2005
Kung si Cristo ang Nasa Lugar Ko …
Nobyembre 2005


“Kung si Cristo ang Nasa Lugar Ko …”

Itinuro sa atin ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang kahalagahan ng paghahanap sa isang nawala.

Maraming taon na ang nakalilipas, noong 6, 4, at 2 taon pa lang ang pinakamatatandang anak namin, ginulat namin sila sa pamamagitan ng isang quiz. Araw-araw sabay na nagbabasa ng Aklat ni Mormon ang pamilya namin noon.

“Sino ang lalaki,” tanong ng asawa ko, “na nagtungo sa kagubatan para mangaso, pero sa halip ay magdamag na nagdasal?”

Pagkaraan ng ilang sandali ng katahimikan, nagbigay siya ng clue: “Ang pangalan niya’y nagsisimula sa E…e…e…e…e.”

Mula sa sulok sumigaw ang dalawang-taong gulang namin, “Nos!”

Siya iyong naglalaro sa sulok … iyong akala nami’y napakabata pa para makaunawa. Enos! Si Enos ang nagtungo sa kagubatan para mangaso, pero ginutom ang kanyang kaluluwa. Bagaman hindi sinabi na naligaw siya sa gubat na iyon, itinuturo sa atin ng kuwento ni Enos na nagbago siya paglabas niya … at pagkatapos, hinangad na niya ang kapakanan ng kanyang mga kapatid.

Sa Bagong Tipan itinuro sa atin ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang kahalagahan ng paghahanap sa isang nawala:

“Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?

“At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa” (Lucas 15:4–5).

Mula nang mahulog si Adan, buong sangkatauhan ang nalagay sa ligaw at nahulog na kalagayan. Gaya ng karamihan sa inyo, ang “pagbabago” ko ay nagsimula sa dalawang tapat na misyonero. Noong taong 1913, sa Copenhagen, Denmark, tinuruan nina Elder C. Earl Anhder at Elder Robert H. Sorensen ng ebanghelyo ni Jesucristo ang mga lolo’t lola ko at bininyagan sila. Itinuro sa akin ng mga magulang ko ang kahalagahan ng kasipagan, katapatan at integridad. Gayunman, may maikling panahong nawala kami sa Simbahan at sa kaalaman sa ebanghelyo. Naaalala ko na sa napakamurang edad, inanyayahan ako ng mga kalaro ko sa Primary. Ang una kong pagsisimba ay napatatag ng pakikipagkaibigan nila sa Primary.

Noong bata pa ako, ilang buwan na lang bago ako mag-12 anyos, isang Sabado ng hapon, pinagbuksan ko ang kumatok sa pintuan namin. Ilang kaibigan ko—mga Deacon, na nakadamit ng puti at nakakurbata, ang nag-anyaya sa aking pumunta sa pinakauna kong miting sa Priesthood. Sinabayan akong lumakad ng lider namin, pababa ng burol papuntang Tabernacle sa Temple Square. Iyo’y Pangkalahatang Kumperensya ng Abril, sesyon sa priesthood.

Si Lloyd Bennett ay Scout Master ko. Madalas niya akong sunduin at dalhin sa Scout Office tuwing Sabado ng hapon para bumili ng mga kailangang badge at suplay. Habang nasa biyahe, nag-uusap kami. Naging matalik ko siyang kaibigan. Si Lloyd Bennett, gaya ng napakarami, ay nag-ukol ng oras para hanapin ang isang naligaw.

Ang mababait na kaibigan at lider na ito ay naunawaan ang payo ni Elder M. Russell Ballard kamakailan na, “Isa pa,” (“Isa Pa,” Liahona, Mayo 2005, 69) at naunawaan nila ang kaakibat niyon. Kung minsan, ‘yung siyang nasa sulok lang ang siyang kailangan nating matagpuan.

Dinanas ko ang dinanas ni Enos sa edad na 18 nang nakaluhod ako sa army barracks namin sa Fort Ord, California. Nang patay na ang mga ilaw habang nakaluhod ako sa matigas na sahig, gaya ni Enos, natagpuan ko ang daan. Magmimisyon na ako nang full-time. Puno ng pasasalamat ang puso ko sa maraming tumulong sa akin para malaman ko kung sino ako at makilala si Cristo at ang Kanyang ebanghelyo. Naunawaan ko na ang daang pauwi ay sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.

“At siya ay paparito sa daigdig upang tubusin ang kanyang mga tao; at kanyang aakuin ang mga pagkakasala ng mga naniniwala sa kanyang pangalan; at sila yaong magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at ang kaligtasan ay darating sa wala nang iba.” (Alma 11:40).

