Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan
‘Tumigil Ako sa Iba Pang mga Gawain’: Mga Misyonero Noon


“‘Tumigil Ako sa Iba Pang mga Gawain’: Mga Misyonero Noon,” Konteksto ng mga Paghahayag (2016)

“‘Tumigil Ako sa Iba Pang mga Gawain’: Mga Misyonero Noon,” Konteksto ng mga Paghahayag

“Tumigil Ako sa Iba Pang mga Gawain”: Mga Misyonero Noon

D&T 42, 75, 79, 80, 84, 99

John Murdock

Sinimulang ipinangaral agad ni John Murdock ang ebanghelyo matapos siyang mabinyagan noong Nobyembre 1830, isa siya sa ilang nabinyagan na tinuruan nina Oliver Cowdery, Parley P. Pratt, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. nang tumigil sila sa Kirtland, Ohio, sa unang organisadong gawaing misyonero ng Simbahan. “Puno ng pagtatanong, tumigil ako sa iba pang mga gawain,” isinulat ni Murdock, “at ibinigay ang buong panahon ko sa paglilingkod.” Sa loob ng apat na buwan, nakapagdagdag siya ng “mga pitumpung katao” sa Simbahan. Pagsapit ng Abril 1834, nang sumama siya sa Kampo ng Sion, hindi nakauwi si Murdock sa kanyang tahanan nang halos buong tatlong taon, na nangangaral ng ebanghelyo.

Noong Enero 1831, si Jared Carter, isang 29-taong-gulang na mangungulti [tanner] sa Chenango, New York, ay nagbiyahe para sa negosyo, at inasahan niya na hindi siya makakauwi nang ilang linggo. Sa biyahe, narinig niya ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Siya ay “labis na namangha,” ngunit binasa niya ito at nagdasal nang taimtim na “ipakita [sa kanya ng Panginoon] ang katotohanan ng aklat.” Agad siyang naniwala na paghahayag ito ng Diyos. “Nagkaroon ito ng malaking impluwensya sa aking isipan,” isinulat niya kalaunan, “kaya hindi ko na naisip na ituloy ang negosyo ko. … Nalaman ko na hindi ako karapat-dapat sa anumang negosyo hangga’t hindi ako humahayo at tumutulong sa Simbahan ni Cristo.” Makalipas ang tatlong buwan, inilipat ni Carter ang kanyang pamilya sa Kirtland. Nadama na “mahalagang tungkulin [niya] na ipangaral ang ebanghelyo,” siya ay lumisan noong Setyembre ng taon ding iyon sa una sa ilang misyon sa silangang Estados Unidos na magpapaabala sa kanya nang halos tuluy-tuloy sa loob ng susunod na tatlong taon.

Sina Jared Carter at John Murdock ay hindi naiiba. Tulad ng iba pang kalalakihan na tinanggap ang bagong mensahe ng Pagpapanumbalik, tinanggap nila ang atas na mangaral bilang kanilang “mahalagang tungkulin.” Ang kautusan tungkol sa gawaing misyonero ay nagmula sa paghahayag bilang isang “katungkulan at kautusan”: “Ang bawat lalaking yayakap nito nang may katapatan ng puso ay maordenan at isugo,” pahayag ng Panginoon.

Tulad ng paghahayag na nanawagan para sa gawaing misyonero, nagkaroon pa ng karagdagang paghahayag sa gawaing misyonero. Ipinakita sa Doktrina at mga Tipan kung paano dinagdagan ng Panginoon ang nalalaman na ng mga naunang miyembro ng Simbahan tungkol sa gawaing misyonero upang mabigyan ang Kanyang Simbahan ng lalong katangi-tanging sistema ng gawaing misyonero sa pagdaan ng panahon.

