Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 8–14. Alma 8–12: Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao


Hunyo 8–14. Alma 8–12: “Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Hunyo 8–14. Alma 8–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
nangangaral si Alma

Teaching True Doctrine, ni Michael T. Malm

Hunyo 8–14

Alma 8–12

Si Jesucristo ay Paparito upang Tubusin ang Kanyang mga Tao

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya ng paghahayag. Kaya habang binabasa mo ang Alma 8–12, itala ang mga impresyon ng Espiritu habang tinuturuan ka Niya mula sa mga mensahe nina Alma at Amulek.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang gawain ng Diyos ay hindi mabibigo. Ngunit ang mga pagsisikap nating tumulong sa Kanyang gawain kung minsan ay tila bigo—kahit paano, maaaring hindi natin kaagad makita ang mga resultang inaasam natin. Kung minsan maaaring ang pakiramdam natin ay medyo katulad ng kay Alma nang ipangaral niya ang ebanghelyo sa Ammonihas—tinanggihan, dinuraan, at itinaboy. Ngunit nang sabihan siya ng isang anghel na bumalik at muling subukan, buong tapang na “mabilis [na] bumalik” si Alma (Alma 8:18), at naghanda ng daan ang Diyos para sa kanya. Hindi lamang Niya binigyan ng makakain at matitirhan si Alma, kundi inihanda rin Niya si Amulek, na naging kapwa manggagawa, isang mabangis na tagapagtanggol ng ebanghelyo, at tapat na kaibigan. Kapag nahaharap tayo sa mga problema at kabiguan habang naglilingkod tayo sa kaharian ng Panginoon, maaari nating alalahanin kung paano sinuportahan at ginabayan ng Diyos si Alma, at maaari tayong magtiwala na susuportahan at gagabayan din tayo ng Diyos, maging sa mahihirap na sitwasyon.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 8

Ang mga pagsisikap kong ibahagi ang ebanghelyo ay maaaring mangailangan ng tiyaga at pagtitiis.

Kahit maaaring tanggihan ng isang tao ang iyong patotoo tungkol sa ebanghelyo, hindi ibig sabihin ay dapat ka nang mawalan ng pag-asa—tutal, hindi susuko ang Panginoon sa taong iyon, at gagabayan ka Niya kung ano ang gagawin. Sa kaso ni Alma, inutusan siya ng isang anghel na bumalik sa Ammonihas upang ipangaral ang ebanghelyo kahit marahas na siyang tinanggihan ng mga tao roon (tingnan sa Alma 8:14–16). Ano ang natututuhan mo sa halimbawa ng pagbabahagi ni Alma ng ebanghelyo sa kabila ng mga hamon at oposisyon? Aling mga talata sa Alma 8 ang nagpapaibayo sa pagnanais mong ibahagi ang ebanghelyo?

Tingnan din sa 3 Nephi 18:30–32; Jeffrey R. Holland, “Ang Halaga—at mga Pagpapala—ng Pagkadisipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 6–9.

Alma 9:18–25; 10:16–23

Hinahatulan ng Diyos ang Kanyang mga anak alinsunod sa liwanag at kaalamang taglay nila.

Kapag nagbabasa ka tungkol sa paraan ng pakikitungo ng mga Nephita sa Ammonihas sa mga lingkod ng Panginoon, madaling malimutan na minsan ay ipinamuhay nila ang ebanghelyo at sila ay “labis na pinagpalang mga tao ng Panginoon” (Alma 9:20). Sa katunayan, bahagi ng mensahe ni Alma sa mga tao sa Ammonihas na dahil pinatigas nila ang kanilang puso sa kabila ng saganang pagpapala sa kanila, mas masahol ang kalagayan nila kaysa sa mga Lamanita, na karaniwan ay nagkasala dahil sa kamangmangan. Ano ang itinuturo sa atin ng paghahambing na ito kung paano hinahatulan ng Diyos ang Kanyang mga anak?

Habang binabasa mo ang tungkol sa malalaking pagpapalang ibinigay ng Diyos sa mga tao ni Nephi (tingnan lalo na sa Alma 9:19–23), pagnilayan ang malalaking pagpapalang naibigay Niya sa iyo. Ano ang ginagawa mo upang manatiling tapat sa mga pagpapalang ito? Anong mga pagbabago sa pakiramdam mo ang kailangan mong gawin?

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 82:3.

Alma 11–12

Ang plano ng Diyos ay isang plano ng pagtubos.

