Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Kabilang Buhay: Buhay sa mga Kawalang-hanggan


Kabanata 18

Kabilang Buhay: Buhay sa mga Kawalang-hanggan

“[Ang mabubuting nangamatay] ay muling babangon upang manahan sa mga walang katapusang kaligayahan sa kaluwalhatiang walang kamatayan, hindi na muling malulungkot, magdurusa, o mamamatay, kundi sila ay magiging mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo.”1

Mula sa Buhay ni Joseph Smith

Ang gawain ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Biblia ay humantong sa napakagandang pangitain tungkol sa buhay sa mga kawalang-hanggan. Noong Pebrero 16, 1832, nagsasalin ang Propeta sa bahay ni John Johnson sa Hiram, Ohio, kasama si Sidney Rigdon bilang kanyang tagasulat. Isinasalin niya ang Ebanghelyo ni Juan. “Mula sa iba’t ibang paghahayag na natanggap na,” sabi ng Propeta kalaunan, “ay maliwanag na maraming mahahalagang paksang tumatalakay sa kaligtasan ng tao ang inalis mula sa Biblia, o nawala bago ito naisama. Napatunayan mismo sa mga katotohanang natira sa Biblia, na kung gagantimpalaan ng Diyos ang lahat alinsunod sa mga ginawa nila habang nabubuhay, ang katagang ‘Langit,’ na nakalaang maging walang hanggang tahanan ng mga Banal, ay kailangang tumukoy sa mga kahariang mahigit sa isa.”1

Isinalin ng Propeta ang Juan 5:29, na naglalarawan kung paanong “magsisilabas” ang lahat sa pagkabuhay na mag-uli— “ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.” Nang pag-isipan nilang mabuti ni Sidney ang banal na kasulatang ito, nabuksan ang isang kagila-gilalas na pangitain sa kanila. Ayon sa tala ng Propeta: “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ang aming mga mata ay nabuksan at ang aming mga pang-unawa ay naliwanagan, upang aming makita at maunawaan ang mga bagay-bagay ng Diyos—maging yaong mga bagay na mula sa simula bago pa magkaroon ng daigdig, na inordenan ng Ama, sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, maging mula sa simula” (D at T 76:12–13).

Sa maluwalhating pangitaing ito, nakita ng Propeta at ni Sidney Rigdon ang Anak ng Diyos sa kanang kamay ng Ama at “natanggap ang kanyang kaganapan” (D at T 76:20). Nakita nila ang tatlong kaharian ng kaluwalhatian na inihanda ng Diyos para sa Kanyang mga anak at nalaman kung sino ang magmamana ng mga kahariang ito. Nakita rin nila si Satanas na pinalayas sa harapan ng Diyos at ang mga pagdurusa ng mga nagpapahintulot na madaig sila ni Satanas.

Ang pangitaing ito kalaunan ay naging bahagi 76 ng Doktrina at mga Tipan. Ipinaliwanag ng Propeta: “Wala nang iba pang higit na nakalulugod sa mga Banal sa kaayusan ng kaharian ng Panginoon, kaysa sa kaalamang ipinahayag sa mundo sa pamamagitan ng nabanggit na pangitain. Bawat batas, bawat utos, bawat pangako, bawat katotohanan, at bawat paksang tumatalakay sa tadhana ng tao, mula Genesis hanggang Apocalipsis, kung saan ang kadalisayan ng mga banal na kasulatan ay hindi nagagalaw ng kalokohan ng mga tao, … ay saksi sa katotohanan na ang kasulatang iyon ay isang sipi mula sa mga talaan ng daigdig na walang hanggan. Ang kahusayan ng mga ideya, ang kadalisayan ng wika; ang saklaw ng gawain; ang pagpapatuloy ng gawain hanggang sa matapos, nang ang mga tagapagmana ng kaligtasan ay purihin ang Panginoon at magsiluhod; ang mga gantimpala ng katapatan, at ang mga parusa sa mga kasalanan, ay hindi maunawaan ng makitid na isipan ng tao, kaya napipilitang ibulalas ng bawat tapat na tao na: ‘Nagmula ito sa Diyos.’2

Mga Turo ni Joseph Smith

Ang Diyos ay naghanda ng tatlong antas ng kaluwalhatian para sa Kanyang mga anak.

