Lesson 116
II Mga Taga Corinto 8–9
Pambungad
Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto, na ipinapaliwanag na ang mga miyembro sa Macedonia ay taos-pusong nagbigay sa mga nangangailangan. Hinikayat niya ang mga Banal sa Corinto na tularan din ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagbibigay sa mga mahihirap. Nagturo si Pablo tungkol sa mga pagpapala na darating sa mga masayang nagbibigay sa mahihirap.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
II Mga Taga Corinto 8
Ipinayo ni Pablo sa mga Banal na pangalagaan ang mga mahihirap
Isulat ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol (mula sa “Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 40) sa pisara bago magklase, ngunit maglagay ng patlang sa halip na ang salitang karukhaan. Simulan ang lesson sa pagpapabasa nang malakas sa pahayag sa isang estudyante.
Sabihin sa mga estudyante na hulaan ang nawawalang salita sa pahayag. Pagkatapos ay isulat ang salitang karukhaan.
-
Ano ang karukhaan? (Ang kalagayan sa buhay na kaunti o walang pera, gamit, o paraan para suportahan ang sarili o pamilya.)
-
Bakit maaaring napakahirap na hamon ang karukhaan?
Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga tao na alam nila na maaaring nangangailangan ng anumang uri ng tulong, kabilang ang pisikal, emosyonal, sosyal, o espirituwal na tulong. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 8–9 na makatutulong sa kanila na maunawaan at magampanan ang kanilang papel sa pagtulong sa iba na nangangailangan.
Ibuod ang II Mga Taga Corinto 8:1–8 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na ang mga miyembro ng Simbahan sa Macedonia ay bukas-palad na nagbigay upang tulungan ang mahihirap sa kanilang temporal na pangangailangan. (Maaari mong ipahanap sa mga estudyante ang Corinto at Macedonia sa Mga Mapa sa Biblia, blg. 13 “Ang mga Paglalakbay ni Apostol Pablo Bilang Misyonero.”) Ipinaliwanag ni Pablo na ginawa iyon ng mga miyembro sa Macedonia dahil hangad nilang gawin ang kalooban ng Diyos. Hinikayat niya ang mga Banal sa Corinto na tularan ang halimbawang ito ng pagbibigay para sa pangangailangan ng iba nang may taos-pusong pagmamahal.
Isulat sa pisara ang mga salitang mayaman at mahirap.
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Mga Taga Corinto 8:9, na inaalam ang sinabi ni Pablo na ginawa ni Jesucristo para sa mga Banal. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong ang mga sumusunod, at ilista sa pisara ang tugon ng mga estudyante sa ilalim ng mga salitang mayaman at mahirap.
-
Sa paanong mga paraan mayaman si Jesucristo sa buhay bago ang buhay sa mundo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod: Si Jesucristo ang Panganay ng Ama sa espiritu bago pa man Siya isinilang sa mortalidad. Si Jesucristo ay isang Diyos na pumapangalawa sa Ama sa Langit sa awtoridad, kapangyarihan, at kaluwalhatian at lumikha ng maraming daigdig sa ilalim ng pamamahala ng Ama.)
-
Paano Siya maituturing na mahirap noong narito Siya sa mortalidad? (Iniwan Niya ang Kanyang posisyon ng kaluwalhatian upang maisilang at mamuhay sa gitna ng mga abang kalagayan sa mundo.)
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin sa talata 9 ng tayo “sa pamamagitan ng karukhaan [ng Tagapagligtas] ay mag[si]siyaman”? (Dahil nagpakababa si Jesucristo mula sa Kanyang trono sa buhay bago ang buhay sa mundo at naparito sa lupa upang maglingkod, magpakita ng mabuting halimbawa para sa atin, at maisagawa ang Pagbabayad-sala, matatanggap natin ang mga yaman ng buhay na walang-hanggan.)
Ipaliwanag sa mga estudyante na isang taon na ang nakararaan, nangako ang mga Banal sa Corinto na mangongolekta ng mga bagay-bagay para sa mahihirap na mga Banal sa Judea. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 8:10–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto.
-
Ano ang ipinayo ni Pablo na gawin ng mga Banal sa Corinto?
Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng mga katagang “sa paggawa” at “tapusin din naman ninyo ang paggawa” ay ipinaalala ni Pablo sa mga Banal na tuparin nila ang kanilang ipinangako noon na magbigay ng anumang makakaya nila sa mahihirap na Banal, tulad ng pagbibigay sa kanila ng Tagapagligtas ng mga walang hanggang kayamanan.
-
Ano ang mangyayari sa bawat isa sa atin kapag nauunawaan natin ang lahat ng mga ibinigay sa atin ng Tagapagligtas? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag mas nauunawaan natin ang lahat ng mga ibinigay sa atin ng Tagapagligtas, mas bukal sa loob natin ang magbigay sa iba.)
-
Paano tayo mahihikayat ng pag-iisip tungkol sa mga kaloob ng Tagapagligtas na magbigay sa mga nangangailangan?
-
Anong mga partikular na kaloob ang ibinigay sa inyo ng Tagapagligtas na maaaring magbigay sa inyo ng inspirasyon na tumulong sa iba?
Ipabasa nang malakas sa ilang estudyante ang II Mga Taga Corinto 8:12–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isang karagdagang katotohanan na itinuro ni Pablo sa mga tao tungkol sa kahalagahan ng pagtulong sa bawat isa sa paraang temporal.
-
Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa mga talata 12–13? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Nais ng Diyos na bukal sa loob natin ang pagbibigay kahit na wala tayong anumang maibibigay.)
Upang matulungan ang klase na maunawaan ang katotohanang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland:
“Mayaman man tayo o mahirap, gawin natin ang ‘magagawa natin’ kapag nangangailangan ang iba” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” 41).
-
Ano ang magagawa natin para sa iba kung wala tayong maibibigay na anumang pisikal na bagay sa kanila?
-
Ayon sa mga talata 14–15, sino ang makikinabang kapag patuloy na nagbibigay ang mga Banal sa mga nangangailangan? (Sinuman na nangangailangan sa anumang oras.)
-
Ano ang ilang paraan na nakikinabang ang lahat ng tao kapag handang magbigay ang lahat?
Upang matulungan ang mga estudyante na madama ang kahalagahan ng mga katotohanan at alituntuning ito at maipamuhay ang mga ito, basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Holland. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano makatutulong ang Panginoon sa atin na tumugon nang may habag sa mga mahihirap.
“Hindi ko alam kung paano dapat tuparin ng bawat isa sa inyo ang inyong obligasyon sa mga taong hindi tinutulungan o hindi kayang tulungan palagi ang kanilang sarili. Ngunit alam ko na alam ng Diyos, at tutulungan at gagabayan Niya kayo sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?”. 41).
-
Ano ang sinabi ni Elder Holland na dapat nating gawin upang maging handa na tumulong sa mahihirap at nangangailangan?
-
Ano ang ilang paraan na itinatag ng Simbahan para makatulong tayo sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mahihirap? (Sa pamamagitan ng mga handog-ayuno, lokal na mga proyektong pangserbisyo, at pagkakataong tumulong.)
Hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang bagay na pinaplano nilang gawin ayon sa itinuro ni Pablo tungkol sa pagbibigay sa mahihirap at nangangailangan.
Ibuod ang II Mga Taga Corinto 8:16–24 na ipinapaliwanag na nagsalita si Pablo sa mga Banal sa Corinto tungkol kay Tito at sa dalawa pang lalaki na ipinadala upang mangolekta ng mga kontribusyon para makatulong sa mga Banal sa Jerusalem. Nagsalita si Pablo tungkol sa kanyang tiwala sa mga Banal sa Corinto at ipinaliwanag na ang kanilang pagbibigay nang bukas-palad ay katibayan ng kanilang pagmamahal sa iba.
II Mga Taga Corinto 9
Nagturo si Pablo tungkol sa mga pagpapala ng pagbibigay nang taos-puso
Ibuod ang II Mga Taga Corinto 9:1–5 na ipinapaliwanag na nagpatuloy si Pablo sa pagpuri sa mga Banal sa Corinto. Sinabi niya sa mga Banal na ipinadala niya si Tito at ang iba pa upang pagtibayin ang kagustuhan nilang magbigay nang taos-puso.
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung napilitan na ba sila na magbigay ng kahit ano o maglingkod sa isang tao.
