Kasaysayan ng Simbahan
34 Humayo at Tingnan


Kabanata 34

Humayo at Tingnan

Larawan
bahay-pulungan ng mga Hapones

Hindi sanay si Emmy Cziep sa buhay sa baryo. Dahil lumaki siya sa isang malaking lunsod ng Europa, sa umpisa ay hindi niya nagustuhan ang kanyang bagong tahanan sa Raymond, Alberta, Canada. Ang bayan ay may ilang tindahan, isang pabrika ng asukal, kalsadang hindi pa nasesementuhan, at walang bangketa. Habang pinagmamasdan niya ito, naisip niya, “Iniwan ko ba ang lahat ng mahal ko para lamang dito?”

Ang kanyang mga tinuluyan, sina Heber at Valeria Allen, ay ginawa ang lahat ng makakaya nila upang madama niyang tanggap siya. May sarili siyang kuwarto sa itaas ng malaking tahanan ng mga ito, at binigyan siya ni Heber ng trabaho sa kanyang tindahan, ang Raymond Mercantile. Batid ni Emmy na hindi nito kailangan ang tulong niya, ngunit nakakatulong ang trabaho na mabayaran ang perang nagastos nito at ni Valeria sa kanyang pandarayuhan. Ang mga Allen ay isa lamang sa maraming pamilyang Banal sa mga Huling Araw sa Canada na tumutulong sa mga miyembro ng Simbahan mula sa Europa. Kamakailan lamang, nagpadala ang stake ng mga Allen ng labinlimang libong supot ng trigo sa mga Banal na Aleman.1

Ilang linggo matapos manirahan sa Raymond, tumanggap si Emmy ng liham mula kay Glenn Collette, isang dating misyonero sa Swiss-Austrian Mission. Una niyang nakilala si Glenn habang magkasama silang naglilingkod sa Switzerland, at agad silang nagkaroon ng pagtingin para sa isa’t isa. Gayunman, noong panahong iyon, kapwa sila nanatiling nakatuon sa kanilang misyon. Nakatira na ngayon si Glenn sa Idaho Falls sa Estados Unidos, mahigit walong daang kilometro sa timog ng Raymond, ngunit nais niyang malaman kung maaari niyang bisitahin si Emmy sa panahon ng Pasko.

Hindi gaanong sang-ayon ang mga Allen sa binatang pupunta mula sa malayo upang bisitahin si Emmy, ngunit pumayag sila rito, at ginugol nito ang pista-ospital kasama ang pamilya. Nasiyahan si Emmy na muling makita si Glenn, at matapos itong bumalik sa Idaho, nagsusulatan sila nang halos araw-araw at nag-uusap sa telepono tuwing Sabado ng gabi.2

Noong Araw ng mga Puso, nag-alok ng kasal si Glenn kay Emmy sa telepono, at tinanggap niya ito. Makalipas ang ilang araw, nagsimula siyang mag-alala na kailangan pa nila ng mas maraming oras upang makilala ang isa’t isa. Alam niya na ito ay isang mabuting lalaki na naging masipag na misyonero. Marami rin itong kaibigan at tila matuwain sa mga bata. Ngunit tama bang pakasalan ang isang lalaking kadalasan niyang idineyt sa telepono?

Nakapapanatag ang mga liham ni Glenn, at nakatulong ang mga ito na mas makilala siya. “Lubos ang pagmamahal ko sa iyo,” sinabi nito sa kanya sa isang liham. “Anuman ang mangyayari sa akin sa hinaharap, kung kasama kitang magiging bahagi nito, kaligayahan at kagalakan ang aking magiging kapalaran.”3

Noong ika-24 ng Mayo 1949, anim na buwan matapos dumating si Emmy sa Canada, sila ni Glenn ay nagdasal bago magkasamang naglakbay patungong Cardston Temple. Kinabahan si Glenn at nalimutang dalhin ang lisensya ng kasal, na nagpatagal sa kanila nang kaunti. At si Emmy naman, sa kanyang banda, ay nangungulila sa kanyang mga magulang sa Austria. Subalit alam niya na iniisip nila siya at naunawaan nila ang kahalagahan ng mga tipang ginagawa niya noong araw na iyon.4

Kalaunan, habang nakaluhod sila ni Glen sa altar sa silid-bukluran, puno ng pasasalamat si Emmy. Ang paglipat sa kanlurang Canada ay nagbigay sa kanya ng pagkakataong mapalapit sa templo at dumalo rito kasama ang isang taong mahal niya. Kung wala ang ipinanumbalik na ebanghelyo, at ang katapatan nila sa mga turo nito, hindi sana nila natagpuan ni Glenn ang isa’t isa.

Matapos ang pulot-gata sa kalapit na pambansang parke, bumalik si Glenn sa Idaho Falls habang si Emmy naman ay nanatili sa Raymond upang maghintay ng pahintulot na mandayuhan sa Estados Unidos. Isang gabi, mga isang buwan matapos ang kanyang kasal, nagkaroon siya ng pagkakataong dumalo sa templo kasama ang isang grupo ng mga misyonero.