“Ang paksa ko ay tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, na matatagpuan ninyo sa ika-14 na kabanata ng Juan— ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan.’ [Juan 14:2.] Ito ay dapat gawing—‘Sa kaharian ng aking Ama ay maraming kaharian,’ upang kayo ay maging mga tagapagmana ng Diyos at mga kasamang tagapagmana ko…. May mga mansiyon para sa mga yaong sumusunod sa batas na selestiyal, at may iba pang mga mansiyon para sa mga yaong lumalabag sa batas, bawat tao sa kanyang sariling kaayusan.”3

“ ‘Pero,’ sabi ng isa, ‘naniniwala ako sa isang langit at impiyerno para sa lahat, kung saan lahat ay paroroon, at lahat ay pantay-pantay, at pare-parehong malungkot o masaya.’

“Ano! Kung saan lahat ay magkakasama-sama—ang mga marangal, banal, at mamamatay-tao, at nakikiapid, samantalang nasusulat na sila ay hahatulan alinsunod sa ginawa nila habang nabubuhay? Subalit ipinaalam sa atin ni San Pablo ang tungkol sa tatlong kaluwalhatian at tatlong langit. Kilala niya ang isang lalaking inagaw hanggang sa ikatlong langit [tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–41; II Mga Taga Corinto 12:2–4]… . Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, ‘Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo. Ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan, [at] muling paparito ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.’ [Tingnan sa Juan 14:2–3.]”4

“Humayo at basahin ang pangitain sa [Doktrina at mga Tipan 76]. Doon ay malinaw na inilarawan ang iba’t ibang kaluwalhatian—isang kaluwalhatian ng araw, isa pang kaluwalhatian ng buwan, at isang kaluwalhatian ng mga bituin, at tulad ng isang bituin na iba ang kaluwalhatian sa isa pang bituin, sila man na nasa telestiyal na daigdig ay naiiba sa kaluwalhatian, at bawat tao na nananahan sa kaluwalhatiang selestiyal ay isang Diyos sa kanyang mga nasasakupan….

“Sabi ni Pablo, ‘Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka’t ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian. Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay.’ [I Mga Taga Corinto 15:41–42.]”5

Yaong mga tumanggap ng patotoo ni Jesus, ng mga ordenansa ng ebanghelyo, at pinanaigan ng pananampalataya ay magmamana ng kahariang selestiyal.

Nakita ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod na pangitain, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 76:50–59, 62, 68–70: “At muli kami ay nagpapatotoo—sapagkat aming nakita at narinig, at ito ang patotoo ng ebanghelyo ni Cristo hinggil sa kanila na babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid—sila ang mga yaong tumanggap ng patotoo ni Jesus, at naniwala sa kanyang pangalan at nabinyagan sa paraan ng kanyang pagkakalibing, na nalibing sa tubig sa kanyang pangalan, at ito ay alinsunod sa kautusan na kanyang ibinigay—na sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan sila ay maaaring mahugasan at malinis mula sa lahat ng kanilang kasalanan, at tumanggap ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay niya na inordenan at binuklod sa kapangyarihang ito; at siyang [pinanaigan] ng pananampalataya, at ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako, na siyang ibinubuhos ng Ama sa lahat ng yaong matwid at totoo.

“Sila ang mga yaong simbahan ng Panganay. Sila ang mga yaong kung kaninong kamay ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay—sila ang mga yaong saserdote at hari, na nakatanggap ng kanyang kaganapan, at ng kanyang kaluwalhatian; at mga saserdote ng Pinakamataas, alinsunod sa orden ni Melquisedec, na alinsunod sa orden ni Enoc, na alinsunod sa orden ng Bugtong na Anak.

“Dahil dito, ayon sa nakasulat, sila ay mga diyos, maging ang mga anak na lalaki ng Diyos—dahil dito, lahat ng bagay ay kanila, kahit ang buhay o kamatayan, o mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay kanila at sila ay kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos….

“Ang mga ito ay mananahan sa kinaroroonan ng Diyos at ng kanyang Cristo magpakailanman at walang katapusan. … Sila ang mga yaon na ang mga pangalan ay nakasulat sa langit, kung saan ang Diyos at si Cristo ang hukom ng lahat. Sila ang mga yaong matwid na tao na ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo. Sila ang mga yaong ang katawan ay selestiyal, na ang kaluwalhatian ay gaya ng sa araw, maging ang kaluwalhatian ng Diyos, ang pinakamataas sa lahat, na ang kaluwalhatian, ang araw sa kalangitan ay nasusulat bilang isang sagisag.”6

