Patuloy na Nagsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw
Kapag tayo ay nagsisikap, nagtitiyaga, at tumutulong sa iba na gawin din ang gayon, tayo ay tunay na mga Banal sa mga Huling Araw.
Mahal kong mga kapatid, noong Disyembre 2013 nagluksa ang mundo sa pagpanaw ni Nelson Mandela. Matapos ang 27 taong pagkabilanggo dahil sa pagsalungat niya sa kilusan laban sa apartheid, si Mandela ang unang halal na pangulo sa South Africa sa ilalim ng demokrasya. Ang pagpapatawad niya sa mga nagkulong sa kanya ay kahanga-hanga. Nakatanggap ng papuri at pagkilala sa buong mundo.1 Madalas sansalain ni Mandela ang mga papuring ito sa pagsasabing, “Hindi ako banal—maliban kung iniisip ninyo na ang banal ay isang makasalanan na patuloy na nagsisikap.”2
Ang pahayag na ito—“ang banal ay isang makasalanan na patuloy na nagsisikap”—ay dapat makapanatag at makahikayat sa mga miyembro ng Simbahan. Bagama’t tinatawag tayong “mga Banal sa mga Huling Araw,” kung minsa’y napapangiwi tayo sa katawagang ito. Ang katagang mga Banal ay karaniwang tawag sa mga taong nagtamo ng mataas na antas ng kabanalan o maging ng pagiging sakdal. At alam na alam natin na hindi tayo sakdal.
Magkagayunman, itinuturo talaga sa atin ng ating teolohiya na maaari tayong maging sakdal kung paulit-ulit at palagi tayong “umaasa nang lubos sa” doktrina ni Cristo: nananampataya sa Kanya, nagsisisi, nakikibahagi ng sakramento para panibaguhin ang ating mga tipan at pagpapala ng binyag, at tumatanggap ng Espiritu Santo upang makasama natin nang mas palagian. Kapag ginawa natin ito, higit tayong nagiging katulad ni Cristo at nakakatiis hanggang wakas.3 Sa madaling salita, mas mahalaga sa Diyos kung ano tayo ngayon at kung ano tayo sa hinaharap kaysa sa kung ano tayo noon.4 Mahalaga sa Kanya na patuloy tayong nagsisikap.
Ang komedyang As You Like It, na kinatha ng English playwright na si William Shakespeare, ay naglalarawan ng madamdaming pagbabago sa buhay ng isang tauhan. Tinangka ng isang nakatatandang kapatid na lalaki na ipapatay ang kanyang nakababatang kapatid. Kahit alam ito ng nakababatang kapatid, iniligtas pa rin niya ang masamang kapatid mula sa kamatayan. Nang malaman ng nakatatanda ang habag na ito na hindi nararapat sa kanya, lubos siyang nagbago magpakailanman at nagkaroon ng tinatawag niyang “pagbabagong-loob.” Kalaunan nilapitan at tinanong ng ilang kababaihan ang nakatatandang kapatid, “Hindi ba ikaw ang nagtangkang pumatay sa [kapatid mo]?”
Sagot ng nakatatanda, “‘Ako nga; pero nagbago na ako: Hindi ako nahihiyang sabihin sa inyo kung ano ako noon, dahil napakaganda ng aking pagbabago, dahil iba na ako ngayon.”5
Para sa atin, dahil sa awa ng Diyos at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang gayong pagbabago ay hindi kathang-isip lamang. Sa pamamagitan ni Ezekiel, sinabi ng Panginoon:
“Tungkol sa kasamaan ng masama, hindi niya kabubuwalan sa araw na kaniyang hiwalayan ang kaniyang kasamaan. …
“… Kung kaniyang iwan ang kaniyang kasalanan, at gawin ang tapat at matuwid;
“… Ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumawa ng kasamaan; siya’y walang pagsalang mabubuhay. …
“Wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang ginawa na aalalahanin laban sa kaniya; kaniyang ginawa ang tapat at matuwid.”6
Sa Kanyang awa, nangako ang Diyos ng kapatawaran kapag tayo ay nagsisi at tumalikod sa kasamaan—kaya nga ang ating mga kasalanan ay ni hindi na babanggitin sa atin. Para sa atin, dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo at sa ating pagsisisi, mababalikan natin ang ating mga ginawa noon at masasabing. “‘Ako nga; pero nagbago na ako.” Gaano man kasama, masasabi nating, “Ganyan ako dati. Pero ang kasamaan ko noon ay wala na ngayon.”7
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Ang isa sa pinakadakilang mga kaloob sa atin ng Diyos ay ang galak na magsikap na muli, dahil hindi kailangang magwakas ang anuman sa kabiguan.”8 Kahit sinadya pa nating magkasala o paulit-ulit tayong makaranas ng kabiguan at kalungkutan, sa sandaling ipasiya nating magsikap na muli, makakatulong sa atin ang Pagbabayad-sala ni Cristo. At kailangan nating alalahanin na hindi ang Espiritu Santo ang nagsasabi sa atin na huli na ang lahat kaya mabuti pang sumuko na tayo.