“Sa pagpasok ko sa templo ngayong gabi, iisipin kita palagi,” sinabi niya kay Glenn sa isang liham. Inaasam niya ang araw na magkasama silang babalik sa bahay ng Panginoon. “Hanggang sa sandaling iyon,” isinulat niya, “huwag mong kalimutan na nagpapasalamat ako sa iyo, na iniibig kita.”5


Sa panahong ito, sa Nagoya, sa bansang Hapon, ang dalawampu’t siyam na taong gulang na si Toshiko Yanagida ay natatakot para sa kanyang buhay. Kamakailan lamang ay nakunan siya, at pagkatapos, nakakita ng tumor ang kanyang doktor at kinailangan niyang maoperahan. Dahil kakaunti pa ang kagamitang medikal sa bansang Hapon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mapanganib ang operasyon. Hindi tiyak kung mabubuhay siya, nag-alala si Toshiko para sa kanyang mga anak, ang tatlong taong gulang na si Takao at ang limang taong gulang na si Masashi. Nais niyang manampalataya sila sa Diyos, ngunit siya at ang kanyang asawang si Tokichi ay hindi kailanman nagturo sa kanila ng tungkol sa mga espirituwal na bagay.6

Kahit hindi talagang relihiyoso si Toshiko, naniwala siya sa banal na kapangyarihang gumagabay sa kanya. Noong bata pa siya, nag-aral siya sa isang paaralang Protestante at nag-aral ng Shintoismo at Budismo, ang dalawang pinaka-karaniwang relihiyon sa bansang Hapon. Naalala rin niya ang minsang pagpunta sa isang pulong ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kasama ang kanyang amang si Tomigoro Takagi, na sumapi sa Simbahan noong 1915. Gayunman, hindi madalas magsalita ang kanyang ama tungkol sa pananampalataya nito dahil ang mga lolo’t lola ni Toshiko, na nakatira sa piling ng pamilya noong panahong iyon, ay tutol sa Simbahan. At matapos magsara ang Japanese Mission noong 1924, noong limang taong gulang pa lamang si Toshiko, bihirang nagkaroon ng pagkakataon si Tomigoro na makipagkita sa iba pang mga Banal.7

Naging matagumpay ang operasyon ni Toshiko, at noong sapat na ang lakas niya para maglakbay, nagpunta siya sa bahay ng kanyang mga magulang malapit sa Tokyo at nakipag-usap sa kanyang ama tungkol sa relihiyon. “Gusto kong magsimba sa kahit anong simbahan,” sabi niya rito.8

Hinikayat siya ni Tomigoro na dumalo sa isang pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya mismo ay nagsimula nang dumalo muli sa mga pulong ng Simbahan. Pagkatapos ng digmaan, ang mga lider ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake ay nakipag-ugnayan sa mga Banal na Hapones, nagpapadala sa kanila ng mga kinakailangang kargamento ng pagkain at damit. Ang mga servicemember group ay patuloy ring nagbigay ng pagkakataon sa mga miyembrong Hapones na makipagkita sa mga sundalong Amerikano na Banal sa mga Huling Araw. Noong 1948, ang tagumpay ng mga pulong na ito ay naghikayat sa Unang Panguluhan na muling magpadala ng mga misyonero sa bansang Hapon.

Sa katunayan, kilala ni Tomigoro ang isang misyonero na nagngangalang Ted Price na naglilingkod sa Narumi, dalawang oras mula sa bahay ni Toshiko. “Humayo ka at tingnan mo,” sabi niya. “Kung sasabihin mo kay Elder Price na ikaw ay anak ni Tomigoro Takagi, magiging napakasaya nito.”9

Medyo nag-alinlangan si Toshiko sa simbahan ng kanyang ama. Wala siyang alam tungkol sa mga turo nito at hindi niya nagugustuhan ang pangalang “Mormon.” Ngunit isang araw ng Linggo, ilang buwan matapos ang kanyang operasyon, naglakbay siya papunta sa isang maliit na bulwagang pulungan sa tabi ng burol sa Narumi. Nahuling dumating, nadatnan niya si Elder Price na nagtuturo sa isang malaking grupo ng mga tao tungkol sa Aklat ni Mormon. Habang nakikinig siya sa kanilang talakayan, nagsimulang mag-iba ang kanyang naiisip tungkol sa Simbahan. Naniwala siya sa kanyang narinig, at nagbigay ito sa kanya ng pag-asa.10

Nang matapos ang pulong, nakilala niya si Elder Price at ang kompanyon nito na si Danny Nelson. Nagustuhan niya ang parehong binata at inasam na marinig silang magsalitang muli. Gayunman, magiging mahirap ang pagsisimba sa Narumi, dahil napakaraming oras ang gugugulin sa paglalakbay papunta at pauwi mula sa pulong. At malaki ang posibilidad na hindi sumama ang kanyang asawa. Linggo lamang ang araw ng pahinga nito mula sa trabaho, at ayaw nitong makibahagi sa anumang relihiyon.

