Mga Banal na Kasulatan
3 Nephi 25


Kabanata 25

Sa Ikalawang Pagparito, masusunog tulad ng pinaggapasan ang mga palalo at masasama—Magbabalik si Elijah bago sumapit ang dakila at kakila-kilabot na araw na yaon—Ihambing sa Malakias 4. Mga A.D. 34.

1 Sapagkat dinggin, ang araw ay darating na magniningas na tulad ng hurno; at lahat ng palalo, oo, lahat ng gumagawa ng kasamaan, ay magiging pinaggapasan; at susunugin sila ng darating na araw, wika ng Panginoon ng mga Hukbo, na hindi ito mag-iiwan sa kanila kahit ugat ni sanga.

2 Ngunit para sa inyo na may takot sa aking pangalan, babangon ang Anak ng Katwiran na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak; at kayo ay hahayo at lalaki na parang mga guya sa kuwadra.

3 At inyong yuyurakan ang masasama; sapagkat sila ay magiging mga abo sa ilalim ng inyong mga talampakan sa araw na aking gagawin ito, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.

4 Alalahanin ninyo ang batas ni Moises, na aking tagapaglingkod, na iniutos ko sa kanya sa Horeb para sa buong Israel, lakip ang mga panuntunan at paghahatol.

5 Dinggin, isusugo ko sa inyo ang propetang si Elijah bago ang pagsapit ng dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon;

6 At kanyang ibabaling ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama, upang ako ay hindi pumarito at parusahan ang daigdig ng isang sumpa.