Local Pages
Pinasaya ng BYU Vocal Point ang mga Pilipino sa Kanilang Mensahe Na Puno ng Musika
Libu-libong mga Pilipino ang nasiyahan sa once-in-a-lifetime event nang ang bantog sa mundo na a capella group na Vocal Point ay bumisita sa Pilipinas noong Mayo 3-19 para sa kanilang kauna-unahang nationwide concert tour. Binubuo ng siyam na talentadong mga singer mula sa pag-aari ng Simbahan na Brigham Young University (BYU), inaaliw ng Vocal Point ang mga manonood sa buong mundo sa kanilang kahanga-hangang pagkanta.
Nagkaroon ng mga sold-out concert sa Metro Manila, Baguio City, Cebu City at Dumaguete City, kung saan ang pagkanta ng grupo ay sumaklaw sa maraming uri ng musika gaya ng pop, jazz, country, at espirituwal na musika.
“Ang galing talaga nila!” Sabi ni Elizabeth Barra ng Pasig City, na nakapanood sa isa sa dalawang pagtatanghal ng grupo sa RCBC Theater sa Makati City. Nasiyahan si Abby Pacquing ng Manila sa pakikinig sa kaibang rendisyon ng “You Raise Me Up,” at ng husay sa pag-beatbox ng miyembro ng grupo na si Alex Brown. “Ipinakita niya ang husay niya nang hindi humihiwalay sa vocals,” sabi niya.
Sa Baguio City, buong kasiyahang napatindig ng Vocal Point ang puno ng mga tao na Baguio Convention Center. “Makapigil-hiningang pagkakaisa ng mga tinig at napakagandang pagtatanghal,” ang naisulat ng tuwang-tuwang si Erick Andrada.
Sa Dumaguete City, itinigil sandali ni Mayor Felipe Remollo ang isang city council session para malugod na tanggapin ang mga singer, at kasama ang iba pang mga opisyal ay nakinig sa isang kanta nila. Pinanood kalaunan ni Mayor Remollo ang Vocal Point concert sa Silliman University, kung saan sinamahan siya ni Elder Jose Antonio San Gabriel, na isang Area Seventy.
Pinantayan ng Vocal Point singers ang matinding kasiyahan ng kanilang mga fans. “Ang pagsayaw at pagkanta ng mga awiting gaya ng “Sweet Caroline”, “Don’t Stop Believing”, at “September” kasama ang lahat ng mga taong ito na malapit sa stage ay nagpadama sa amin na para kaming mga rock star,” pag-amin ni Jensen Diederich, na isang tenor. “Ako’y 22-anyos lang na taga-Utah, pero sa kung anong dahilan ay nabiyayaan ng pagkakataong makilala ang mga Pilipino at ang laki ng epekto nila sa akin,” dagdag pa ni Christian Affleck, na isa ring tenor.
Maraming young adult na mga miyembro ng Simbahan ang tumulong sa pagtataguyod ng Philippine tour sa pagsisilbi bilang mga Vocal Point ambassador. Kabilang sa mga aktibidad ang isang online contest kung saan ang mga contestant ay maaaring manalo ng libreng mga tiket at fan merchandise sa pag-upload ng mga video sa bantog na app na Tiktok na nagpapakita ng kanilang pag-awit kasama ang mga miyembro ng Vocal Point.
“Nakalikha kami ng engaging content at nagkaroon ng interaksyon sa mga tao, na maingat na pinaplano at isinasagawa ang aming mga ideya,” paglalarawan ni Mariel Rillera, nang kontakin niya at ng kanyang team ang mga kaibigan at kakilala bukod pa sa mga miyembro ng Simbahan. “Sana magbalik sila,” sabi ni Louell Lorzano, na tumulong sa pag-promote ng isang Vocal Point meet-and-greet activity.
Ang mga miyembro ng Vocal Point ay nagsagawa rin ng mga service project para sa mga organisasyong gaya ng Mabuhay Deseret Foundation, Rise and Rebuild Foundation, at Habitat for Humanity at nagdaos ng mga debosyonal at workshop kasama ang mga missionary at miyembro ng Simbahan. Naging panauhin sila sa mga TV show sa umaga na tulad ng “Unang Hirit” ng GMA at “New Day” ng CNN Philippines.
Ang grupo ay nagdaos din ng mga workshop at musical fireside sa mga meetinghouse ng Simbahan sa Quezon City, Makati, Baguio, Cebu, Bohol at Dumaguete.
Pero higit pa sa pagkanta at pagsayaw, tumulong din ang Vocal Point para maging malay ang Simbahan sa pamamagitan ng magandang musika. Ang mga awiting tulad ng “Nearer My God to Thee”, “You Raise Me Up”, at “I Can Only Imagine” ay naging daan para maibahagi namin ang aming patotoo at ang tunay na layunin ng tour na ito,” sabi ng tenor na si Jensen, at binanggit ang tema ng Vocal Point na: “Bigyang liwanag ang puso at isipan na abot ng aming tinig, hanggang sa mapuspos ng kagalakan ang kanilang kaluluwa.”
“Bilang isang bansa, ang Pilipinas ay mga taong may pananampalataya, na nakahihikayat sa aming team,” sabi ni Carson Trautman, direktor ng Vocal Point. Sa patuloy na pagpapalaganap ng Vocal Point ng mensahe ng ebanghelyo sa pamamagitan ng musika, ibinuod niya ang kanilang hindi malilimutan na karanasan: “Nakakatuwa na magkakasama kaming nag-ukol ng panahon sa pagbabahagi ng aming pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng kaloob na musika.”