Ngunit ang kanyang narinig noong araw na iyon ay nagpasigla sa pananampalataya niya sa ipinanumbalik na ebanghelyo. “Kung nais ko ring madama ng mga anak ko ang mga bagay na iyon, kailangang magbago ang asawa ko,” sabi niya sa kanyang sarili. “Paano ko magagawa iyon?”11


Habang pinagninilayan ni Toshiko Yanagida ang kinabukasan ng kanyang pamilya, ang pangkalahatang pangulo ng Primary na si Adele Cannon Howells ay naghahanap ng paraan para matulungan ang maliliit na bata na malaman ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Sa loob ng maraming taon, ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at mga materyal ng aralin sa Simbahan ay paminsan-minsan lamang binabanggit ang aklat. Ang mga primary lesson ay madalas ding bigyang-diin ang mga kuwento sa Biblia at ang mga pag-uugaling kabahagi ng mga Banal sa iba pang mga relihiyong Kristiyano. Gayunman, nitong mga huling araw, sinimulan ng mga lider at guro ng Simbahan na mas higit na gamitin ang Aklat ni Mormon, at nais ng ilang Banal na baguhin ng Primary ang mga aralin nito upang magamit nang mas mabuti ang Aklat ni Mormon at ang iba pang mga natatanging turo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Batid na ang mga iginuhit na larawan ay maaaring maging mabisang kasangkapan sa pagtuturo ng ebanghelyo, sumulat si Adele kay apostol Spencer W. Kimball at ilang organisasyon ng Simbahan tungkol sa paggawa ng isang inilarawang kuwento sa Aklat ni Mormon para sa mga bata.12

“Tunay na interesante ang iyong mungkahi,” tugon ni Elder Kimball. Ngunit nag-alala siya na lubhang napakamahal ng proyekto.13

Hindi pa handa si Adele na isuko ang ideya. Mula nang tawagin siya bilang pangkalahatang pangulo ng Primary noong 1943, nagsagawa siya ng ilang malalaking proyekto, kabilang na ang dalawang makabagong programa para sa mga bata. Ang una, Ang Kaibigan ng mga Bata sa Radyo [Children’s Friend of the Air], ay isang labinlimang minutong programa sa radyo batay sa mga kuwento mula sa opisyal na magasin ng Primary. Ang pangalawa ay ang Konseho ng mga Bata [Junior Council], isang lingguhang programa sa telebisyon na nagsimula noong 1948, ang parehong taon kung saan ipinalabas ng Simbahan ang pangkalahatang kumperensya sa telebisyon sa unang pagkakataon. Nagtampok ang Junior Council ng maliit na grupo ng mga batang tumutugon sa sunud-sunod na mga tanong na isinumite ng mga mambabasa ng Kaibigan ng mga Bata [Children’s Friend] at ng mga manonood na nasa mismong studio.14

Sa loob ng maraming taon, isinagawa rin ni Adele ang mga plano na magtayo ng isang bagong ospital para sa mga bata sa Lunsod ng Salt Lake. Ang Primary ay namamahala ng isang ospital sa lunsod mula noong 1922, ngunit ang institusyon ay nangangailangan na ngayon ng mas malaki at mas makabagong mga pasilidad. Nagsagawa ng seremonyang paghuhukay ang mga lider ng Simbahan para sa bagong ospital noong Abril 1949 sa isang burol kung saan tanaw ang Lambak ng Salt Lake. Upang makalikom ng kailangang pondo, at upang matulungan ang mga batang Primary na madamang kasama sila sa pagtatayo ng gusali, binuo ni Adele ang programang “bumili ng isang ladrilyo [buy a brick]” para sa ospital. Sa bawat sampung sentimo na iniambag ng isang bata, maaari niyang isipin na binayaran niya ang isang ladrilyo sa mga pader ng ospital.15

Habang pinag-iisipan pa ni Adele ang pagguhit ng mga larawan tungkol sa Aklat ni Mormon, pinagnilayan niya ang posibilidad na magpagawa ng sunud-sunod na magagandang ipinintang larawan para sa ikalimang anibersaryo ng Children’s Friend. Dahil ang anibersaryo ay sa 1952, tatlong taon pa bago mangyari iyon, kinailangan niyang kaagad mahanap ang tamang pintor para matapos ang mga ipinintang larawan sa tamang oras.16

Ilang mga pintor na Banal sa mga Huling Araw ang naglarawan na noon ng mga tagpo mula sa Aklat ni Mormon. Ilang dekada na ang nakararaan, si George Reynolds, isang kalihim ng Unang Panguluhan, ay naglathala ng isang katipunan ng mga kuwento ng Aklat ni Mormon na may mataas na kalidad na mga paglalarawan na gawa ng mga lokal na pintor. Hindi nagtagal, naglathala siya ng ilang artikulo tungkol sa buhay ni Nephi, na binigyang buhay ng ilustrador na Danish na si C. C. A. Christensen.

