“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang mga Aklat ng Kasaysayan sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)
“Ang mga Aklat ng Kasaysayan sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan
Ang mga Aklat ng Kasaysayan sa Lumang Tipan
Ang mga Aklat na Josue hanggang Esther ay karaniwang kilala bilang “mga aklat ng kasaysayan” ng Lumang Tipan. Hindi ibig sabihin nito na walang halaga ang kasaysayan sa ibang mga aklat sa Lumang Tipan. Sa halip, ang mga aklat ng kasaysayan ay tinatawag na gayon dahil ang pangunahing layunin ng kanilang mga manunulat ay ipakita ang kamay ng Diyos sa kasaysayan ng mga mamamayan ng Israel. Ang layunin ay hindi para balangkasin ang batas ni Moises, tulad ng ginagawa sa Levitico at Deuteronomio. Hindi ito para magpahayag ng papuri o managhoy sa anyong patula, tulad ng sa Mga Awit at Mga Panaghoy. At hindi ito para itala ang mga salita ng mga propeta, tulad ng ginagawa ng mga aklat nina Isaias at Ezekiel. Sa halip, nagkukuwento ang mga aklat ng kasaysayan.
Isang Bagay Ukol sa Pananaw
Natural na ang mga kuwentong ito ay isinasalaysay mula sa isang partikular na pananaw. Tulad ng imposible ang tumingin sa isang bulaklak, bato, o puno mula sa higit sa isang anggulo sa isang pagkakataon, hindi maiiwasan na ang isang ulat ng kasaysayan ay sumasalamin sa pananaw ng tao o ng grupo ng mga tao na nagsusulat nito. Kabilang sa pananaw na ito ang mga pambansa o etnikong ugnayan ng mga manunulat at kanilang kultural na kaugalian at mga paniniwala. Ang malaman ito ay makatutulong sa atin na maunawaan na ang mga manunulat at nagtipon ng mga aklat ng kasaysayan ay nakatuon sa ilang detalye habang iniiwan ang ibang aspeto. Gumawa sila ng mga palagay na hindi magagawa ng iba. At dumating sila sa mga konklusyon batay sa mga detalye at palagay na iyon. Makikita pa natin ang iba’t ibang pananaw sa mga aklat ng Biblia (at kung minsa’y sa loob ng iisang aklat). Kapag mas alam natin ang mga pananaw na ito, mas mauunawaan natin ang mga aklat ng kasaysayan.
Ang isang pananaw na karaniwan sa lahat ng aklat ng kasaysayan ng Lumang Tipan ay ang pananaw ng mga anak ni Israel, ang pinagtipanang mga tao ng Diyos. Ang pananampalataya nila sa Panginoon ay nakatulong sa kanila na makita ang impluwensya Niya sa kanilang buhay at sa mga nangyayari sa kanilang bansa. Kahit hindi nakikita sa ganitong paraan ang sekular na mga aklat ng kasaysayan, ang espirituwal na pananaw na ito ay bahagi ng dahilan kung bakit napakahalaga ng mga aklat ng kasaysayan ng Lumang Tipan sa mga naghahangad na patatagin ang kanilang sariling pananampalataya sa Diyos.
Konteksto para sa Nalalabing Bahagi ng Lumang Tipan
Nagsisimula ang mga aklat ng kasaysayan kung saan nagtatapos ang aklat ng Deuteronomio, na ang mga taon ng paggala ng mga Israelita sa ilang ay malapit nang matapos. Ipinakikita ng aklat ni Josue ang mga anak ni Israel na handang pumasok sa Canaan, ang kanilang lupang pangako, at inilalarawan kung paano nila ito nakuha. Ang sumunod na mga aklat, ang Mga Hukom hanggang sa 2 Cronica, ay naglalarawan sa karanasan ng Israel sa lupang pangako, mula sa panahong sila ay nanirahan dito hanggang sa sila ay nasakop ng Asiria at Babilonia. Ikinukuwento ng mga aklat nina Ezra at Nehemias ang pagbabalik ng ilang grupo ng mga Israelita sa kanilang kabisera, ang Jerusalem, makalipas ang maraming dekada. Sa huli, ikinukuwento ng aklat ni Esther ang tungkol sa pamumuhay ng mga Israelita habang sakop sila ng Persia.
