2013
Elder Ulisses Soares
Mayo 2013


Elder Ulisses Soares

Ng Panguluhan ng Pitumpu

Larawan
Elder Ulisses Soares

Si Elder Ulisses Soares, na nagsimulang maglingkod sa Panguluhan ng Pitumpu noong Enero 2013, ay personal na nasaksihan ang mabilis na paglago ng Simbahan sa ilang bahagi ng mundo.

Si Elder Soares ay ipinanganak sa São Paulo, Brazil, noong Oktubre 1958. Ang kanyang mga magulang, sina Apparecido at Mercedes Soares, ay sumapi sa Simbahan noong siya ay limang taong gulang. Sila ay dumalo ng mga miting sa isang silid sa itaas ng isang panaderya. Naaalala ni Elder Soares ang nadama niyang kasabikan noong siya ay walong-taong-gulang nang maorganisa ang unang stake sa South America sa São Paulo noong 1966. Mabilis na lumago ang Simbahan sa Brazil mula 50 stake noong 1990 ay naging mahigit 200 stake noong 2000.

Si Elder Soares, na nagtapos ng bachelor’s degree sa accounting at economics mula sa Pontificia Catholic University at MBA mula sa National Institute of Postgraduate Study, ay nagtatrabaho sa isang multinational tire company nang siya ay bigyan ng katungkulan sa Simbahan. Napasok sa trabaho sa Finance Department, siya kalaunan ay naging director for temporal affairs sa area office ng Simbahan sa São Paulo, sinusuportahan ang Area Presidency sa loob ng 10 taon. Siya rin ay naglingkod bilang unang pangulo ng São Paulo Brazil Cotia Stake.

Naglingkod siya bilang pangulo ng Portugal Porto Mission mula 2000 hanggang 2003 at tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu noong Abril 2005. Siya ay naglingkod sa Brazil at Africa Southeast Area Presidency.

“Ang mga karanasang ito ay nagpaunawa sa akin na ang Simbahan ay maaaring itatag saanman naroon ang ating matatapat na tao,” sabi niya, “at naunawaan ko ang dapat kong matutuhan para mas mahusay na makapaglingkod.”

Si Elder Soares at ang kanyang asawa na si Rosana Fernandes Morgado ay ikinasal noong Oktubre 1982 sa São Paulo Brazil Temple. Mayroon silang tatlong anak.

Si Elder Soares ay nagmisyon nang full-time sa Brazil Rio de Janeiro Mission. Siya rin ay naglingkod bilang elders quorum president, counselor sa bishopric, high councilor, stake executive secretary, at regional welfare agent.