Kamakailan lamang, sinimulan ni Phil Dalby ang pagguhit ng sunud-sunod na mga kagila-gilalas na komiks ng Aklat ni Mormon para sa Deseret News. At si Minerva Teichert, na nag-aral sa ilan sa pinakamahuhusay na paaralan ng sining sa Estados Unidos, ay nagsimula kaagad ng isang kagila-gilalas na serye ng mga ipinintang larawan ng Aklat ni Mormon matapos kumpletuhin ang mga mural para sa isang silid ng ordenansa sa Manti Temple. Nais ni Minerva na ang mga ipininta niyang larawan ay magbibigay-buhay sa Aklat ni Mormon, at marami sa mga ito ang nagtampok ng makukulay na tagpo ng kababaihan na madalas na hindi pinangalanan sa gawain ng banal na kasulatan.17

Habang naghahanap si Adele ng isang ilustrador, nalaman niya ang tungkol sa mga gawa ni Arnold Friberg, isang tatlumpu’t anim na taong gulang na ilustrador na Banal sa mga Huling Araw na lumipat kamakailan lamang sa Utah. Lubos siyang napahanga sa isa sa mga ipinintang larawang panrelihiyon nito. Inilarawan nito si Richard Ballantyne, ang nagtatag ng Sunday School, na nakaupo sa harapan ng nagliliyab na apoy, na nakahilig paharap habang nagtuturo siya sa isang grupo ng mga batang nakatuon sa pakikinig. Ang mga detalye sa ipinintang larawan ay metikuloso, mula sa mga guhit ng kahoy na sahig hanggang sa liwanag ng apoy na nagniningning sa mukha ng mga bata.18

Pagkatapos ng karagdagang pagsisiyasat, nagpasiya si Adele na pinakamainam piliin si Arnold. Walang alinlangang napakagaling niya, at malinaw na mahilig siyang lumikha ng mga ipinintang larawan tungkol sa relihiyon. Bagama’t magiging mahal ang kanyang singil, may mga paraan si Adele para siya mismo ay makatulong sa pagbabayad ng mga ipinintang larawan, kung kinakailangan.19

Kumbinsidong malaki ang kahalagahan ng proyekto, inilarawan niya ang mga pagsisikap ng lupon ng Primary sa kanyang diary, umaasang magkatotoo ang kanilang pangarap. “Nawa’y tulungan tayo ng Panginoon,” isinulat niya.20


Sa bansang Hapon, dumadalo si Toshiko Yanagida sa bawat pulong ng Simbahan na kaya niyang puntahan. Tuwing Linggo ng umaga, naglalakbay siya patungo sa Narumi para sa Sunday School. Ang klase ay tinuturuan ni Tatsui Sato, isang dating Protestante na nabinyagan kasama ang kanyang asawang si Chiyo, mga isang taon matapos ang digmaan. Pagkatapos ay dumalo si Toshiko sa sacrament meeting sa gabi sa iba pang bahagi ng bayan. Ang branch ay nagdaraos ng mga pulong ng MIA tuwing Lunes para sa sinumang nais mag-aral ng mga banal na kasulatan at makipaglaro, at di-nagtagal ay dumadalo na rin siya sa mga iyon. Pagkatapos ng kanyang operasyon, nadama ni Toshiko ang pisikal, emosyonal, at pinansyal na kapaguran. Ang pagsama sa mga Banal ay nagpasigla sa kanyang espiritu at nagbigay sa kanya ng bagong layunin sa buhay.

Hindi nasiyahan ang kanyang asawang si Tokichi sa matagal na oras niyang pagkawala. Nang magsimula siyang umalis sa bahay nang mas madalas, kung minsan ay biglaan pa, pinilit niya itong mamili sa pagitan ng pamilya o pananampalataya. “Kung ganoon mo kagustong magsimba, paghatian natin ang mga bata,” sabi niya. “Isasama ko ang panganay nating anak at maaari mong isama ang bunsong anak natin—at maaari mo nang lisanin ang bahay na ito.”21

Nagsimulang magsimba si Toshiko para sa kapakanan ng kanyang mga anak, kaya hindi niya hahayaang masira nito ang kanyang pamilya. Ngunit ayaw rin niyang balikan ang dati niyang buhay. Sa halip, nagpasiya siyang mas sipagan ang pagtatrabaho sa bahay upang ipakita kay Tokichi na kaya niyang ilaan ang kanyang sarili sa Simbahan nang hindi nasisira ang kanilang pamilya. “Hayaan mong patuloy kong gawin ito nang mas matagal pa,” pagsusumamo niya rito. At sa araw at gabi ay nanalangin siya na magsimba rin ito at makibahagi sa kanyang pananampalataya.22

Isang araw, inanyayahan ni Toshiko sina Elder Price at Elder Nelson sa kaarawan ng anak niyang si Takao. Masayang tinanggap ng mga misyonero ang paanyaya, sa kabila ng mahabang distansya, at dumating na may dalang regalong kendi para kay Takao.23

Sa handaan, umupo si Elder Nelson sa tabi ni Tokichi at kinausap ito tungkol sa Simbahan at gawaing misyonero. Ipinaliwanag niya na siya at si Elder Price mismo ang gumastos para sa kanilang misyon at wala silang natatanggap na pera mula sa Simbahan. Pinatotohanan din ng mga elder ang ipinanumbalik na ebanghelyo at kung ano ang maaaring maging kahulugan nito para sa pamilya. Pagkatapos kumain, naglaro silang lahat nang magkakasama, at nanalangin ang mga misyonero kasama ang mga Yanagida bago bumalik sa Narumi.24