At diyan nagwawakas ang kronolohiya ng Lumang Tipan. Ang ilang mambabasa ng Biblia sa unang pagkakataon ay nagugulat na malaman na natapos na talaga nilang basahin ang kuwento ng Lumang Tipan bago pa nila nabasa ang mahigit pa sa kalahati ng mga pahina nito. Pagkatapos ng Esther, wala na tayong masyadong nakukuhang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng mga Israelita. Sa halip, ang kasunod na mga aklat—lalo na ang mga aklat ng mga propeta—ay nakapaloob sa kapanahunan na inilahad ng mga aklat ng kasaysayan. Halimbawa, ang ministeryo ng propetang si Jeremias, ay nangyari sa panahon ng mga kaganapang nakatala sa 2 Mga Hari 22–25 (at sa kasabay na salaysay sa 2 Cronica 34–36). Ang pagkaalam dito ay maaaring makaimpluwensya sa paraan ng pagbasa ninyo kapwa ng makasaysayang mga salaysay at ng mga aklat ng propeta.
Kapag May Isang Bagay na Hindi Maunawaan
Sa pagbabasa ng Lumang Tipan, tulad ng alinmang kasaysayan, malamang na mabasa mo ang tungkol sa mga taong gumagawa o nagsasabi ng mga bagay na, sa makabagong mga mata, ay tila kakaiba o nakababahala. Dapat nating asahan ito—nakita ng mga manunulat ng Lumang Tipan ang mundo mula sa isang pananaw na, sa ilang paraan, maaaring kakaiba sa atin. Ang karahasan, mga ugnayang etniko, at ang papel ng kababaihan ay ilan lamang sa mga isyung maaaring nakita ng mga sinaunang manunulat sa kakaibang paraan sa pagkakita natin ngayon.
Kaya ano ang dapat nating gawin kapag may nakita tayong mga talata sa banal na kasulatan na tila nakababahala? Una, maaaring makatulong na tingnan ang bawat talata sa mas malawak na konteksto. Paano ito akma sa plano ng kaligtasan ng Diyos? Paano ito akma sa nalalaman mo tungkol sa likas na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo? Paano ito akma sa mga inihayag na katotohanan sa iba pang mga banal na kasulatan o sa mga turo ng mga buhay na propeta? At paano ito akma sa mga bulong ng Espiritu sa iyong puso’t isipan?
Sa ilang pagkakataon, maaaring tila hindi akma ang talata sa alinman sa mga ito. Kung minsan ang sipi ay maaaring tulad sa isang piraso ng puzzle na parang walang paglagyan sa iba pang mga pirasong nabuo mo na. Ang pagtatangkang piliting magkasya ang piraso ay hindi ang pinakamainam na paraan. Ngunit gayundin ang pagsuko sa pagbubuo ng puzzle. Sa halip, maaaring kailangan mong itabi muna ang piraso sa ngayon. Habang mas marami kang nalalaman at napagdurugtong ang marami pang piraso ng puzzle, mas makikita mo kung paano lalapat ang mga piraso.
Makakatulong din na tandaan na bukod sa pagiging limitado sa isang partikular na pananaw, maaari ding magkamali ang mga taong sumulat ng mga kasaysayan sa banal na kasulatan. Halimbawa, sa paglipas ng mga siglo, “maraming malinaw at mahahalagang bagay ang nawala sa [Biblia],” kabilang na ang mahahalagang katotohanan tungkol sa doktrina, mga ordenansa, at mga tipan (1 Nephi 13:28; tingnan din sa mga talata 26, 29, 40). Kasabay nito, dapat ay handa tayong aminin na limitado rin ang ating mga pananaw: laging may mga bagay na hindi natin lubos na nauunawaan at mga tanong na hindi pa natin kayang sagutin.
Ang ilang sipi sa banal na kasulatan ay maaaring tulad sa mga piraso ng puzzle na hindi natin alam kung paano iaakma sa iba pang bahagi ng puzzle.
Paghanap sa mga Hiyas
Ngunit pansamantala, ang mga tanong na hindi nasasagot ay hindi kailangang humadlang sa atin sa mga hiyas ng walang-hanggang katotohanan na matatagpuan sa Lumang Tipan—kahit ang mga hiyas na iyon ay nakatago kung minsan sa mabatong lupa ng nakababahalang mga karanasan at maling pasiya ng mga taong hindi perpekto. Marahil ang pinakamahalaga sa mga hiyas na ito ay ang mga kuwento at talatang nagpapatotoo sa pagmamahal ng Diyos—lalo na sa mga nagtutuon ng ating isipan sa sakripisyo ni Jesucristo. Kapag tiningnan mula sa anumang anggulo, ang mga hiyas na tulad nito ay nagniningning ngayon tulad din noon. At dahil nagsasalaysay ang mga talang ito tungkol sa mga pinagtipanang tao ng Diyos—mga kalalakihan at kababaihan na may mga kahinaan ng tao subalit minahal at pinaglingkuran ang Panginoon—sagana ang mga hiyas ng katotohanan sa mga aklat ng kasaysayan ng Lumang Tipan.