Kabanata 28
Ang mga Zoramita at ang Ramiumptom
May panahon na ang mga Zoramita ay kabilang sa Simbahan ng Diyos ngunit naging masama at sumamba sila sa mga diyus-diyosan.
Nais ng mga Nephita na huwag umanib ang mga Zoramita sa mga Lamanita, kung kaya’t sumama si Alma sa iba pang misyonero upang ipangaral ang salita ng Diyos sa mga Zoramita.
Ang mga misyonerong ito ay nabigla at nabahala sa paraan ng pagsamba ng mga Zoramita sa kanilang mga simbahan, na tinatawag na mga sinagoga.
Sa pinakagitna ng simbahan, nagtayo ang mga Zoramita ng mataas na tindigan na tinatawag na Ramiumptom. May lugar para sa iisang tao lamang na makatayo sa tindigan.
Nagpapalit-palit ang mga Zoramita sa pagtayo roon, habang inaabot ang kalangitan at malakas na sinasambit ang iisang panalangin.
Sa panalanging ito, sinasabi ng mga Zoramita na ang Diyos ay walang katawan; isa lamang siyang espiritu. Sinasabi rin nilang hindi magkakaroon ng Cristo.
Inakala ng mga Zoramita na sila lamang ang pinili ng Diyos na maligtas sa kaharian ng langit. Nagpapasalamat sila sa pagiging kanyang itinatanging tao.
Pagkatapos na makapagdasal ang bawat Zoramita, umuuwi sila at hindi na muling magdarasal o magsasalita tungkol sa Diyos sa loob ng isang buong linggo.
Mahal na mahal ng mayayamang Zoramita ang ginto at pilak, at ipinagyayabang nila ang kanilang mga makamundong kayamanan. Nalungkot si Alma nang makita kung gaano sila kasama.
Nanalangin si Alma upang siya at ang kanyang mga misyonero ay magkaroon ng lakas, aliw, at tagumpay sa kanilang gawain.
Pagkatapos humiling ng tulong upang maibalik ang mga Zoramita sa katotohanan, napuspos ng Espiritu Santo si Alma at ang iba pang mga misyonero.
Naghiwa-hiwalay ang mga misyonero patungo sa iba’t ibang lugar upang mangaral. Biniyayaan sila ng Diyos ng pagkain at damit at pinalakas sila sa kanilang gawain.
Ang mga Zoramita na mahihirap ay hindi pinapapasok sa loob ng mga simbahan. Nagsimulang makinig ang mga taong ito sa mga misyonero.
Marami ang nagtanong kay Alma kung ano ang gagawin nila. Sinabi sa kanila ni Alma na hindi sila kinakailangang nasa loob ng isang simbahan upang makapagdasal o sumamba sa Diyos.
Sinabi niya sa kanila na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Pagkatapos ay tinuruan sila ni Amulek tungkol kay Jesucristo at tungkol sa plano ng Diyos para sa kanyang mga anak.
Umalis ang mga misyonero, at ang mga Zoramita na naniwala sa kanila ay itinaboy palabas sa lungsod. Ang mga naniwala ay nanirahan sa lupain ng Jerson kasama ng mga tao ni Ammon.
Bagamat tinakot ng masasamang Zoramita ang mga tao ni Ammon, tinulungan ng mga tao ni Ammon ang matwid na mga Zoramita at binigyan sila ng pagkain, damit, at lupain.