Ang hangad ng Diyos na patuloy na magsikap ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi lamang ang iwasang magkasala. Nagdurusa man tayo dahil sa magugulong relasyon, mga problema sa pera, o mga karamdaman o dahil sa mga kasalanan ng iba, ang walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay mapapagaling maging—at lalo na siguro—ang mga nagdusa nang walang kasalanan. Lubos Niyang nauunawaan kung paano magdusa nang walang kasalanan dahil sa kasalanan ng iba. Tulad ng ipinropesiya, ang Tagapagligtas ay “[pagagalingin ang] mga bagbag na puso, … [bibigyan] … ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan, [at] ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob.”9 Anuman ang mangyari, sa tulong Niya, inaasahan ng Diyos na patuloy na magsisikap ang mga Banal sa mga Huling Araw.
Tulad ng nagagalak ang Diyos kapag nagsisikap tayo, nalulungkot Siya kung hindi natin kinikilala na nagsisikap din ang iba. Ikinuwento ng mahal naming kaibigang si Thoba kung paano niya natutuhan ang aral na ito mula sa kanyang inang si Julia. Sina Julia at Thoba ay kabilang sa naunang mga nabinyagang lahing itim sa South Africa. Nang magwakas ang rehimeng apartheid, ang mga miyembro ng Simbahan na lahing itim at puti ay pinayagang magsimba nang sabay. Para sa marami, ang pagkakapantay sa pakikihalubilo sa mga ibang lahi ay bago at hindi madali para sa kanila. Minsan, nang magsimba sina Julia at Thoba, nadama nila na hindi maganda ang trato sa kanila ng ilang miyembrong puti. Nang paalis na sila, may hinanakit na nagsumbong si Thoba sa Kanyang ina. Mahinahong nakinig si Julia habang nagbubuga ng sama ng loob si Thoba. Pagkatapos ay sinabi ni Julia, “Ah, Thoba, ang Simbahan ay parang malaking ospital, at lahat tayo ay may kani-kanyang sakit. Nagsisimba tayo para matulungan.”
Ang sumbong ni Julia ay mahalagang pag-isipan. Hindi lamang tayo kailangang magparaya habang nilulunasan ng iba ang kanilang sariling karamdaman; kailangan din tayong maging mabait, mapagpasensya, matulungin, at maunawain. Dahil hinihikayat tayo ng Diyos na patuloy na magsikap, inaasahan Niyang hahayaan din natin ang iba na gawin din iyon, sa sarili nilang bilis. Madarama natin ang Pagbabayad-sala sa ating buhay nang mas matindi. Sa gayo’y mauunawaan natin na anuman ang makita nating mga pagkakaiba, kailangan nating lahat ang walang-hanggang Pagbabayad-salang iyon.
Ilang taon na ang nakararaan isang mabait na binatang nagngangalang Curtis ang tinawag na magmisyon. Siya ang klase ng missionary na inaasam ng lahat ng mission president. Nakatuon siya sa pagmimisyon at masipag. Minsa’y nagkaroon siya ng missionary companion na batang-isip, hindi sanay humarap sa tao, at di-gaanong interesadong tapusin ang trabaho.
Isang araw, habang nagbibisikleta sila, lumingon si Curtis at nakita niyang biglang bumaba ng bisikleta ang companion niya at naglakad. Tahimik na inihinga ni Curtis sa Diyos ang kanyang sama ng loob; kayhirap palang magkaroon ng companion na kailangan pa niyang hatakin para may matapos na gawain. Pagkaraan ng ilang sandali, may matinding nadama si Curtis, na para bang sinasabi sa kanya ng Diyos na, “Alam mo, Curtis, kumpara sa akin, hindi nagkakalayo ang ugali ninyong dalawa.” Natutuhan ni Curtis na kailangan niyang maging matiyaga sa isang di-perpektong companion na nagsisikap naman sa sarili niyang paraan.
Ang paanyaya ko sa ating lahat ay suriin ang ating buhay, magsisi, at patuloy na magsikap. Kung hindi tayo magsisikap, tayo ang mga makasalanan sa mga huling araw; kung hindi tayo magtitiyaga, tayo ang susuko sa mga huling araw; at kung hindi natin hahayaang magsikap ang iba, tayo ang mga mapagkunwari sa mga huling araw.10 Kapag tayo ay nagsikap, nagtiyaga, at tumulong sa iba na gawin din iyon, tayo ay tunay na mga Banal sa mga Huling Araw. Kapag nagbago tayo, makikita natin na talagang mas mahalaga sa Diyos kung ano tayo ngayon at kung ano ang kahihinatnan natin sa hinaharap kaysa sa kung ano tayo noon.11
Lubos akong nagpapasalamat sa Tagapagligtas, sa Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-Sala, at sa mga propeta sa mga huling araw na hinihikayat tayong maging mga Banal sa mga Huling Araw, na patuloy na magsikap.12 Pinatototohanan ko na totoong buhay ang Tagapagligtas sa pangalan ni Jesucristo, amen.