Ang Kultura ng Pangangaral Noong Ika-19 na Siglo

Sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, isang pambihirang espirituwal na kasiglahan ang nadama sa mga lugar na wikang Ingles ang sinasalita, na lumaganap sa maraming simbahan at relihiyon. Lalo na sa mga hangganan ng Amerika, karaniwang tanawin ang mga misyonero mula sa iba’t ibang relihiyon. Hindi mabilang na mga mangangaral, naghahanap, ebanghelista, at ministro ang walang humpay na nagpapagal upang maihatid ang kanilang mensahe ng ebanghelyo sa mga tao. Ang mga Metodista—isang sekta kung saan maraming naunang Banal sa mga Huling Araw ang kabilang noon—ay lubhang nanagana at nagtagumpay dahil sa kanilang ekstensibong sistema ng paglalakbay at pangangaral. Maraming iba pang mga mananampalataya, sa sarili man nilang pagkukusa o kumakatawan sa isang grupo, ang nagsimula sa kaunting bilang ngunit may nag-aalab na hangaring ipahayag ang ebanghelyo ayon sa pagkaunawa nila rito.

Sinunod ng karamihan sa hindi mabilang na mga mangangaral na ito ang huwaran sa Bagong Tipan, at naglakbay nang “walang supot ng salapi, o supot ng pagkain,” na humihingi ng pagkain at nakikituloy sa mga handang makinig. Marami ang nag-alok ng binyag; ang ilan ay nangaral lamang ng kahalagahan ng espirituwal na pagbabago o pagbabalik sa pagiging espirituwal. Ang kanilang mga mensahe ay mula sa Biblia at napakahalaga, na kung minsan ay tinatanggap at kung minsan ay hindi. Para sa mga tao sa lugar, ang pulong sa pangangaral ay isang pagkakataon para malibang at makisalamuha, interesado man sila o hindi sa mensahe. Kung magkaroon ng debate sa pagitan ng bisitang mangangaral at ng ministro sa isang lugar, lalo pa itong kasiya-siya sa kanila.

Alam ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga huwarang ito at tinularan o sinunod ang marami sa mga ito. Ngunit alam nila na may mas mahalaga pa silang maibibigay: bagong paghahayag, bagong banal na kasulatan, at ipinanumbalik na banal na awtoridad. Ang nag-aalab na patotoong iyan ay naghikayat sa ilang kalalakihang gaya nina Jared Carter at John Murdock na “tumigil sa iba pang mga gawain” at ilaan ang kanilang panahon sa paglilingkod, at napabalik-loob ang ilan sa mga tao na siya namang tumulong para maipalaganap ang salita.

Mga Inihayag na Tuntunin

Bagama’t ginamit ng unang mga misyonero na Banal sa mga Huling Araw ang ilang paraan ng ibang simbahan, nagbigay ang ilang paghahayag ng tuntunin para sa kanilang gawaing misyonero noong unang bahagi ng dekada ng 1830. Ang paghahayag na tinatawag kung minsan na “batas ng Simbahan” (Doktrina at mga Tipan 42) ay patungkol sa “mga elder ng simbahan,” at nagtatag ng mga pangunahing tuntunin. “Kayo ay hahayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Espiritu, mangangaral ng aking ebanghelyo, dala-dalawa, sa aking pangalan, lalakasan ang inyong mga tinig gaya ng tunog ng isang pakakak, na nagpapahayag ng aking salita katulad ng mga anghel ng Diyos,” ang utos ng Panginoon.

