2013
Carol F. McConkie
Mayo 2013


Carol F. McConkie

Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency

Larawan
Carol F. McConkie

Mula sa kanyang pagkabata, si Carol Foley McConkie ay may “hangarin nang makapasok sa templo.” Ang hangaring iyon ay pumatnubay sa ikinikilos niya sa buong buhay niya.

Isinilang noong Abril 1952 sa Spokane, Washington, USA, sa mga magulang na sina Williams at Joanne W. Foley, musmos pa lang si Sister McConkie nang kumatok ang mga missionary sa kanilang bahay sa Wilmington, Delaware, at ipinakilala ang ebanghelyo sa kanyang pamilya. Kaagad tinanggap ng kanyang mga magulang ang mga turo sa kabila ng oposisyon at mga pagbabagong gagawin nila sa kanilang pamumuhay.

Bumiyahe sila ng kanyang mga magulang noong bata pa siya para mabuklod sa Manti Utah Temple sakay ng tren.

“Napakagandang karanasan iyon,” sabi niya. “Naaalala ko na nakasuot ako ng puting damit at ang kahalagahan nito sa aking pamilya. Napakasayang karanasan iyon, at kahit napakabata ko pa, naaalala ko ang nadama ko, ang paligid na puro puti, at kagandahan ng araw na iyon. Ang karanasang iyon ay nagbigay sa akin ng unang hangarin na panatilihin tuwina sa buhay ko ang templo.”

Ang templo ay naging pag-asa na tanglaw sa panahon ng pagsubok at noong magkaroon na siya ng sariling pamilya.

Nakilala niya ang kanyang asawa, si Oscar Walter McConkie III, habang nag-aaral sila sa Arizona State University. Nagtapos si Sister McConkie ng bachelor’s degree sa English education. Ikinasal sila noong Disyembre 22, 1973, sa Mesa Arizona Temple at nagkaroon ng pitong anak.

Nang tawagin siya bilang unang tagapayo sa Young Women general presidency, si Sister McConkie ay naglilingkod sa Young Women general board. Ang paglilingkod niya sa Simbahan ay halos ginugol niya sa mga tungkuling may kaugnayan sa pagtuturo at bilang ward Young Women president at counselor sa mga Relief Society at Primary presidency ng ward. Naglingkod siya kasama ang kanyang asawa na nangulo sa California San Jose Mission mula 2005 hanggang 2008.