“Iba ang mga misyonerong ito,” kalaunang sinabi ni Tokichi kay Toshiko. Hindi niya nagugustuhan ang mga pari na tumatanggap ng pera para sa kanilang paglilingkod, kaya humanga siya na handang magsakripisyo nang husto ang mga misyonero para maglingkod sa Diyos. “Sila ay mga kahanga-hangang lalaki,” sabi niya.25

Makalipas ang dalawang buwan, noong Agosto 1949, nagpasyang magpabinyag si Toshiko. Naglakbay siya nang walong oras patungo sa Tokyo upang makasama ang kanyang ama. Isinagawa ni Elder Price ang binyag, at ang mission president na si Edward Clissold ang nagkumpirma sa kanya. Tuwang-tuwa si Toshiko na sa wakas ay naging miyembro na siya ng Simbahan, at nakita niya na masaya rin ang kanyang ama.26

Hindi nagtagal matapos ang binyag, kinailangang magpunta ni Tokichi sa Tokyo para sa trabaho, kaya iminungkahi ni Toshiko na bisitahin nito ang tanggapan ng mission at batiin si Elder Nelson, na kalilipat lang doon. “Kapag may oras pa ako” sabi ni Tokichi.27

Dahil walang telepono sa kanilang bahay, kinailangang maghintay ni Toshiko ng tatlong araw para makabalik ang kanyang asawa at balitaan siya tungkol sa paglalakbay nito. Nais niyang malaman kaagad kung nakapunta na ito sa mission home. “Nakita mo ba si Nelson?” tanong niya.

“Oo,” sagot ni Tokichi. “Nabinyagan niya ako, at ipinatong ng taong nagngangalang Elder Goya ang kanyang mga kamay sa aking ulo.” Hindi kilala ni Toshiko si Koojin Goya, ang isa sa ilang Amerikanong Hapones na misyonero mula sa Hawaii na tinawag na maglingkod sa bansang Hapon.28

Nagulat si Toshiko. Hindi kailanman nagsimba si Tokichi kasama niya sa Narumi, ngunit kahit paano ay hinikayat ito ng Panginoon na magpabinyag.

“Banzai!” naisip niya. Sa wakas!29

Matapos mabinyagan si Tokichi, nagpasiya sila ni Toshiko na magsimba kasama ng mga Sato sa isang servicemember group ng mga Amerikano sa isang base-militar malapit sa kanilang tahanan sa Nagoya. Masaya si Toshiko na makapagsisimba na ngayon nang sama-sama ang kanyang pamilya, ngunit nasa wikang Ingles ang kanilang mga pulong. Bagama’t matatas si Tatsui sa wikang Ingles at makapagsasalin para sa mga Yanagida, nais ni Toshiko na matutuhan ng kanyang pamilya ang tungkol sa ebanghelyo sa kanilang sariling wika.

Hindi nagtagal, sumulat siya sa bagong mission president, si Vinal Mauss, at itinanong kung maaari bang magdaos ng mga pulong sa wikang Hapones sa Nagoya.30


Noong ika-6 ng Nobyembre 1949, bininyagan ni Paul Bang ang kanyang walong taong gulang na anak na babae na si Sandra. Dalawampu’t dalawang taon na mula nang mabinyagan si Paul sa kalapit na Ilog Ohio. Noong panahong iyon, nakita niyang lumaki ang Cincinnati Branch na maging isa sa pinakamatatag na mga kongregasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa rehiyong iyon ng Estados Unidos. Ngayon, siya at ang kanyang asawang si Connie ay ipinapasa ang namana nilang pamana ng pananampalataya kay Sandra at sa mga nakababatang kapatid nito.31

Mga isandaang Banal ang nagtitipon linggu-linggo sa Cincinnati para sa sacrament meeting. Nang maging imposibleng magtayo ng bagong bahay-pulungan noong panahon ng digmaan, bumili ang branch ng dating sinagoga ng mga Judio at, sa tulong ng kumpanya sa konstruksyon ng branch president na si Alvin Gilliam, inayos ang loob at labas ng gusali. Nagbayad din ang mga Banal sa isang estudyante ng sining upang ipinta ang isang mural ng Tagapagligtas sa dingding sa likod ng pulpito.32

Sapat ang laki ng bagong kapilya sakali mang marami pang tao ang sumapi sa branch. Pagkatapos ng digmaan, maraming bata pang miyembro ng branch—lalo na yaong may matitibay na ugnayan ng pamilya sa lugar—ang piniling manatili sa Cincinnati, magsimula ng kanilang mga pamilya, at maglingkod sa Simbahan.33 Sa loob ng ilang panahon, si Paul ay naging tagapayo sa branch presidency, at siya ngayon ay nasa mataas na kapulungan ng district kasama ang kanyang amang si Christian Bang. Samantala, pinamunuan ni Connie ang Gleaner Girls sa YWMIA ng branch.34

