2011
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Hunyo 2011


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.

“Ang Tunay na Landas Tungo sa Kaligayahan,” p. 28: Matapos ibahagi ang artikulo sa inyong pamilya, pag-isipan ang mga tanong na ito: Paano naaapektuhan ng mga desisyong ginawa natin ngayon ang kaligayahan sa hinaharap? Paano tayo makasisiguro na tama ang mga desisyon natin?

“Ang Bisa ng Edukasyon,” p. 42: Ang awtor ng artikulong ito ay naantig sa sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa edukasyon: “Kailangang pag-aralan ninyo ang lahat ng maaari ninyong pag-aralan. Isakripisyo … ang anumang bagay na kailangang isakripisyo upang maging marapat ang inyong sarili sa gawain sa mundo.” Bilang pamilya, talakayin ang sakripisyo at mga pagpapala na nagmumula rito.

“Turuan ang Tao na Mangisda,” p. 54: Basahin o ibuod ang artikulong ito sa inyong pamilya. Paano naghanda si Ezra na harapin ang mga pagsubok sa kanyang buhay? Paano siya tinulungan ng Ama sa Langit? Pag-usapan ang magagawa ng inyong pamilya upang makapaghanda.

“Magtiwala sa Panginoon,” p. 60: Basahin ang artikulo bilang isang pamilya. Hilingin sa mga kapamilya na ibahagi ang mga karanasan nila nang masagot ang kanilang mga panalangin. Talakayin ang iba’t ibang paraan na masasagot ng Ama sa Langit ang mga panalangin at ang kahalagahan ng pagtitiwala sa Kanya.

Ang mga Tanong ng Aking Anak

Bilang bishop ng aming ward, hinikayat ko ang mga magulang na bigyan ng pagkakataon ang kanilang mga anak na magturo sa family home evening. Nagpasiya kaming mag-asawa na gawin ang sinabi ko.

Ang aming anak na lalaki ang unang nagturo, at natuwa kami sa itinuro niya tungkol sa panalangin. Ang anak naman naming babae ang nagturo nang sumunod na Lunes. Siya ay nabinyagan ilang buwan pa lang ang nakararaan. Ang paksa niya ay tungkol sa nilikha ng Diyos. Marami siyang itinanong, na sinagot naman namin. Pagkatapos ay nagpatotoo siya at tinapos na ito.

Sabi ng anak kong lalaki, “Hindi mo pa kami naturuan; nagtanong ka lang sa amin.” Ngunit sinabi ko sa pamilya ko na naantig ako nang sabihin ng asawa ko, sa pagsagot sa isa sa mga tanong, na nagpapasalamat siya sa Diyos sa paglikha ng pamilya at pagbibigay sa kanya ng isang mabait na pamilya at mapagmahal na asawa. Sinabi ko sa kanila na ang aking puso ay puno ng pasasalamat nang masagot ng bunso kong anak ang tanong na “Sino ang lumikha ng mundo?” sa pagsasabing, “Si Jesus.” Nakita ko rin ang magagandang kaisipan sa iba pa nilang mga sagot.

Kaya bagama’t hindi “nagturo” ang aking anak na babae tulad sa inaasahan ng aking anak na lalake, ang kanyang lesson—at iba pang itinuro ng aking mga anak—ang mga paborito kong family home evening.

Richard Ikpegbu, Nigeria