Mga Pamantayan sa Mobile Device (2017)
Mga Pamantayan sa Mobile Device
Mga Pamantayan sa Mobile Device
“Masdan, at narito, aking aalagaan ang inyong mga kawan, at magbabangon ng mga elder at magsusugo sa kanila. Masdan, aking mamadaliin ang aking gawain sa panahon nito” (D&T 88:72–73).
Mga karagdagang banal na kasulatan: D&T 58:27–28, 64; 60:13; 64:33
Ang Iyong Ministeryo
Sundin ang mga alituntuning nakasaad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo habang isinasama ang teknolohiya sa iyong pagpo-proselyte. Gamitin lamang ang teknolohiya sa mga paraang makatutulong sa pagtupad mo ng iyong layunin at magpapakita ng kasagraduhan ng iyong tungkulin.
Bagaman ikaw ay napayagang gumamit ng teknolohiya sa pagtuturo sa mga tao sa labas ng inyong area (o mission), unahin ang pagtulong sa mga taong nakatira sa inyong area. Ang iyong mga online na aktibidad ay dapat magpahusay sa mga gawain mo sa araw-araw.
Gayunman, maaari kang magkaroon ng mga pagkakataong turuan ang mga taong hindi nakatira sa inyong area. Sa pahintulot mula sa iyong mission president, maaari mong turuan ang mga taong nakatira sa labas ng inyong area (kabilang ang iyong mga kaibigan at miyembro ng pamilya) gamit ang online tools. Kapag nagtuturo sa mga nakatira sa labas ng inyong area, ang layunin mo ay ihanda silang makipagkita sa mga lokal na missionary. Maaari kang makipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng social media, subalit huwag hayaan ang pakikipag-ugnayan sa kanila o pagbabasa ng kanilang mga post na makaabala sa iyong layunin. Sundin ang mga patakaran hinggil sa komunikasyon na nakasaad sa bahaging “Communicating with Family” sa Missionary Handbook (tingnan sa mga pahina 20–21).
Kapag gumagamit ng mobile device, maging magalang at isipin ang mga nasa paligid mo. Ibigay ang iyong buong pansin tuwing kasama mo sila. Huwag tumingin sa mga post o sumagot sa mga text message habang nakikipag-usap sa ibang tao nang harapan.
Asal sa Online
Kapag tiningnan ng iba ang iyong online profile, dapat makilala ka nila agad bilang kinatawan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa ilang pagkakataon, ang iyong profile ang kanilang magiging unang pagkakilala sa iyo at sa Simbahan. Gamitin lamang ang iyong buong pangalan (halimbawa, “John Peterson” o “Sarah White”). Huwag isama ang “Elder” o “Sister.” Ang iyong profile picture ay dapat magpakita ng iyong sagradong tungkulin. Gamitin ang sarili mong retrato (hindi isang group photo) kung saan nakasuot ka ng angkop na missionary attire, suot ang missionary name tag mo. Umalis sa mga social media group at itigil ang pag-follow sa mga samahan o website na hindi sumasalamin sa iyong tungkulin bilang isang kinatawan ng Panginoon. Tandaan, ang Simbahan ay walang-pagkiling sa pulitika. Ang iyong mga post at mga interaksyon sa iba ay dapat magpakita na ikaw rin ay walang-pagkiling sa pulitika.
Ang iyong mga post at mga mensahe ay dapat makabuluhan at nakatuon sa mga pangangailangan ng mga tinuturuan mo; huwag mabahala sa pagtanggap ng maraming “likes” o pagiging “viral.” Ang pokus dapat ng iyong mga pagsisikap sa pamamagitan ng social media ay ang isahang mga pakikipag-ugnayan.