Ang mga elder ay magpapahayag ng pagsisisi at magbibinyag at sa gayon ay “itatatag ang simbahan [ng Panginoon] sa bawat lupain.” Sila ay magtuturo ng “mga alituntunin ng ebanghelyo” mula sa Biblia at Aklat ni Mormon, at tutuparin ang “mga tipan at saligan ng simbahan” (ibig sabihin, ang mga tuntuning matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 20). Higit sa lahat, sila ay magtuturo “habang … ginagabayan ng Espiritu”: itinuro ng Panginoon, “Kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo.” Inulit muli sa isa pang paghahayag sa “mga elder ng simbahan,” Doktrina at mga Tipan 43, ang utos na: “Itaas ang inyong mga tinig at walang paligtasin.” Ang mga elder ay “kailangang maturuan mula sa kaitaasan,” at kailangan nilang magbigay ng mahalagang mensahe ng babala: “Ihanda ang inyong sarili para sa dakilang araw ng Panginoon.” Noong taglagas ng 1832, isang mahalagang paghahayag tungkol sa priesthood, na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 84, ang nagbigay ng mas ekstensibong mga tagubilin para sa mga misyonero—itinatatag ang huwaran sa Bagong Tipan na kanilang susundin, ipinaliliwanag ang mga mensaheng ihahatid nila, at tinitiyak sa kanila ang kapangyarihan at proteksyon ng Diyos.

Ang mga Misyon ni John Murdock sa Missouri

Ang kumperensya ng Simbahan noong Hunyo 1831, na ginanap sa Kirtland, ay nagbigay ng magandang pagkakataon sa maraming elder na ipamuhay ang inihayag na mga huwaran. Dalawampu’t walong kalalakihan, bukod pa kina Joseph Smith at Sidney Rigdon, ang inatasan sa pamamagitan ng paghahayag (na ngayon ay Doktrina at mga Tipan 52) na humayo, “nang dala-dalawa,” patungo sa Missouri. Ang kasunod na kumperensya ng Simbahan ay gaganapin doon, at ang lokasyon para sa lunsod ng Sion ay ipababatid. Si John Murdock ay inatasang maglakbay kasama si Hyrum Smith at daraan sila sa Detroit.

Ang atas na ito ay dumating sa panahong labis ang pagdadalamhati ni Murdock. Limang linggo lang bago iyon, namatay ang kanyang asawang si Julia matapos magsilang ng kambal, isang lalaki at isang babae. Nagsilang si Emma Smith ng kambal sa araw ding iyon, ngunit namatay ang mga sanggol. Hiniling ni Joseph Smith kay Murdock na sila na ni Emma ang magpalaki sa mga bagong silang na sanggol na ulila na sa ina. Ngunit ang mahirap na desisyong iyon ay nag-iwan pa rin kay Murdock ng tatlong maliit na anak na aarugain—dalawang lalaki at isang babae, anim na taong gulang pababa—sa panahong kinakailangang tuparin niya ang kanyang responsibilidad sa gawaing misyonero. Nang dumating ang tawag sa Missouri, pinakiusapan niya ang ibang miyembro ng Simbahan na alagaan ang kanyang mga anak at saka siya umalis, na tila hindi natanto na hindi siya makakauwi nang halos isang taon.

Napakahirap na taon iyon para kay Murdock. Naglakbay siya sa teritoryo na talagang isang ilang. Isang araw, isinulat niya, sila ay “lumusong sa Muddy creek na hanggang baywang ang taas ng putik na 2 pulgada ang tubig sa ibabaw nito at may mga ahas sa tubig na 4 Rods [5.03 metro] ang layo sa kabilang bahagi nito at matutulis na baging na palutang-lutang sa putik na sumugat sa aming mga binti.” Nang makaahon na ang kalalakihan sa sapa, naglakbay pa sila ng kalahating milya bago nakakita ng sapat na tubig upang hugasan ang kanilang mga paa at binti para maalis ang putik upang magamot ang kanilang mga sugat. Sa pagtawid sa Mississippi, “nabasa ni Murdock ang [kanyang] mga paa” at kalaunan ay nagkasakit nang malubha. May sakit pa si Murdock nang siya at ang kanyang mga kompanyon ay nakipagkita kay Joseph Smith sa Jackson County; siya ay nahirapan sa nalalabing panahon niya sa misyon, at ang kanyang mahinang katawan ay nakaantala sa pagbalik niya sa Kirtland. Gayunpaman, isinulat niya na marami siyang ginawang pangangaral at pagbibinyag.

