Seminary
Santiago 2


Santiago 2

“Ang Pananampalataya … , Kung Ito ay Walang mga Gawa ay Patay”

Youth doing a service project in Australia

Maaari bang magkaroon ng pagkakaiba sa pagitan ng isang taong nagsasabing naniniwala siya kay Jesucristo at ng isang taong sumasampalataya kay Jesucristo? Nagbigay si Santiago ng mahalagang pagkakaiba na ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nakikita hindi lang sa iniisip o sinasabi ng isang tao, kundi maging sa ginagawa niya. Ang lesson na ito ay magbibigay-daan para masuri mo kung paano ka mas lubos na mananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

Pagtulong sa mga estudyante na aktibong makibahagi. Habang naghahandang magturo, magtuon sa gagawin ng mga estudyante. Hikayatin ang mga estudyante na magsikap na matuto mula sa mga banal na kasulatan at sa isa’t isa. Kapag ginawa ito ng mga estudyante, madaragdagan ang kanilang kumpiyansa sa kakayahan nilang matuto mula sa mga banal na kasulatan. Mas malamang na maipamuhay ng mga estudyante ang natutuhan nila.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong malapit sa kanila na may malakas na pananampalataya kay Jesucristo. Kung maaari, sabihin sa mga estudyante na itanong sa taong ito ang tulad ng sumusunod: “Paano naiimpluwensyahan ng pananampalataya mo kay Jesucristo ang iyong mga ginagawa at pag-uugali? Ano ang mga ginagawa mo na naiiba dahil sa iyong pananampalataya kay Jesucristo?” Sabihin sa mga estudyante na pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagtanggap ng mga pagpapala—tulad ng pagsindi ng apoy

Magdrowing sa pisara ng larawan ng apoy.

Humihingi ka ba ng pagpapala o sagot sa panalangin mula sa Ama sa Langit? Maaaring makatulong na ihambing ang proseso ng paghingi ng mga pagpapalang ito sa pagsindi ng apoy upang makatanggap ng liwanag at init mula rito.

  • Anong mga hakbang ang gagawin mo para makalikha ng apoy?

  • Gaano kahalaga ang pagsisindi ng posporo?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol upang malaman kung paano natutulad ang pagtanggap ng mga pagpapala sa pagsindi ng apoy. Maaari mo ring panoorin ang “Mananagana sa Pagpapala,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristoChrist.org, mula sa time code na 1:02 hanggang 3:27.

2:3

Mananagana sa Pagpapala

Official portrait of Elder Dale G. Renlund of the Quorum of the Twelve Apostles, January 2016.

Ihalintulad natin ang mga pagpapala ng langit sa malaking salansan ng mga kahoy. … [Ito] ay magbibigay ng matinding liwanag at init nang maraming araw. …

Para makapagbigay ng liwanag at init ang salansan ng mga kahoy na panggatong, ang posporo ay kailangang ikiskis at sindihan ang mga patpat. Ang mga patpat ay kaagad na magniningas at susunugin ang mas malalaking piraso ng mga kahoy. …

Ang pagkiskis ng posporo at pagsindi sa mga patpat ay maliliit na gawain na nagpalabas sa kakayahang magbigay ng liwanag at init ng mga kahoy na panggatong. Hangga’t hindi ikinikiskis ang posporo, walang mangyayari, gaano man kalaki ang salansan ng mga kahoy. …

Sa ganito ring paraan, karamihan sa mga pagpapala na nais ibigay sa atin ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilos natin—pagkilos na batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo. … Ang ipinagagawa sa atin, gayunpaman, ay palaging maliit kung ikukumpara sa mga pagpapala na matatanggap natin sa huli.

(Dale G. Renlund, “Mananagana sa Pagpapala,” Liahona, Mayo 2019, 70)

  • Ano ang mga natutuhan mo mula sa analohiya ni Elder Renlund?

  • Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ng kumilos “batay sa ating pananampalataya kay Jesucristo”?

Maaari mong hayaan ang mga estudyante na pag-isipan at sagutin ang mga susunod na tanong sa kanilang study journal.

Pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa paanong mga paraan ka may pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang mga ginagawa mo dahil sa pananampalatayang ito?

  • Anong mga sagot at iba pang pagpapala ang natanggap mo mula sa Diyos nang manampalataya ka kay Jesucristo? Mayroon bang mga karagdagang paraan na nadarama mong nais ng Panginoon na gawin mo nang may pananampalataya? Bakit?

