagumpay. Ang pag-anyaya ng kaibigan sa isang aktibidad ay isang tagumpay. Ibinahagi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ang payong ito, na madalas iukol kay St. Francis of Assisi: “Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras o panahon at kung kailangan, magsalita.” Sikaping madama lagi ang Espiritu at malalaman mo ang dapat gawin at malalaman mo kung ano ang gagawin at sasabihin para makalapit ang ibang tao kay Cristo.
Ang relihiyon ay isang napakapersonal na bagay para sa maraming tao. Maging magalang sa kanilang mga pagpili. Patuloy na maging kaibigan nila. Ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila. Maghanap ng mga paraan na mapaglingkuran sila. Ipagdasal sila. Sa ngayon, maaaring ang paanyaya sa isang game night o service project ay mas angkop kaysa sa pagbibigay sa kanila ng Aklat ni Mormon.
Hindi mo kailangang itago ang iyong mga paniniwala o ibaba ang iyong mga pamantayan kapag kasama ka ng iyong mga kaibigan. Tulungan silang maunawaan na hindi ka magsesermon o manghuhusga, pero ipamumuhay mo pa rin ang iyong paniniwala kahit kapag kasama mo sila. Halimbawa, kung nagdarasal ka bago kumain, gawin pa rin ito kapag bumisita ang iyong kaibigan.
Sa pagdaan ng panahon, maaaring lumambot ang kanilang puso at maaari kang magkaroon ng oportunidad na mas magbahagi pa. Pero kung hindi, ayos lang iyon! Masaya ang Diyos sa iyong mga pagsisikap. Marahil nga ay mas malaking epekto pa ang nagawa mo kaysa sa inaakala mo.