Ang laki ng Cincinnati Branch, gayundin ang karanasan ng mga miyembro nito, ay nagtulot sa kanila na suportahan ang mas maliliit na branch sa lugar. Tuwing Linggo, naglalakbay ang mga pamilya mula Cincinnati patungong Georgetown, isang nayon na humigit-kumulang 65 kilometro sa silangan, upang suportahan ang isang maliit na grupo ng mga Banal doon.35

Malakas man ang pagkakaisa ng Cincinnati Branch, nanatiling hati ang mga miyembro nito ukol sa pagbubukod ng lahi. Sina Len at Mary Hope, ang nag-iisang mag-asawang Aprikanong Amerikano sa branch, ay patuloy na nagdaraos ng mga buwanang pulong sa kanilang tahanan dahil tutol pa rin ang ilang miyembro ng branch na dumalo sila sa regular na mga pulong ng Simbahan. Ang mga pagtitipon ay umabot na sa tatlumpung tao, kabilang na ang mga Bang at kanilang mga kamag-anak. Hindi alam ni Mary kung gaano karaming tao ang darating, ngunit pawang lagi siyang nakapagluluto ng sapat na pagkain para sa lahat. Pinangasiwaan ni Len ang mga pulong at pumili ng mga himno. Isa sa mga paborito niya ay ang “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta.”36

Kung minsan ay pinipintasan ng mga kaibigan niya si Len dahil kabilang siya sa isang simbahan kung saan hindi siya maaaring magtaglay ng priesthood o dumalo sa mga serbisyo, ngunit siya at si Mary ay nanatiling tapat sa kanilang pananampalataya. Inalagaan sila ng kanilang mga kaibigan sa branch, na naglalaan ng mga basbas ng priesthood para sa mga miyembro ng pamilya at tumutulong sa pagpapaayos at pagpapaganda ng tahanan.37 Nang tanggapin ng isa sa mga kaibigan ng mga Hope na Aprikanong Amerikano na si Mary Louise Cates ang ebanghelyo, bininyagan siya ni Paul. Makalipas ang ilang taon, binasbasan ng isang miyembro ng branch ang sanggol na apong babae ng mga Hope.38

Makaraan ang halos dalawampu’t limang taon ng matatag na pananampalataya, naglakbay sina Len at Mary patungong Utah noong 1947. Tumuloy sila sa tahanan ng dating misyonero sa Cincinnati na si Marion Hanks, na naglibot sa kanila sa kabuuan ng Lunsod ng Salt Lake at sinamahan sila sa pangkalahatang kumperensya. Malugod din silang tinanggap sa tahanan nina Abner at Martha Howell, isa pang mag-asawang Itim sa Simbahan. Ang paglalakbay at ang mabait na pagsalubong na natanggap nila ay nagpasaya sa mga Hope. Ngayon, makalipas ang dalawang taon, humina ang kalusugan ni Len, at nais niyang lumipat sa Utah at ilibing doon balang-araw.39

Hindi nagtagal matapos ang binyag ni Sandra Bang, tinawag ng district presidency si Paul na maglingkod bilang pangulo ng isang maliit na branch sa Hamilton, isang lunsod sa hilaga ng Cincinnati. Makalipas ang maikling panahon, tinawag si Connie upang maging kalihim ng Cincinnati Branch Relief Society. Hinikayat siya ng kanyang patriarchal blessing na maging handang manggagawa sa kaharian ng Diyos, at sinikap nila ni Paul na maging gayon lamang. Sa lahat ng kanilang mga naging karanasan, nakita nila ang mga pagpapala ng Panginoon.40

Sa pamamagitan ng patriarch, nangako rin ang Panginoon kay Connie na ang kanyang amang si George Taylor ay makikibahagi sa kagalakan ng ebanghelyo. Sa loob ng maraming taon, walang maisip na dahilan si Connie na isiping yayakapin ng kanyang ama ang Simbahan. Pagkatapos ng digmaan, inatake ng kanser ang nanghihina nang katawan nito. Nagsimula itong magsimba kasama ang ina ni Connie na si Adeline, sumasamba na kasama ang mga Banal hanggang sa pagpanaw nito noong 1947.

Pagkamatay niya, nagpakita si George kay Adeline sa isang panaginip. Mukha siyang sakitin at nalulungkot, at paika-ika pa rin siyang naglakad na tiniis niya sa loob ng maraming taon. Nalito si Adeline sa panaginip, at tinanong niya ang isang lider ng Simbahan kung ano ang kahulugan nito. Sinabi nito sa kanya na nais ni George na magawa ang kanyang gawain sa templo.

Dahil dito, naglakbay si Adeline patungong Utah upang matanggap ang mga pagpapala ng templo at inasikaso na matanggap din ni George ang sa kanya. Nabuklod siya sa kanya sa pamamagitan ng proxy noong ika-28 ng Setyembre 1949, sa Salt Lake Temple. Pagkatapos niyon, muling nagpakita sa kanya si George sa isang panaginip. Sa pagkakataong ito ay masaya at malusog ito, malaya sa mga karamdaman na nagpahirap sa buhay nito.