Huwag magsabi o magpahiwatig na ang iyong mga pananaw o mga post ay opisyal na mga komunikasyon ng Simbahan o na awtorisado ang mga ito ng Simbahan. Huwag lumikha ng mga website, blog, o mga social media profile para sa mga lokal na yunit o mga miyembro ng Simbahan; ang mga miyembro ang lilikha sa mga ito. Kung pipiliin mong magsulat ng personal na blog, huwag itong gamitin bilang isang journal ng mga aktibidad o bilang isang travelogue; sa halip, gamitin ito para magbahagi ng mensahe ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa lahat ng bagay, ipokus ang iyong paggamit ng teknolohiya sa pagtupad sa iyong layunin bilang missionary.
Tiyakin na gumagamit ka ng isang inaprubahang device na naka-enrol sa mga proteksyon ng Simbahan.
Bagama’t magkakaroon ka ng access sa ilang gospel study resources sa Gospel Library at LDS.org, ipokus ang iyong pag-aaral sa doktrina at mga alituntuning matatagpuan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Huwag gumugol ng sobrang oras sa pag-aaral ng resources na labas sa kung ano ang ituturo mo sa mga tao tulad ng nakabalangkas sa kabanata 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Piliing pag-aralan ang resources na pinaka-makatutulong sa iyo na matupad ang iyong layunin bilang missionary.
Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya
Sundin ang mga gabay sa Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya, at tulungan ang iyong kompanyon at ang iba pa na gawin din iyon. Ang apat na mga pag-iingat ay:
-
Maging nakaayon sa mga espirituwal na pahiwatig.
-
Magpokus sa iyong layunin bilang missionary.
-
Maging disiplinado.
-
Magkaisa.
Kung nadarama mong mahina ka o madali kang tablan ng tukso habang gumagamit ng iyong mobile tools, dapat mong:
-
Tanggapin ang problema.
-
Piliing daigin ang tukso.
-
Matuto at humusay.
Kasama ang iyong kompanyon, lumikha ng isang kultura ng pagtutulungan na maging ligtas sa pamamagitan ng palagian at puspusang pagsuri sa devices ng bawat isa. Sa pagsuri sa device ng iyong kompanyon, tingnan ang kanyang app histories, recent contacts, photos, notes, usage information, at iba pa. Huwag i-reset ang iyong device o burahin ang iyong online history. Sa direksyon ng iyong mission president, ang mga missionary leader ay maaari ding magsagawa ng mga device review. Hangarin ang patnubay ng mga missionary leader at ng iyong kompanyon sa kung paano mo patuloy na mapagbubuti ang iyong kahusayan at kabutihan habang gamit ang teknolohiya.
Palaging rebyuhin ang buklet na Mga Pag-iingat sa Paggamit ng Teknolohiya at ang Safeguards for Using Technology online course sa Missionary Portal.
Ang Iyong Kompanyon
Palaging umupo o tumayo sa paraang makikita mo at ng iyong kompanyon ang screen ng bawat isa kapag ginagamit ang mga device. Magkaroon ng kamalayan sa mga contact, mensahe, at komunikasyon ng iyong kompanyon. Tiyakin din na nirerebyu ng iyong kompanyon ang anumang bagay na binabalak mong i-email, i-post, i-comment, o i-message maliban sa mga liham sa iyong mission president at mga email sa iyong pamilya. Kapag nagtuturo o nakikipag-ugnayan gamit ang social media messaging, tiyaking naka-add ang iyong kompanyon sa group conversation; tutulutan nito kayong magkompanyon na parehong makibahagi sa pagtuturo.
Kaligtasan
Kapag nasa pampublikong lugar, huwag gawing agaw-pansin ang inyong devices. Maging mapagmasid sa inyong kapaligiran kapag gumagamit o nagdadala ng mga mobile device. Gawin ang anumang kinakailangang pag-iingat upang protektahan ang iyong mobile device mula sa pagkanakaw at pagkasira. Gayunman, huwag ilagay ang iyong sarili sa panganib kapag sapilitang kinukuha ng isang tao ang iyong device.
