Nanalangin Ako para Lumakas ang Loob
Fy Tianarivelo, Madagascar
Ang mga magulang ko ay mga miyembro ng Simbahan, ngunit hindi sila masyadong aktibo. Kung minsan ay humahantong ito sa mga pagtatalo dahil naniniwala sila na dapat mauna ang oras para sa pamilya—bago magsimba, bago ko gampanan ang aking mga tungkulin sa Simbahan, at gawin ang iba pang mga aktibidad.
Dahil lider ako sa Primary at miyembro ako ng ward choir, ang mga pulong ko sa Simbahan ay sagabal minsan sa mga tungkulin ko sa pamilya. Isang araw habang naghahanda akong dumalo sa brodkast ng pangkalahatang kumperensya sa aming meetinghouse sa Antananarivo, pinaalalahanan ako ng mga magulang ko na may mga bisita kami sa aming tahanan.
“Pumili ka, ang pamilya mo o ang Simbahan,” sabi sa akin ng nanay ko. “Dito ka kasama namin at huwag dumalo sa kumperensya, o pupunta ka sa kumperensya at parurusahan ka.”
Nagpasiya akong huwag nang makipagtalo pa sa aking ina. Sa halip, nag-ukol ako ng ilang sandali para hilingin sa Ama sa Langit na bigyan ako ng lakas at tapang. Hiniling ko rin sa Kanya na tulungan akong malaman ang dapat kong gawin. Dapat ba akong lumagi sa bahay kasama ng pamilya ko o magsimba at pakinggan ang tinig ng propeta?
Kaagad pagkatapos kong magdasal, nadama ko ang Espiritu Santo. Nadama kong hinikayat ako ng Espiritu na sabihin sa nanay ko kung gaano kahalaga sa akin ang magpunta at pakinggan ang propeta. Nadama ko na dapat kong sabihin sa kanya na makatatanggap ako ng matalinong payo hindi lamang para sa buhay ko ngayon kundi maging para sa aking kinabukasan.
Ang Diyos ay nakagagawa ng mga himala, at pinalambot Niya ang puso ng mga magulang ko kaya’t pinayagan nila akong magpunta sa pangkalahatang kumperensya nang hindi pinarurusahan. Napakagandang karanasan ito sa aking buhay. Pinagtibay nito sa akin ang katotohanan ng talata na nagsasabing, “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).
Alam ko na kung ibabatay natin ang ating mga kilos sa mga alituntunin ng ebanghelyo at pakikinggan ang Espiritu, palagi tayong magiging maligaya sa ating mga pagpili. Pinalakas ng karanasang ito ang aking patotoo na nariyan ang Diyos para sa atin at na tinutulungan tayo ng Espiritu Santo sa ating buhay.