Niyakap siya nito, at nagsayaw sila.41

  1. Collette, Collette Family History, 366, 370, nasa orihinal ang pagbibigay-diin; “1948 Sees First Welfare Supplies Headed for Czechoslovakia,” Deseret News, Ene. 31, 1948, 10.

  2. Collette, Collette Family History, 305, 340–41, 373; Scott A. Taggart, “Conference Held in Swiss Mission,” Deseret News, Set. 13, 1947, Church section, 9.

  3. Collette, Collette Family History, 373–77.

  4. Emmy Cziep Collette to Glenn Collette, June 29, 1949, sa Collette, Collette Family History, 391–92; Collette, Collette Family History, 342, 364, 385.

  5. Alberta Temple, Sealings of Living Couples, 1923–56, May 24, 1949, microfilm 170,738, U.S. and Canada Record Collection, FHL; Collette, Collette Family History, 388, 390; Emmy Cziep Collette to Glenn Collette, June 29, 1949, sa Collette, Collette Family History, 391–92.

  6. Yanagida, Oral History Interview [1996], 1, 8.

  7. Yanagida, Oral History Interview [1996], 2–7; Yanagida, Oral History Interview [2001], 1; Yanagida, “Ashiato,” 2; Yanagida, “Takagi and Nikichi Takahashi, Two of the Very Early Baptisms,” 22; Takagi, Trek East, 152; Britsch, “Closing of the Early Japan Mission,” 263–83.

  8. Yanagida, Oral History Interview [1996], 8.

  9. Yanagida, Oral History Interview [1996], 7–8; Yanagida, Oral History Interview [2001], 3; General Church Welfare Committee, Minutes, Sept. 20, 1946; Dec. 18 and 20, 1946; Oct. 10, 1947; Takagi, Trek East, 315–17; Britsch, From the East, 82–85. Paksa: Japan

  10. Yanagida, Oral History Interview [1996], 7–8; Yanagida, Oral History Interview [2001], 4; Price, Mission Journal, Apr. 24, 1949; Yanagida, “Ashiato,” 7; Yanagida, “Relief Society President Experiences.”

  11. Price, Mission Journal, Apr. 24, 1949; Yanagida, Oral History Interview [1996], 8–9; Yanagida, Oral History Interview [2001], 3–5; Yanagida, “Banzai,” 188.

  12. Reynolds, “Coming Forth of the Book of Mormon,” 10, 18–19, 26; Primary Association General Board, Minutes, Mar. 31, 1949; Parmley, Oral History Interview, 46; Marion G. Romney, Remarks at Adele Cannon Howells funeral, Apr. 17, 1951, Primary Association General Board, Minutes, CHL; Peterson at Gaunt, Children’s Friends, 63, 71; Adele Cannon Howells to Velma Hill, undated; Spencer W. Kimball to Adele Cannon Howells, Counselors, and Primary Association, Aug. 18, 1949, Primary Association General Records, CHL. Paksa: Primary

  13. Spencer W. Kimball to Adele Cannon Howells, Counselors, and Primary Association, Aug. 18, 1949, Primary Association General Records, CHL.

  14. Peterson at Gaunt, Children’s Friends, 69; Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 119–20; “2 Conference Broadcasts Will Be Open,” Deseret News, Mar. 31, 1948, [1]. Mga Paksa: Broadcast Media; Mga Peryodiko ng Simbahan

  15. Howells, Diary, June 10, 1947; Minutes of the Board of Trustees of the Primary Children’s Hospital Meeting with the First Presidency, Jan. 17, 1948; Adele Cannon Howells and others to First Presidency, Jan. 12, 1949, First Presidency Mission Files, CHL; Mandleco and Miller, “History of Children’s Hospitals in Utah,” 340–41; George Albert Smith, Journal, Apr. 1, 1949; “Primary Breaks Ground for Hospital Friday,” Deseret News, Abr. 1, 1949, [1]; Peterson at Gaunt, Children’s Friends, 73.

  16. Howells, Diary, July 27, 1950; Sunday School General Presidency, Minutes, Jan. 24, 1950; Andersen, “Arnold Friberg,” 248; Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 121.

  17. Reynolds, Story of the Book of Mormon; Gutjahr, The Book of Mormon: A Biography, 153–64; George Reynolds, “Lessons from the Life of Nephi,” Juvenile Instructor, Abr. 15–Okt. 1, 1891, 26:233–35, 282–84, 297–90, 348–51, 373–76, 406–9, 437–40, 475–77, 502–4, 536–38, 574–77, 585–87; Parshall, “John Philip Dalby”; Welch at Dant, Book of Mormon Paintings, 10–12, 162; Dant, “Minerva Teichert’s Manti Temple Murals,” 6–32.

  18. Andersen, “Arnold Friberg,” 248; Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 121; Barrett at Black, “Setting a Standard in LDS Art,” 31–32; Swanson, “Book of Mormon Art of Arnold Friberg,” 28.