Itinuro ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod noong Mayo 1843, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4: “Sa selestiyal na kaluwalhatian ay may tatlong kalangitan o antas; at upang matamo ang pinakamataas, ang isang tao ay kailangang pumasok sa orden na ito ng pagkasaserdote [ibig sabihin ang bago at walang hanggang tipan ng kasal]; at kung hindi niya gagawin, hindi niya ito matatamo. Maaari siyang pumasok sa iba, subalit iyon na ang katapusan ng kanyang kaharian; hindi siya magkakaroon ng pag-unlad.”7

“Narito, samakatwid, ang buhay na walang hanggan—ang makilala ang nag-iisang matalino at tunay na Diyos; at kailangan ninyong matutuhan mismo kung paano maging mga diyos, at maging mga hari at saserdote sa Diyos, … sa pamamagitan ng pag-unlad mula sa isang mababang antas tungo sa mas mataas na antas, at mula sa maliit tungo sa malaking kakayahan; biyaya sa biyaya, kadakilaan sa kadakilaan, hanggang sa abutan ninyo ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, at makapanahan sa mga walang hanggang kaligayahan, at maluklok sa kaluwalhatian, tulad ng mga yaong naluklok na sa walang katapusang kapangyarihan. …

“…[Ang mabubuting nangamatay] ay muling babangon upang manahan sa mga walang katapusang kaligayahan sa kaluwalhatiang walang kamatayan, hindi na muling malulungkot, magdurusa, o mamamatay, kundi sila ay magiging mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo. Ano ito? Ang manahin ang gayunding kapangyarihan, kaluwalhatian, at kadakilaan, hanggang sa makarating kayo sa antas ng pagiging diyos, at maakyat ang trono ng walang hanggang kapangyarihan, katulad ng mga yaong nauna na sa atin.”8

“Sila na nagtamo ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay, ay pinadakila nang higit pa sa mga pamunuan, kapangyarihan, luklukan, nasasakupan at mga anghel, at ipinahayag na mga tagapagmana ng Diyos at kasamang mga tagapagmana ni Jesucristo, na lahat ay may walang hanggang kapangyarihan [tingnan sa Mga Taga Roma 8:17].”9

Ang “mararangal na tao sa lupa,” yaong mga hindi matatag sa patotoo ni Jesus, ay magmamana ng kahariang terestriyal.

Nakita ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod na pangitain, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 76:71–79: “At muli, aming nakita ang terestriyal na daigdig, at masdan at narito, sila ang mga yaong panterestriyal, na yaong kaluwalhatian ay naiiba mula sa simbahan ng Panganay na nakatanggap ng kaganapan ng Ama, maging gaya ng pagkakaiba ng buwan mula sa araw sa kalangitan.

“Masdan, sila ang mga yaong namatay nang walang batas; at sila rin ang mga yaong espiritu ng tao na nakabilanggo, na dinalaw ng Anak, at nangaral ng ebanghelyo sa kanila, upang sila ay mahatulan alinsunod sa mga tao sa laman; na hindi tumanggap ng patotoo ni Jesus, subalit pagkaraan ay tinanggap ito.

“Sila ang mga yaong mararangal na tao sa lupa, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao. Sila ang mga yaong tumanggap ng kanyang kaluwalhatian, subalit hindi ng kanyang kaganapan. Sila ang mga yaong tumanggap sa Anak, subalit hindi [sa] kaganapan ng Ama.

“Dahil dito, sila ang mga katawang terestriyal, at hindi katawang selestiyal, at naiiba sa kaluwalhatian gaya ng pagkakaiba ng buwan sa araw. Sila ang mga yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus, dahil dito, hindi nila natamo ang putong ng kaharian ng ating Diyos.”10

Yaong masasama at hindi tumanggap sa ebanghelyo o patotoo ni Jesus ay magmamana ng kahariang telestiyal.

Nakita ni Propetang Joseph Smith ang sumusunod na pangitain, na itinala kalaunan sa Doktrina at mga Tipan 76:81–85, 100–106, 110–12: “At muli, aming nakita ang kaluwalhatian ng telestiyal, na ang kaluwalhatian ay mas mababa, maging gaya ng kaluwalhatian ng mga bituin ay naiiba sa kaluwalhatian ng buwan sa kalangitan.

“Sila ang mga yaong hindi tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo, ni ng patotoo ni Jesus. Sila ang mga yaong hindi nagtakwil ng Banal na Espiritu. Sila ang mga yaong ihuhulog sa impiyerno. Sila ang mga yaong hindi matutubos mula sa diyablo hanggang sa huling pagkabuhay na mag-uli, hanggang ang Panginoon, maging si Cristo ang Kordero, ay matapos sa kanyang gawain. …

“Sila ang mga yaong nagsasabi na sila ay sa isa at ang iba ay sa isa pa—ang iba kay Cristo at ang iba kay Juan at ang iba kay Moises, at ang iba kay Elias, at ang iba kay Esaias, at ang iba kay Isaias, at ang iba kay Enoc; subalit hindi tinanggap ang ebanghelyo, ni ang patotoo ni Jesus, ni ang mga propeta, ni ang walang hanggang tipan.

