Gaano naiimpluwensyahan ni Satanas ang aking mga iniisip?
Tinitiyak ng ating Ama sa Langit na mayroon tayong kalayaang moral, ang kakayahang pumili ng mabuti o masama. Hindi Niya tayo pipiliting gumawa ng mabuti, at hindi tayo mapipilit ng diyablo na gumawa ng masama (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 248).
Kaya, pagdating sa mga iniisip mo, magkakaroon lamang ng impluwensya ang diyablo kung pagbibigyan mo siya. Sabi ni Propetang Joseph Smith, “Hindi tayo maaakit ng mga panunukso ni Satanas maliban kung payagan o pahintulutan natin ito sa ating kalooban” (Mga Turo: Joseph Smith, 248). Sinabi rin niya, “Ang diyablo ay walang kapangyarihan sa atin maliban kung pahintulutan natin siya” (248).
Bukod pa rito, sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan na, “wala nang iba pa kundi Diyos lamang ang nakaaalam ng iyong mga saloobin at hangarin ng iyong puso” (D at T 6:16), kaya hindi talaga alam ni Satanas kung ano ang iniisip mo. Ang tanging magagawa niya ay manukso at mang-akit. Ngunit kung pipiliin mong sundin ang mga ito, magkakaroon siya ng mas malaking kapangyarihan sa iyo at lalong titindi ang mga tukso. Sa gayon ding paraan, kung lalabanan mo ang masama at pipiliin ang mabuti, ikaw ay lalakas at pagpapalain.