  19. Madsen at Oman, Sisters and Little Saints, 121; Howells, Diary, Mar. 10, 1950; Barrett at Black, “Setting a Standard in LDS Art,” 32; A. H. Reiser and others to First Presidency, Oct. 4, 1950, Primary Association General Records, CHL.

  20. Howells, Diary, July 27, 1950.

  21. Yanagida, “Ashiato,” 7–8; Yanagida, Oral History Interview [2001], 4; “Tatsui Sato: Translator for Life,” Global Histories, ChurchofJesusChrist.org/study/history/global-histories.

  22. Yanagida, “Banzai,” 188; Yanagida, “Ashiato,” 7–8.

  23. Yanagida, “Ashiato,” 8; Yanagida, “Banzai,” 188; Price, Mission Journal, June 16, 1949.

  24. Yanagida, “Banzai,” 188; Yanagida, Oral History Interview [2001], 5; Price, Mission Journal, June 16, 1949.

  25. Yanagida, Oral History Interview [1996], 5; Yanagida, Oral History Interview [2001], 9–10. Ang sipi ay pinamatnugutan upang linawin; ang “Naiiba sila” sa orihinal ay pinalitan ng “Ang mga misyonero na ito ay naiiba.”

  26. Yanagida, Oral History Interview [1996], 9; Yanagida, Oral History Interview [2001], 4; Japanese Mission, Manuscript History and Historical Reports, Aug. 18, 1949; Yanagida, “Banzai,” 188.

  27. Yanagida, Oral History Interview [1996], 9.

  28. Yanagida, Oral History Interview [1996], 9; Yanagida, Oral History Interview [2001], 5; Yanagida, “Ashiato,” 8–9; Yanagida, “Banzai,” 189; Japanese Mission, Manuscript History and Historical Reports, Sept. 30, 1949; “Six Japanese Leave for Mission,” Deseret News, Set. 15, 1948, Church section, 14C. Ang sipi ni Toshiko Yanagida ay pinamatnugutan upang linawin; nakasaad sa orihinal na pinagmulan ay “Nakita mo ba si Nelson-san?”

  29. Yanagida, “Banzai,” 189; Yanagida, Oral History Interview [1996], 9; Yanagida, “Ashiato,” 9.

  30. Yanagida, Oral History Interview [2001], 5–6; Yanagida, “Memoirs of the Relief Society in Japan,” 145; “Tatsui Sato: Translator for Life,” Global Histories, ChurchofJesusChrist.org/study/history/global-histories. Paksa: Servicemember Branches

  31. Cincinnati Branch, Minutes, Nov. 6, 1949; Jones at Prince, Oral History Interview, [0:36:13]; Paul Bang, “My Life Story,” 7; Fish, Kramer, and Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 65–78.

  32. Cincinnati Branch, Minutes, July 10 and Sept. 4–Dec. 11, 1949; Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 68, 71–74; Fish, “My Life Story,” [9]; Cannon, Interview, 1; Jones at Prince, Oral History Interview, [0:26:13].

  33. Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 74, 76; Cincinnati Branch, Minutes, Feb. 2, 1947.

  34. Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 76–77; Cincinnati Branch, Minutes, Oct. 9, 1949; Georgetown Branch, Minutes, May 2, 1948; Cincinnati Branch, YWMIA Minute Book, Attendance Roll, 1949–50.

  35. Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 77; Georgetown Branch, Minutes, May 2, 1948; Oct. 1948–Feb. 1949; July–Dec. 1949; Cannon, Interview, 1.

  36. Blackham, History, 6–7; Cannon, Interview, 3; Jones at Prince, Oral History Interview, [1:05:38]; tingnan din sa, halimbawa, Summers, Mission Journal, Nov. 7, 1937; Feb. 6, 1838; Mar. 6, 1938; at Jones, Mission Journal, July 3, 1949; Nov. 6, 1949; Apr. 9, 1950. Paksa: Pagbubukod ng Lahi

  37. Jones, Mission Journal, Sept. 3, 1949; Mar. 28, 1950; May 21, 1950; Blackham, History, 7.

  38. Cincinnati Branch, Minutes, Oct. 5, 1941, and Oct. 3, 1948; Mary Louise Cates, sa Cincinnati Branch, Record of Members and Children, no. 396.

  39. “Cincinnati Pair to Attend Conference for First Time,” Deseret News, Set. 26, 1947, 9; Hanks, Oral History Interview, 3, 7–9; Blackham, History, 8; Obituary for Len Hope, Deseret News and Salt Lake Telegram, Set. 15, 1952, 4B.

  40. South Ohio District Presidency to Hamilton and Middleton Members, Jan. 18, 1950, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL; Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 77; Cincinnati Branch, Minutes, Feb. 12, 1950; Cornelia Taylor, Patriarchal Blessing, 2, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL.

  41. Cornelia Taylor, Patriarchal Blessing, Feb. 6, 1935, 2, Paul and Cornelia T. Bang Papers, CHL; Ludlow, Interview, [0:00:41]–[0:04:05]; Bang, Autobiography, 7–9; Salt Lake Temple, Sealings for the Dead, Couples, 1943–70, Sept. 27, 1949, microfilm 456,528, U.S. and Canada Record Collection, FHL.