Iba-iba ang itinawag ng mga propeta sa Aklat ni Mormon sa plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak, tulad ng plano ng kaligtasan o plano ng kaligayahan. Sa Alma 11–12, tinukoy ito nina Alma at Amulek bilang plano ng pagtubos. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, pagnilayan kung bakit ginamit ang salitang “pagtubos” para ilarawan ang plano. Maaari mo ring isulat ang isang maikling buod ng itinuro nina Alma at Amulek tungkol sa sumusunod na mga aspeto ng plano.

Ang Pagkahulog:

Ang Manunubos:

Pagsisisi:

Kamatayan:

Pagkabuhay na Mag-uli:

Paghuhukom:

Pansinin ang epekto ng mga salita ni Amulek sa mga tao (tingnan sa Alma 11:46). Sa palagay mo, bakit nagkaroon ng gayon kalakas na impluwensya ang mga alituntuning ito? Paano naimpluwensyahan ng mga ito ang buhay mo?

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 111–14.

Alma 12:8–18

Kung hindi ko patitigasin ang puso ko, mas marami pa akong matatanggap na salita ng Diyos.

Maaaring magtaka ang ilang tao kung bakit hindi ipinaaalam sa atin ng Ama sa Langit ang lahat ng bagay. Sa Alma 12:9–14, ipinaliwanag ni Alma ang isang posibleng dahilan kaya hindi ipinaaalam sa atin kung minsan ang mga hiwaga ng Diyos. Maaari kang matulungan ng mga tanong na ito na pagnilayan ang itinuro niya:

  • Ano ang ibig sabihin ng patigasin ang ating puso? Napapansin mo ba ang ugaling ito sa sarili mo?

  • Bakit kaya ipagkakait ng Panginoon ang Kanyang salita sa mga taong pinatigas na ang kanilang puso?

  • Paano mo naranasan ang pangakong tumanggap ng “higit na malaking bahagi ng salita”? (Alma 12:10). Ano ang pakiramdam ng maranasan iyon?

  • Ano ang magagawa mo upang matiyak na ang salita ng Diyos ay “[ma]tagpuan sa [iyo]”? (Alma 12:13). Kung nasa iyo ang salita ng Diyos, ano ang magiging epekto nito sa iyong “mga salita,” “mga gawa,” at “mga pag-iisip”? (Alma 12:14).

Para sa halimbawa ng mga alituntuning ito, ikumpara si Amulek sa ibang mga tao ng Ammonihas. Paano inilalarawan ng karanasan ni Amulek (tingnan lalo na sa Alma 10:1–11) ang itinuturo ni Alma sa mga talatang ito?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 8:10–18

Ano ang matututuhan natin mula kay Alma tungkol sa pagsunod sa Panginoon nang “mabilis” (talata 18) kahit na maaaring mahirap ito? Para mapatibay ang alituntuning ito sa maliliit na bata, maaari kayong maglaro ng isang laro kung saan magbibigay ka ng mga tagubilin para sa isang gawain at titingnan mo kung gaano kabilis ito matatapos ng mga miyembro ng pamilya. Halimbawa, maaari mong tingnan kung sino ang mabilis na makakatupi ng isang damit.

Alma 10:1–12

Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Amulek sa mga talatang ito? Ano ang naging epekto ng kanyang patotoo sa mga nakikinig? Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya mo na magplanong gumawa ng isang bagay sa linggong ito batay sa natutuhan nila mula sa halimbawa ni Amulek.

Alma 10:22–23

Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa maaaring maging impluwensya ng isang grupo ng mga taong matwid sa isang masamang lungsod?

Alma 11:34–37

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagliligtas ni Jesucristo sa atin sa ating mga kasalanan at ng pagliligtas Niya sa atin mula sa ating mga kasalanan? (tingnan sa Helaman 5:10; tingnan din sa I Ni Juan 1:9–10). Para mailarawan kung ano ang itinuro ni Amulek, maaari mong ibahagi ang kuwento sa simula ng mensahe ni Elder Allen D. Haynie “Pag-alaala Kung Kanino Tayo Nagtitiwala” (Ensign o Liahona, Nob. 2015, 121–23). Paano tayo inililigtas ni Jesucristo mula sa ating mga kasalanan?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Pag-aralan ang mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw. Basahin kung ano ang naituro ng mga propeta at apostol sa mga huling araw tungkol sa mga katotohanang natatagpuan mo sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaari mong tukuyin ang isang paksa sa Alma 8–12 at hanapin ang paksang iyon sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 21).

Larawan
si Alma na kumakaing kasama ni Amulek

Paglalarawan kay Alma na kumakaing kasama ni Amulek ni Dan Burr