“Ang pinakahuli sa lahat, silang lahat ang yaong hindi titipunin kasama ng mga banal, na isasama sa simbahan ng Panganay, at tatanggapin sa alapaap.

“Sila ang mga yaong sinungaling, at mga manggagaway, at mga nakikiapid, at mga patutot, at sinumang nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan. Sila ang mga yaong magdaranas ng poot ng Diyos sa mundo. Sila ang mga yaong magdaranas ng paghihiganti ng apoy na walang hanggan. Sila ang mga yaong ihuhulog sa impiyerno at magdaranas ng poot ng Pinakamakapangyarihang Diyos, hanggang sa kaganapan ng panahon, kapag nadaig nang lahat ni Cristo ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa, at nagawang ganap ang kanyang gawain. …

“At narinig [namin] ang tinig ng Panginoon [na] sinasabing: Ang lahat ng ito ay luluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanya na nakaupo sa luklukan magpakailanman at walang katapusan; sapagkat sila ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, at ang bawat tao ay makatatanggap alinsunod sa kanyang mga sariling gawa, sa kanyang sariling nasasakupan, sa mga mansiyong inihanda; at sila ang mga magiging tagapaglingkod ng Kataas-taasan; subalit kung saan ang Diyos at si Cristo ay nananahanan hindi sila makaparoroon, mga daigdig na walang katapusan.”11

Ang magpapahirap sa masasama ay ang malaman na bigo silang makamtan ang kaluwalhatiang sana’y tinatamasa nila.

“Iniutos ng Diyos na hindi matatakasan ng lahat ng hindi susunod sa Kanyang tinig ang kapahamakan ng impiyerno. Ano ang kapahamakan ng impiyerno? Ang makasama ang mga taong iyon na hindi sumunod sa Kanyang mga utos. … Alam ko na mapapahamak ang lahat ng tao kung hindi sila papasok sa daan na Kanyang binuksan, at ito ang daan na binigyang-diin ng salita ng Panginoon.”12

“Ang malaking kalungkutan ng mga namatay na nasa daigdig ng mga espiritu, kung saan sila pumaparoon matapos mamatay, ay ang malaman na bigo silang makamtan ang kaluwalhatiang tinatamasa ng iba na sana’y tinatamasa rin nila, at sila mismo ang nagsakdal sa kanilang sarili.”13

“Walang pasakit na kasintindi ng pag-aalala. Ito ang parusa sa masasama; ang kanilang pag-aalinlangan, agam-agam at pagaalala ang sanhi ng kanilang pagtangis, panaghoy at pagngangalit ng mga ngipin.”14

“Ang tao ang nagpapahirap at sumusumpa sa kanyang sarili. Kaya nga sinasabing, Sila ay magtutungo sa dagat-dagatang nagniningas sa apoy at asupre [tingnan sa Apocalipsis 21:8]. Ang pighati ng pagkabigo sa isipan ng tao ay kasingtindi ng isang lawang nagniningas sa apoy at asupre. Sinasabi ko, iyon ang nagpapahirap sa tao. …

“…Ang iba ay babangon sa walang hanggang kaluwalhatian sa kinaroroonan ng Diyos, sapagkat ang Diyos ay nananahan sa walang hanggang kaluwalhatian, at ang ilan ay babangon sa kahatulan ng kanilang karumihan, na isang parusang katulad din ng dagat-dagatang apoy at asupre.”15

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Pag-isipan ang mga ideyang ito sa pag-aaral ninyo ng kabanata o paghahandang magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina vii–xiv.

  • Pinag-iisipang mabuti nina Joseph Smith at Sidney Rigdon ang tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan nang matanggap nila ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76 (mga pahina 253–54; tingnan din sa D at T 76:15–19). Anong mga personal na karanasan ang nakatulong sa inyo para maunawaan na ang pag-iisip na mabuti ay humahantong sa ibayong pag-unawa? Habang pinag-aaralan o tinatalakay ninyo ang kabanatang ito, maging ang iba pang mga kabanata, magukol ng oras na pag-isipang mabuti ang mga katotohanang nabasa ninyo.