Si Murdock at ang kapwa niya mga misyonero ay dumanas din ng maraming pagtanggi at oposisyon ng mga tao. Minsan ay gumugol pa si Murdock ng “kalahating araw sa pagsisikap na magdaos ng pulong” sa Detroit ngunit “walang sinumang handang makinig.” Isang lalaki, isinulat ni Murdock, “ang nagpalayas sa akin dahil sa pangangaral ko ng Pagsisisi sa kanya.” Isinulat din niya ang ilang pagkakataon na hinamon ng masusungit na ministro ang mga elder na makipagdebate, na galit na galit kung minsan.

Nang bumalik siya sa kanyang mga anak noong Hunyo 1832, nalaman ni Murdock na hindi naging maayos ang lahat. Ang pamilyang nag-alaga sa kanyang panganay na anak na lalaki ay tumalikod sa Simbahan at naningil ng kabayaran sa pag-aalaga sa bata, ang pamilya naman na nag-alaga sa isa pa niyang anak na lalaki ay lumipat sa Missouri, at ang pamilyang nag-alaga sa kanyang anak na babae ay “ayaw nang mag-alaga” at nagpabayad din. Ang kanyang “munting anak na si Julia,” isa sa kambal, ay naging malusog sa pangangalaga nina Emma at Joseph, ngunit hindi ang kapatid nito. “Pumanaw ang mahal kong anak na si Joseph,” isinulat ni Murdock. “Nang hilahin palabas ng mga mandurumog ang Propeta mula sa kanyang higaan, katabi niya ang batang may tigdas.” Bagama’t ang propeta ang puntirya nila, nasaktan ng mga mandurumog ang sanggol. “Nang hubaran nila ang bata nagkasakit ito at namatay. “Panginoon na ang bahala sa kanila,” sabi pa ni Murdock, na tinutukoy ang mga mandurumog.

Nanatili si Murdock sa kanyang tahanan nang dalawang buwan, na “pinatitibay at pinapatatag ang simbahan at pinalalakas ang [kanyang] katawan,” bago umalis na muli upang gampanan ang tawag na natanggap sa pamamagitan ng paghahayag noong Agosto 1832 na “magtungo sa mga bayan sa kasilanganan” at ipahayag ang ebanghelyo. Ngunit tinagubilinan muna ng Panginoon si Murdock na tiyaking ang kanyang mga anak ay “mapaglaanan at maipadala nang mabuti sa obispo ng Sion.” Sa pagkakataong ito aabutin ng dalawang taon bago muling makasama ni Murdock ang kanyang mga anak. Ang malungkot, pagkarating niya sa Missouri, tumanggap si Murdock ng balita na ang kanyang anim-na-taong-gulang na anak na si Phebe, ay nagkasakit ng kolera. “Sinigurado kong malusog ang lahat ng anak ko,” isinulat niya, “ngunit sinimulan na ng mangwawasak ang kanyang gawain.” Inalagaan ni John ang kanyang anak nang ilang araw, ngunit pumanaw ito noong ika-6 ng Hulyo. Sa loob ng ilang buwan, umalis siya para sa isa pang misyon, sa pagkakataong ito papunta sa Ohio.

Inilarawan ng mga karanasan ni John Murdock ang kumbinasyon ng kusang paggawa ng indibiduwal at banal na utos na nagbigay ng motibasyon sa mga naunang gawaing misyonero ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kung minsan iniiwan ng kalalakihan ang kanilang gawain at humahayo upang mangaral ayon sa kanilang hangarin, panghihikayat ng Espiritu, o pagsunod sa inaasahan na ang mga elder ay “magtataas ng [kanilang] mga tinig”; may mga pagkakataon na inaatasan sila sa pamamagitan ng paghahayag na binabanggit ang kanilang pangalan at partikular na gawain. Marami sa mga paghahayag na iyon, tulad ng Doktrina at mga Tipan 75, 79, 80, at 99, ang bahagi ngayon ng mga banal na kasulatan.

