Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 122


Bahagi 122

Ang salita ng Panginoon kay Joseph Smith, ang Propeta, habang isa siyang bilanggo sa piitan sa Liberty, Missouri. Ang bahaging ito ay isang sipi mula sa isang liham sa Simbahan na may petsang Marso 20, 1839 (tingnan sa ulo ng bahagi 121).

1–4, Magtatanong ang mga dulo ng mundo tungkol sa pangalan ni Joseph Smith; 5–7, Ang lahat ng kanyang mga panganib at paghihirap ay magbibigay sa kanya ng karanasan at para sa kanyang ikabubuti; 8–9, Nagpakababa ang Anak ng Tao sa lahat ng ito.

1 Ang mga dulo ng mundo ay magtatanong tungkol sa iyong pangalan, at kukutyain ka ng mga hangal, at ang impiyerno ay magsisilakbo ang galit laban sa iyo;

2 Samantalang ang mga dalisay ang puso, at ang marurunong, at ang mararangal, at ang malilinis, ay maghahangad ng payo, at karapatan, at mga pagpapala sa tuwina mula sa iyong kamay.

3 At ang iyong mga tao ay hindi kailanman tatalikod sa iyo dahil sa patotoo ng mga taksil.

4 At bagama’t ang kanilang panghihimasok ay magdadala sa iyo sa kagipitan, at sa mga rehas at pader, pararangalan ka; at sa maikling panahon lamang at ang iyong tinig ay magiging higit na nakasisindak sa iyong mga kaaway kaysa sa mabangis na leon, dahil sa iyong pagkamatwid; at ang iyong Diyos ay aagapay sa iyo magpakailanman at walang katapusan.

5 Kung ikaw ay itinakdang dumanas ng paghihirap; kung nasa mga panganib ka kasama ng mga bulaang kapatid; kung nasa mga panganib ka kasama ng mga manloloob; kung nasa mga panganib ka sa lupa o sa dagat;

6 Kung ikaw ay pinaparatangan ng lahat ng uri ng maling pagpaparatang; kung nilulusob ka ng iyong mga kaaway; kung ikaw ay kanilang dadagitin sa piling ng iyong ama at ina at mga kapatid; at kung inihihiwalay ka ng iyong mga kaaway sa pamamagitan ng isang hinugot na espada sa yakap ng iyong asawa, at ng iyong mga anak, at kung ang iyong nakatatandang anak na lalaki, bagama’t anim na taong gulang pa lamang siya, ay kakapit sa iyong kasuotan, at sasabihing, Ama ko, ama ko, bakit hindi ka po maaaring manatili sa amin? O, ama ko, ano po ang gagawin ng mga tao sa inyo? at kung siya ay ilalayo sa iyo gamit ang espada, at kakaladkarin ka patungo sa bilangguan, at ang iyong mga kaaway ay aaligid sa iyo tulad ng mga lobo para sa dugo ng tupa;

7 At kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, at papatawan ka ng kahatulan ng kamatayan; kung ikaw ay itatapon sa kailaliman; kung nagkakaisa laban sa iyo ang dumadaluyong na alon; kung ang malalakas na hangin ay naging kaaway mo; kung nagtitipon ng kadiliman ang kalangitan, at ang lahat ng elemento ay nagsama-sama upang harangan ang daan; at higit sa lahat, kung ang yaong panga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bunganga sa iyo, alam mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.

8 Ang Anak ng Tao ay nagpakababa sa lahat ng ito. Nakahihigit ka ba sa kanya?

9 Anupa’t magpatuloy sa iyong landas, at ang pagkasaserdote ay mananatili sa iyo; sapagkat nakatakda na ang kanilang hangganan, sila ay hindi makalalampas. Ang iyong mga araw ay nababatid, at hindi nababawasan ng bilang ang iyong mga taon; kaya nga, huwag matakot sa kung anumang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay makakasama mo magpakailanman at walang katapusan.

Print