  • Basahin ang Juan 14:2–3 at I Mga Taga Corinto 15:40–41. Paano nakakatulong sa inyo ang mga turo sa kabanatang ito na maunawaan ang mga talatang ito?

  • Sa paglalarawan ng mga yaong magmamana ng kaluwalhatiang selestiyal, terestriyal, at telestiyal, ang mga katagang “ang patotoo ni Jesus” ay ginamit nang limang ulit (mga pahina 256–60). Ano ang mga katangian ng isang taong “matatag sa pagpapatotoo kay Jesus”? Anong mga pangako ang ibinigay sa mga matatag ang patotoo kay Jesus?

  • Basahin ang ikalawang talata sa pahina 256, na pinagtutuunan ng higit na pansin ang mga katagang “[dinaig] ng pananampalataya.” Ano ang ilang bagay na kailangan nating daigin? Paano nakakatulong sa atin ang pananampalataya kay Jesucristo para madaig ang ating mga problema sa buhay na ito?

  • Basahin ang huling buong talata sa pahina 257. Sa inyong palagay, sa ating walang hanggang pag-unlad, bakit natin kailangang sumulong ‘mula sa isang mababang antas tungo sa mas mataas na antas”? Ano ang mga naranasan ninyo na naglalarawan sa pangangailangan nating matuto at lumago sa ganitong paraan?

  • Repasuhin ang ikalawang buong talata sa pahina 259, na inilalarawan ang ilan sa mga taong magmamana ng kahariang terestriyal. Paano natin maiiwasan na “[m]abulag ng panlilinlang ng mga tao”? Ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na maiwasan na mabulag ng panlilinlang?

  • Sa mga pahina 260–61, humanap ng mga salita at katagang ginamit ni Joseph Smith upang ilarawan ang kalagayan ng masasama sa kabilang buhay. Ano ang ipinararating sa inyo ng mga salita at katagang ito? Paano “nagpapahirap at sumusumpa sa kanyang sarili” ang isang tao?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan: Alma 41:2–8; D at T 14:7; 76:20–49; 88:15–39

Mga Tala

  1. History of the Church, 1:245; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 183, Church Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Salt Lake City, Utah.

  2. History of the Church, 1:252–53; mula sa “History of the Church” (manuskrito), book A-1, p. 192, Church Archives.

  3. History of the Church, 6:365; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 12, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock.

  4. History of the Church, 5:425–26; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 11, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  5. History of the Church, 6:477–78; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 16, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  6. Doktrina at mga Tipan 76:50–59, 62, 68–70; pangitaing natanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong Peb. 16, 1832, sa Hiram, Ohio.

  7. Doktrina at mga Tipan 131:1–4; nasa orihinal ang mga salitang nakabracket; mga tagubiling ibinigay ni Joseph Smith noong Mayo 16 at 17, 1843, sa Ramus, Illinois.

  8. History of the Church, 6:306; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

  9. History of the Church, 6:478; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 16, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Thomas Bullock; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  10. Doktrina at mga Tipan 76:71–79; pangitaing natanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong Peb. 16, 1832, sa Hiram, Ohio.

  11. Doktrina at mga Tipan 76:81–85, 100–106, 110–12; pangitaing natanggap nina Joseph Smith at Sidney Rigdon noong Peb. 16, 1832, sa Hiram, Ohio.

  12. History of the Church, 4:554–55; binago ang pagkakahati ng mga talata; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Mar. 20, 1842, sa Nauvoo, Illinois; iniulat ni Wilford Woodruff; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  13. History of the Church, 5:425; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Hunyo 11, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff at Willard Richards; tingnan din sa apendise, pahina 655, aytem 3.

  14. History of the Church, 5:340; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 8, 1843, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Willard Richards at William Clayton.

  15. History of the Church, 6:314, 317; ginawang makabago ang pagbabantas; mula sa isang talumpating ibinigay ni Joseph Smith noong Abr. 7, 1844, sa Nauvoo, Illinois; iniulat nina Wilford Woodruff, Willard Richards, Thomas Bullock, at William Clayton.

Larawan
John Johnson home

Ang muling itinayong bahay ni John Johnson sa Hiram, Ohio. Sa tahanan ng mga Johnson noong Pebrero 1832, nakakita ng isang pangitain si Propetang Joseph Smith tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian na inihanda ng Diyos para sa Kanyang mga anak.

Larawan
clouds

Ang mga yaong magmamana ng kahariang selestiyal ay “yaong ang katawan ay selestiyal, na ang kaluwalhatian ay gaya ng sa araw, maging ang kaluwalhatian ng Diyos, ang pinakamataas sa lahat.”