Jared Carter: “Magtungo sa Silangan”

Tulad ni John Murdock, nagmisyon si Jared Carter sa pamamagitan ng pormal na pagtawag sa kanya at kusa niyang ninais ito. Noong taglagas ng 1831, habang nakaratay sa sakit si John Murdock sa Missouri, isinugo si Carter at ang kanyang kompanyon sa isang “misyon sa silangan,” at kalaunan ay nakarating sa kanyang bayang sinilangan sa Benson, Vermont. Sa isa pang huwaran na karaniwan sa mga misyonero na Banal sa mga Huling Araw, hinangad niyang ibahagi ang kanyang bagong relihiyon sa kanyang “mga kakilala”—ang kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Pagdating sa Benson sa mga huling araw ng Oktubre, si Jared ay agad “nagsimulang magdaos ng mga pulong” at hinikayat ang mga tao “na manalangin nang taimtim sa Panginoon para malaman ang katotohanan ng gawaing ito.” Kinutya ng karamihan sa mga tao ang kanyang mensahe at tinutulan ang kanyang mga pagsisikap, ngunit, isinulat ni Jared, “yaong patuloy na nanalangin sa pangalan ng Panginoon ay naniwala kalaunan na ang gawain ay totoo at nabinyagan.” Ang 27 katao na nagbalik-loob sa pagsisikap ni Jared Carter ay mga miyembro ng sektang Free Will Baptist kung saan kabilang ang kamag-anakan ni Carter. Ang kanilang malaking meetinghouse na yari sa bato at paarko ang kisame ay naging lugar na pinagtipunan kalaunan ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nangaral si Carter sa lugar nang halos tatlong buwan. Nakatala sa kanyang journal ang ilang mahimalang “pagpapagaling” matapos niyang basbasan ang maysakit. Isa pa ito sa huwaran sa naunang gawaing misyonero ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nagpatotoo ang mga elder na ang mga kaloob ng Espiritu ay aktibo sa bagong Simbahan at nagpakita ng pangako ng Panginoon na Kanyang ipapakita ang “mga himala, tanda, at kababalaghan, sa lahat ng yaong maniniwala sa [Kanyang] pangalan.” Ang mga kaloob ding iyon ay nakatulong sa mga elder mismo, na madalas magbigay ng partikular na gabay sa kanilang gawain. Noong Enero—sa gitna ng taglamig sa New England—muling naglakbay si Jared, na sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu hinggil sa direksyong kanyang tatahakin. Dahil sinunod ang isang pahiwatig na magpunta sa isang bayan, nagulat si Jared sa pagkikita nila ng kanyang kapatid, hindi na siya napagod pa sa paglalakbay nang 50-milya.

Umuwi si Jared sa Ohio sa huling araw ng Pebrero 1832, “matapos ang mahigit limang buwan sa misyon na ito.” Makalipas ang ilang linggo binisita niya si Joseph Smith “upang magtanong [tungkol sa] kalooban ng Panginoon hinggil sa aking ministeryo sa susunod na panahon.” Ang paghahayag na natanggap, Doktrina at mga Tipan 79, ay nag-uutos sa kanya na “muling magtungo sa mga bansa sa silangan, sa bawat lugar, at sa bawat lunsod, sa kapangyarihan ng pag-oorden kung saan siya ay inordenan.” Siya ay umalis noong ika-25 ng Abril at anim na buwang nagpagal, masigasig na gumawa sa Vermont at New York at nagkaroon ng ilang tagumpay. Ang Panginoon ay “biniyayaan ako ng makakain at kalusugan at purihin ang kanyang pangalan,” isinulat ni Carter.

Mga Pagsisikap ng Kababaihan

Dahil mga kalalakihan ang inorden na humayo at mangaral, maaaring hindi gaanong mapansin ang mga naitulong ng mga kababaihan sa gawaing misyonero. Ngunit ang mga pagsisikap na iyon ay mahalaga rin. Isang pangyayari mula sa pangalawang misyon ni Jared Carter sa Vermont ang naglalarawan ng puntong ito. Noong Hulyo 1832, isinulat niya na binisita niya ang kanyang bayaw na si Ira Ames, “sa panahong ito ay naniniwala [si Ames] sa katotohanan ng Aklat ni Mormon at handang magpabinyag.”