-
Bakit kung minsan ay mahirap maging masaya sa pagbibigay ng oras, pera, o ibang pang mga bagay upang tumulong sa iba?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 9:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang paghahambing na ginamit ni Pablo upang ituro sa mga miyembro sa Corinto ang tungkol sa pagbibigay nang taos-puso.
-
Ano ang ibig sabihin ng maghasik? (Magtanim ng mga binhi.)
-
Saan inihambing ni Pablo ang paghahasik? (Pagbibigay sa iba.)
Ipakita ang ilang buto ng prutas o gulay, o magdispley ng ilang larawan nito.
-
Sino ang mga naghahahasik sa paghahambing na ito? (Ang mga Banal, o tayo.)
-
Ayon sa talata 7, paano tayo inaasahan ng Panginoon na maghasik, o magbigay? (Masaya, hindi mabigat sa loob. Tingnan din sa Moroni 7:8.)
Isulat sa pisara ang sumusunod na di-kumpletong pahayag: Kapag nagbigay tayo sa mga nangangailangan nang may masayang puso …
-
Paano katulad ng pagbibigay sa iba ang paghahasik ng mga binhi sa bukid?
-
Ano ang mangyayari kung maghahasik tayo nang paunti-unti?
-
Ano ang mangyayari kung maghahasik tayo nang marami?
Kumpletuhin ang alituntunin sa pisara upang maituro nito ang sumusunod na katotohanan: Kapag nagbigay tayo sa mga nangangailangan nang may masayang puso, bukas-palad tayong pagpapalain ng Diyos.
-
Paano humahantong ang masayang pagbibigay sa iba sa pagtanggap natin nang higit pa sa ibinigay natin?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 9:8–10. Sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapala na sinabi ni Pablo na darating sa mga Banal kapag nagbigay sila nang may masayang puso.
-
Ano ang ilang mga kataga na ginamit ni Pablo upang ilarawan ang mga pagpapala na ibibigay ng Panginoon sa mga taong nagbibigay nang may masayang puso? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang “lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo” [talata 8], “laging buong kaya sa lahat” [talata 8], “ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man” [talata 9], at “magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran” [talata 10].)
Ipaliwanag na ipinapahiwatig ng mga talatang ito na matatanggap natin ang biyaya ng Panginoon, na maaaring kabilangan ng mga temporal na pagpapala, na sapat para sa ating mga pangangailangan.
-
Ayon sa talata 10, sino ang “nagbibigay ng binhi sa naghahasik”? (Ang Panginoon. Ipakita muli ang buto o binhi, at ipaliwanag na nakapagbibigay lamang tayo sa iba dahil naglaan sa atin ang Panginoon.)
-
Paano makatutulong ang pag-alaala kung saan nanggaling ang lahat ng mayroon tayo sa pagbibigay nang masaya?
Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng II Mga Taga Corinto 9:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang itinuro ni Pablo tungkol sa mga Banal na nagbibigay at tumatanggap nang masaya.
-
Ayon sa mga talata 11–15, ano ang nadarama tungkol sa Diyos ng mga Banal na taos-pusong nagbibigay at tumatanggap ng tulong ng iba?
Maaari mong sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang anumang mga kataga ng pasasalamat na makikita sa mga talatang ito, tulad ng “na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Dios” (talata 11), “maraming pagpapasalamat sa Dios” (talata 12), “niluluwalhati nila ang Dios” (talata 13), at “salamat sa Dios dahil sa kaniyang kaloob na di masabi” (talata 15).
Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang sumusunod na katotohanan sa kanilang mga banal na kasulatan malapit sa mga talata 11–15: Ang pagkilala sa saganang pagbibigay ng Diyos ng mga pagpapala sa atin ay makatutulong sa atin na makadama ng pasasalamat sa Kanya.
-
Kailan kayo nakadama ng pagpapasalamat sa Diyos matapos ninyong makilala ang mga pagpapalang ibinigay Niya sa inyo dahil sa paglilingkod at pagbibigay sa iba nang masaya?
Patotohanan ang mga alituntunin at katotohanang natukoy ng mga estudyante sa II Mga Taga Corinto 8–9.
Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga paraan na maaaring makatulong sila sa isang taong nangangailangan sa linggong ito. Hikayatin sila na magtakda ng mithiin na tulungan ang taong iyon.