Kapag nagmamaneho, dapat maging alisto at maingat ang magkompanyon. Hindi ka dapat magambala ng iyong device habang nagmamaneho o nakasakay bilang pasahero. Ang mga nagmamaneho ng sasakyan ay hindi dapat gumamit ng mga mobile device.
Maging maingat sa kung sino ang iyong ipa-follow o ia-add bilang friends sa social media. Maging maingat din tungkol sa kung sino ang papayagan mong mag-follow o mag-add sa iyo bilang friend. Magpokus sa mga taong nakilala mo, sa mga nakatira sa inyong area, at sa mga ipinakilala sa iyo ng mga miyembro. Huwag makibahagi sa mga online conversation sa mga taong naglalayon na sirain ang iyong patotoo. Dagdag pa rito, huwag makipag-ugnayan sa sinumang maaaring may kaduda-dudang balak o maaaring nagnanais na saktan ka o ang iba sa pisikal, emosyonal, o espirituwal.
Palaging suriin ang security at privacy settings ng iyong device at social media profiles para maprotektahan ang iyong sariling kaligtasan at ang kaligtasan ng iba.
Digital na Privacy at Pag-aari
Huwag kumuha ng retrato o gumawa ng mga recording sa loob ng chapel o kunan o irekord ang mga sagradong ordenansa (kabilang na ang mga binyag at mga kumpirmasyon).
Protektahan rin ang mga sensitibong impormasyon ng ibang tao. Palaging tandaang panatilihin ang kumpidensyalidad sa pamamagitan ng hindi pagsama sa mga pangalan o pribadong impormasyon tungkol sa mga investigator sa anumang digital media (tulad ng social media o email). Dapat maingat na bantayan ang buong pangalan, contact information, mga retrato, at mga pribadong problema ng mga investigator. Ang pagrerekord ng maseselang impormasyon sa isang kompyuter o mobile device ay maaaring paglabag sa mga data privacy law. Huwag mag-post o mag-share ng mga retrato ng ibang tao.
Ang iyong mga post at message ay dapat gumalang din sa digital property ng ibang tao at mga organisasyon. Hindi ka dapat lumikha ng content gamit ang sining, pangalan, mga retrato, musika, mga video, o iba pang content ng ibang tao nang walang pahintulot. Maliban kung iba ang nakasaad, ang nilalaman ng Media Library sa LDS.org ay pinayagang magamit ng mga indibiduwal nang hindi nila kailangang humingi ng pahintulot mula sa Simbahan. Tutulungan ka ng resource na ito sa paglikha ng mga nagbibigay-inspirasyong mensahe ukol sa ebanghelyo. I-access lamang ang media na makukuha sa pamamagitan ng mga website ng Simbahan (kabilang ang mormon.org, LDS.org, FamilySearch.org, mormonnewsroom.org, at iba pa). Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa paggamit ng Church media, tingnan sa social.lds.org.
Pananagutan
Mananagot ka sa Panginoon at sa iyong mga mission leader kapwa sa ginagawa mo sa teknolohiya at kung paano mo ito ginagawa. Ang saloobin mo sa paggamit ng mga digital tool sa pagtupad sa iyong ministeryo “ay nagpapakita ng iyong pagmamahal sa iyong Ama sa Langit at sa Kanyang Anak at sa respeto mo sa priesthood” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 171–172).
Ibahagi sa ibang mga missionary at sa iyong mission president ang iyong mga kuwento ng tagumpay sa kung paano nakatulong ang teknolohiya sa paghahanap, pagtuturo, pagbibinyag, pagpapanatiling aktibo, at pagsisikap na mapaaktibo ang mga miyembro (nang hindi ibinubunyag ang mga buong pangalan o personal na impormasyon). Magagawa mo ito sa pribadong social media group pages ng mission, habang nasa district meeting o iba pang mga miting, at sa iyong mga lingguhang liham sa iyong mission president.
© 2017 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Inilimbag sa USA. 6/16. 6/16. Pagsasalin ng Mobile Device Standards. Tagalog. PD60002114 893