Ngunit hindi lang ito ang kuwento. Narinig na ni Ira Ames ang ebanghelyo mula sa kanyang ina dalawang taon na ang nakalipas. Noong Agosto 1830, nakatanggap si Ames ng liham mula sa kanyang inang si Hannah, ipinapabatid sa kanya na siya at ang ilang kamag-anak (kabilang na si Jared Carter) ay nabinyagan. Narinig na ni Ames ang tungkol sa Simbahan mula sa ibang tao at medyo naging interesado, ngunit nagkaroon ng matinding epekto ang liham ng kanyang ina. “Nang basahin ko ang liham ni Inay, tumimo ito sa akin na parang kidlat, nanalaytay sa bawat himaymay ng aking isipan, napakatindi ng epekto nito,” paggunita niya. Ang damdaming ito ang nagtulak sa kanyang manalangin na pagtibayin “kung ang liham at ang mga bagay na nakasaad doon ay tama o mali.” Bilang tugon, “lubos na napanatag” ang kanyang isipan. Ang pagbisita ni Jared Carter makalipas ang halos dalawang taon kalaunan ay nagbigay kay Ira ng unang pagkakataon na kumilos ayon sa patotoong iyon.

Marami ring kababaihang Banal sa mga Huling Araw ang nagpabatid sa mga kapamilya at kaibigan, na madalas ay sa mga liham tulad ng liham ni Hannah Ames, na nagpapatotoo sa kanilang pananampalataya at nag-aanyaya sa mga mahal nila sa buhay na sumama sa kanila. “Masasabi ko na kung alam mo ang mga bagay ng Diyos at [tatanggapin mo] ang mga pagpapalang ibinigay sa akin ng Panginoon ay hindi mo iisipin na mahirap pumunta rito,” isinulat ni Febe Peck mula sa Independence, Missouri, noong Agosto 1832, sa isang “Mapagmahal na Kapatid.” Idinagdag pa niya, “Inihahayag ng Panginoon ang mga hiwaga ng Kaharian ng langit sa kanyang mga Anak.” Nagpatotoo si Rebecca Swain Williams sa kanyang pamilya na narinig niya ang mga patotoo ng pamilya Smith at “mula sa tatlong saksi mismo” hinggil sa Aklat ni Mormon. Ang gayong mga patotoo ay tiyak na nakahanap ng mga tao na handang makinig sa maraming pagkakataon, at malamang na hindi lamang si Jared Carter ang elder ng Simbahan na nag-ani ng mga binhing itinanim ng mga kababaihan.

  1. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 28:8–10; 30:5–8; 32:1–5.

  2. John Murdock journal, typescript, 1, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay at pagbabantas.

  3. Jared Carter journal, typescript, 1, Church History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay. Ang ilang pagkakamali sa typescript ay iwinasto sa pamamagitan ng pagsangguni sa orihinal na sulat-kamay.

  4. Palaging tinutukoy ni Carter ang Kirtland bilang “Kirkland” sa kanyang journal.

  5. Jared Carter journal, typescript, 4.

  6. Doktrina at mga Tipan 36:4, 7.

  7. Nathan O. Hatch, The Democratization of American Christianity (New Haven, Connecticut: Yale University Press, 1989) 1–16.

  8. John H. Wigger, Taking Heaven by Storm: Methodism and the Rise of Popular Christianity in America (New York City: Oxford University Press, 1998), 48–79.