Nalalamang ganap na ipanunumbalik ang ebanghelyo sa ating panahon, ipinahayag ni Propetang Isaias sa Lumang Tipan:

“Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking ikakaway ang aking kamay sa mga bansa, at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan; at sila’y kakalong ng iyong mga anak na lalake sa kanilang sinapupunan, at ang iyong mga anak na babae ay papasanin ng kanilang mga balikat” (Isaias 49:22).

Kapag pinangalagaan natin ang isang tao, mga kapatid, nakikita natin ang katuparan ng propesiyang iyon. Nakikita ba ninyo na kayo man ay pinasan sa balikat … at inihatid sa kaligtasan?

Ano ang gagawin ng ating Tagapagligtas sa mga pagkakataong nasa atin upang maimpluwensyahan ang isang naligaw? “Kapag ipinamuhay natin ang alituntuning” Kung si Cristo ang nasa lugar ko, ano ang gagawin niya?” ang ating mga desisyon sa buhay ay masesentro kay Cristo. Alam ko mismo na laging naghahanap ng isang naligaw si Elder Neal A. Maxwell. Dahil, tulad ni Nephi, sinikap niyang “masigasig [na] … makasulat, upang hikayatin” tayong lahat “… na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” (2 Nephi 25:23). Alam ko na mahigit isang beses siya nanawagan sa mga yaon, maging sa naligaw, na sinisikap niyang dalhin kay Cristo.

Kung tayo man ay teacher sa Primary, lider sa Young Men o Young Women, Scoutmaster, home teacher, visiting teacher, o kaibigan, kakasangkapanin tayo ng Panginoon, kung makikinig tayo, para hanapin ang isa na naligaw.

Labis akong nagpapasalamat sa desisyon kong magmisyon nang full-time na labis na nagpabago sa buhay ko. Mga binata, may pribilehiyo kayong maglingkod, maging masigasig. Manatiling karapat-dapat, maghandang ipangaral ang ebanghelyo; huwag magpaliban, humayo at maglingkod! Mga dalaga, marami kayong magagawa sa pagtatayo ng Kaharian. Mahal naming matatanda: Kailangan namin kayo!

Pinalad na makapaglingkod ang pamilya namin sa Canada kasama ang mababait at tapat na mga Elder, Sister, at Senior missionary. Nakikipag-usap nang puso sa puso, espiritu sa espiritu, at sa lakas ng Panginoon, hinanap nila ang mga naligaw, at natagpuan sila, tulad ng ginagawa ng matatapat na misyonero sa buong mundo.

“At sa gayon sila ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, sa kaalaman ng kanilang Manunubos” (Mosias 27:36).

Bawat isa sa atin ay makagagawa ng kaibhan sa buhay ng isang tao, pero dapat tayong kumilos; dapat tayong gumawa; dapat tayong magsumigasig. Siguro’y nadama na ninyo na dapat ninyong anyayahan ang isang tao na bumalik sa simbahan, o makinig sa mensahe ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo sa unang pagkakataon. Sundin ang damdaming iyon. Bakit hindi tayo mag-anyayang lahat ng isang tao na sumama at makinig sa tinig ng isang Propeta, bukas? Gagawin ba ninyo ito? Gagawin ba ninyo ito ngayon? Dapat tayong magtiwala nang may pananampalataya at kahandaan (at hangarin), na tayo’y bibigyan ng Espiritung iyon, “sa mga oras na yaon, oo, sa sandali, kung ano ang inyong sasabihin” (D at T 100:6). Alam kong totoo iyon.

Labis akong nagpapasalamat sa tungkuling ito na muling maglingkod, sa ngayo’y sa Australia. Walang hanggan ang pagmamahal at pagpapahalaga ko sa aking asawa at siyam na anak namin sa kanilang pagmamahal at suporta. Taos-puso kong pinatototohanan na ipinanumbalik ang kaganapan ng Ebanghelyo sa lupa, na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Ngayon tayo’y pinamumunuan ng isang buhay na propeta, maging si Pangulong Gordon B. Hinckley. Alam ko na buhay ang Diyos at si Jesus ang Cristo. Gaya ni Enos, mapakumbaba kong sinasabi, “ako ay kailangang mangaral … sa mga taong ito, at ipahayag ang salita alinsunod sa katotohanan na na kay Cristo… . at nagsaya [ako] sa mga iyon nang higit sa anupaman sa daigdig” (Enos 1:26). Sa mga katotohanang ito nagpapatotoo ako, sa ngalan ni Jesucristo, amen.