Ipagdasal na gabayan ka ng Ama sa Langit habang naghahanap ka ng mga sagot sa mga tanong na ito sa iyong pag-aaral.

Pananampalataya kay Jesucristo

Gumamit si Santiago ng isa pang analohiya upang ituro sa atin ang kahalagahan ng pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo.

Basahin ang Santiago 2:14–16 , at subukang ilarawan sa iyong isipan ang iisipin mo kung nasaksihan mo ang sitwasyong ito. (Ang salitang “hubad” sa talata 15 ay nangangahulugang hindi maayos na nadaramitan.)

Maaari mong anyayahan ang dalawang estudyante na pumunta sa harap ng klase. Hilingin sa isa sa mga estudyante na gumanap bilang pulubi at sa isa pang estudyante na gumanap bilang taong makatutulong sa pulubi. Ipabasa nang malakas sa pangatlong estudyante ang Santiago 2:15–16 habang ginagampanan ng dalawang estudyante ang inilalahad sa mga talatang ito.

  • Ano ang natutuhan mo mula sa analohiya ni Santiago?

Basahin ang Santiago 2:17–18, 26 (tingnan din sa Santiago 1:22) at alamin ang isang katotohanan na inilarawan ni Santiago sa pamamagitan ng analohiyang ito.

  • Paano mo ibubuod ang itinuro ni Santiago?

Ang isang paraan ng paglalahad ng katotohanang itinuro ni Santiago ay ang tunay na pananampalataya kay Jesucristo ay nangangailangan ng mabuting gawa.

  • Sa iyong palagay, bakit nais ni Jesucristo na ipakita natin sa gawa ang ating pananampalataya?

Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang isa sa mga paulit-ulit na turo sa liham ni Santiago ay dapat nating pangalagaan ang mga maralita, maysakit, at nangangailangan (tingnan sa Santiago 1:27 ; 2:1–9 ; 5:14–15). Ang gayong mga gawa ay nagpapakita ng pananampalataya kay Jesucristo.

  • Paano tayo mahihikayat ng pag-alaala sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang kabutihan na kumilos ayon sa ating mga paniniwala?

Mga halimbawa ng pagkilos nang may pananampalataya

Maaaring makapagbigay-inspirasyon na mag-isip ng mga halimbawa ng mga taong kumikilos ayon sa kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Basahin ang Santiago 2:21–25 , at tukuyin ang mga halimbawa ng mga tao sa Lumang Tipan na kumilos nang may pananampalataya.

Kung kinakailangan, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang tawag kay Abraham dahil sa kanyang mga gawa? (tingnan sa Santiago 2:23). Sa iyong palagay, bakit ang kanyang matatapat na gawa ay humantong sa titulong ito?

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong ang ating mga gawa na palakasin at gawing ganap ang ating pananampalataya? (tingnan sa Santiago 2:22).

Makatutulong din na ipaliwanag na nanampalataya si Rahab sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang buhay sa panganib upang protektahan ang mga tagapaglingkod ng Diyos (tingnan sa Josue 2:1, 3 ; 6:17, 23, 25 ; Mga Hebreo 11:31).

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa dalawang piraso ng papel. Magagamit ng mga estudyante ang kanilang paghahanda ng estudyante sa aktibidad na ito.

  • Sino ang naiisip mo, mula sa iyong buhay o sa mga banal na kasulatan, na ipinakita sa gawa ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo? Ano ang natutuhan mo mula sa halimbawang ito?

  • Ano ang isang paraan na si Jesucristo ay isang halimbawa ng mabubuting gawa? Paano tayo natutulungan ng ating mabubuting gawa na maging higit na katulad Niya?

Matapos isulat ng mga estudyante ang kanilang mga sagot, sabihin sa kanila na itupi ang dalawang piraso ng papel at hawakan ang isa sa bawat kamay. Pagkatapos ay maaaring lumibot ang mga estudyante sa buong silid at pumili ng isang taong babahagian nito. Pagkatapos ay maaaring piliin ng bawat estudyante ang kanan o kaliwang kamay ng isa pang estudyante upang pakinggan ang kanilang mga sagot. Maaaring ulitin ng mga estudyante ang aktibidad na ito sa iba pang estudyante.

Pagtanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng mga gawa na binigyang-inspirasyon ng pananampalataya

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na hamon hinggil sa ating pananampalataya at sa ating mga paggawa:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Ang gawin nang mahusay ang anumang bagay ay nangangailangan ng pagsisikap. Hindi naiiba diyan ang pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Ang pagpapalakas ng inyong pananampalataya at tiwala sa Kanya ay nangangailangan ng pagsisikap. …

…Ano ang gagawin ninyo kung kayo ay may mas higit na pananampalataya? Pag-isipan ninyo ito. Magsulat tungkol dito. Pagkatapos ay tumanggap ng higit pang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nangangailangan ng higit na pananampalataya.

Pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang gagawin mo kung ikaw ay may mas higit na pananampalataya?

  • Ano ang mga hakbang na magagawa mo upang kumilos ayon sa iyong mga impresyon?

Maglaan ng ilang sandali upang magsimulang kumilos ayon sa iyong mga impresyon. Halimbawa, depende sa nadarama mong dapat mong gawin, maaari kang magpadala ng text, manalangin, maglagay ng paalala sa iyong kalendaryo, o magplano kung ano ang susunod mong gagawin.

Itanong kung may sinumang estudyante na komportableng ibahagi ang nasimulan niyang gawin o ipinlanong gawin. Ang pagbabahagi ng mga ideya ay makahihikayat sa iba pang estudyante.

Maaari kang magbahagi ng patotoo o personal na karanasan kung bakit dapat naaayon sa pananampalataya kay Jesucristo ang ating mga ginagawa.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Sinalungat ba ng mga turo ni Santiago tungkol sa pananampalataya at mga gawa ang mga turo ni Pablo?

Sa konteksto ng Santiago 2:14 , ginamit ni Santiago ang mga salitang mga gawa na naiiba sa paggamit dito ni Apostol Pablo. Nang gamitin ni Pablo ang mga salitang mga gawa, pangunahin niyang tinukoy ang mga gawa ng batas ni Moises (tingnan sa Roma 3:27–31 at Galacia 2:15–16). Nang gamitin ni Santiago ang mga salitang mga gawa, ang tinutukoy niya ay ang mga gawa ng katapatan o mga gawa ng kabutihan.

Ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay, ngunit paano naman ang mga gawang walang pananampalataya?

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Ang tunay na pananampalataya ay nakatuon sa Panginoong Jesucristo at laging nauuwi sa mabuting pagkilos. … Ang pagkilos lamang ay hindi pananampalataya sa Tagapagligtas, kundi ang pagkilos ayon sa mga tamang alituntunin ay isang pangunahing bahagi ng pananampalataya.

(David A. Bednar, “Humingi nang May Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 95)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Santiago 1:22 . “Maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang”

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga turo na makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahalagahan ng pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo.

3:0

Doers of the Word

Santiago 2:9 . “Kung kayo’y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala”

Ang alituntuning ito ay maaaring ituro bilang halimbawa kung paano natin maipapakita ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating mga gawa. Pumili ng kahit sinong estudyante at bigyan siya ng maliit na regalo. Sabihin sa klase na binigyan mo ang estudyanteng ito ng regalo dahil sa ilang karaniwang dahilan (tulad ng kulay ng damit na suot niya). Magtanong ng tulad ng, “Ano ang naramdaman ninyo sa pagtrato ko sa estudyanteng ito? Bakit tayo nagpapakita kung minsan ng pagtatangi sa iba?” Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Santiago 2:1–4 . Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang babalang ibinigay ni Santiago sa mga Banal. Ano ang nalaman nila? Paano natin maiiwasan ang pagtatangi sa ilang tao kaysa sa iba?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Santiago 2:8 , at alamin ang ipinaalala ni Santiago na gawin ng mga Banal upang mawala ang pagtatangi. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong kakilala niya na nagpapakita ng pagmamahal nang pantay-pantay sa mga taong magkakaiba ang sitwasyon. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung sino ang naisip nila at bakit. Paano ipinakita ni Jesucristo ang halimbawa ng pagmamahal sa kapwa nang pantay-pantay? Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila mas matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paraan kung paano nila nakikita at pinahahalagahan ang iba.

Santiago 2:19–20 . Ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ay naiiba sa pagkilala lamang na Siya ay buhay

Ang aktibidad na ito ay maaaring ituro pagkatapos ng pahayag o video ni Elder Renlund at ng mga kasunod na tanong. Paano mas mauunawaan ng mga estudyante ang kaugnayan ng pananampalataya at ng mga gawa? Sabihin sa kanila na basahin ang Santiago 2:19–20 , at alamin ang halimbawang ibinigay ni Santiago upang ipakita na maaaring maniwala ang mga tao sa Diyos nang walang pananampalataya sa Diyos. Ano ang nalaman ng mga estudyante? Paano nila ilalarawan ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos at ng paniniwala sa Diyos?