  9. Lucas 22:35.

  10. Sa panahong ito, ang mga katungkulan sa priesthood at mga terminolohiya ay paunti-unting ipinahahayag. Ang katungkulan ng elder ang tanging katungkulan noon sa tinatawag natin ngayon na Melchizedek Priesthood. Isinaad sa Articles and Covenants (Doctrine and Covenants 20) ang katungkulan ng elder bilang pinakamataas sa Simbahan, dahil ang mga elder ay maaaring mag-orden ng mga kalalakihan sa lahat ng iba pang katungkulan at itinalagang awtoridad na mangangasiwa sa mga pulong (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:38–60). Ang paghahayag na ito tungkol sa paunang istruktura ng Simbahan ay hindi nagbabanggit ng tungkol sa Melchizedek o Aaronic o “nakatataas” o “nakabababang” mga priesthood.

  11. Doktrina at mga Tipan 42:6.

  12. Doktrina at mga Tipan 42:6–14.

  13. Doktrina at mga Tipan 43:1, 16, 20.

  14. Doktrina at mga Tipan 84:62–120.

  15. Doktrina at mga Tipan 52:2, 5, 9–10.

  16. Doktrina at mga Tipan 52:8–9. Si Jared Carter, na kadarating pa lang sa Kirtland, ay hindi tinawag upang humayo; iniutos sa paghahayag na iorden siya bilang isang saserdote o priest (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 52:38).

  17. Hiniling ni Emma Smith kay John na huwag sabihin sa mga bata na ampon sila. Sinunod niya ang kahilingan sa loob ng maraming taon at pagkatapos ay lumiham sa kanyang anak na si Julia noong malaki na ito at siya naman ay 67 taong gulang na, siya ay nagpakilala na tunay na ama nito at nag-alok na basbasan ito bago siya [si John Murdock] pumanaw kung magkakaroon sila ng pagkakataong magkita (tingnan sa Marjorie Newton, “Father of Joseph’s Daughter: John Murdock,” Journal of Mormon History, tomo 18, blg. 2 [1992], 189–93).

  18. John Murdock journal, typescript, 4.

  19. Hindi idinetalye ni Murdock ang kanyang sakit, ngunit sa sumunod na mga tala sa journal nabanggit ang pagkakaroon ng lagnat, panginginig, at iba pang mga sintomas na pabalik-balik, nagpapahiwatig na ito ay malarya o anumang katulad nito.

  20. John Murdock journal, Hunyo 15, 1831, pahina 3, Church History Library, Salt Lake City.

  21. John Murdock journal, typescript, 11; ginawang makabago ang pagbabantas.

  22. Doktrina at mga Tipan 99:1.

  23. Doktrina at mga Tipan 99:6.

  24. John Murdock journal, typescript, 36.

  25. Jared Carter journal, typescript, 6–7.

  26. Jared Carter journal, typescript, 7; ginawang makabago ang pagbabaybay.

  27. Erik Barnouw, “The Benson Exodus of 1833: Mormon Converts and the Westward Movement,” Vermont History, tomo 54, blg. 3 (Tag-init 1986), 142.

  28. Jared Carter journal, typescript, 7–8.

  29. Doktrina at mga Tipan 35:8.

  30. Jared Carter journal, typescript, 8. Hindi niya pinangalanan ang kapatid niyang ito.

  31. Jared Carter journal, typescript, 9.

  32. Jared Carter journal, typescript, 9.

  33. Doktrina at mga Tipan 79:1.

  34. Jared Carter journal, typescript, 9.

  35. Jared Carter journal, typescript, 18.

  36. Ira Ames autobiography and journal, image 16, Church History Library, Salt Lake City.

  37. Phebe Peck letter to Anna Pratt, Ago. 10, 1832, Church History Library, Salt Lake City; inilathala rin sa Janiece Johnson, “‘Give Up All and Follow Your Lord’: Testimony and Exhortation in Early Mormon Women’s Letters, 1831–1839,” BYU Studies, tomo 41, blg. 1 (2002), 92–93.

  38. Rebecca Williams letter to Isaac Swain, sa Johnson, “‘Give Up All and Follow Your Lord,’” 100.