Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 18: Anumang Lugar sa Mundo


“Anumang Lugar sa Mundo,” kabanata 18 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 18: “Anumang Lugar sa Mundo”

Kabanata 18

Anumang Lugar sa Mundo

Larawan
gusali ng Simbahan sa isang kalye ng lunsod noong dekada ng 1920

Noong Disyembre 1927, si Reinhold Stoof, ang pangulo ng South American Mission, ay handa nang lisanin ang Argentina—kahit sa maikling panahon lamang.

Nang dumating si Reinhold sa Buenos Aires labingwalong buwan na ang nakararaan, inasahan niya na ang karamihang makakasama niya ay mga nandayuhang nagsasalita ng wikang Aleman. Ngunit ang mga Aleman sa lunsod ay nangagkalat na at mahirap hagilapin, kaya mahihirapang gawin ang gawaing misyonero sa kanila. Kung ang Simbahan ay lalagong gaya ng isang puno ng oak sa Timog Amerika, tulad ng ipinropesiya ni Elder Melvin J. Ballard, kailangang dalhin ni Reinhold at ng kanyang maliit na pangkat ng mga misyonero ang ebanghelyo sa mga nagsasalita ng wikang Espanyol.1

Bilang isang Banal na isinilang na Aleman na halos walang alam na salita sa wikang Espanyol, kaagad sinimulan ni Reinhold ang pag-aaral ng wika. Subalit nadama pa rin niyang responsibilidad niya ang mga Aleman sa kontinente. Alam niya na may malalaking komunidad ng mga dayuhan na nagsasalita ng wikang Aleman sa kalapit na Brazil. Sa katunayan, bago bumalik sa Estados Unidos, inirekomenda ni Elder Ballard na magpadala ng mga misyonero sa mga komunidad na ito upang malaman kung gaano kainteresado ang mga tao sa ebanghelyo.

Batid ni Reinhold na may ilang Banal na Aleman na nakatira na sa Brazil, at naniniwala siya na makatutulong sila sa pagtatatag ng mga branch ng Simbahan sa kanilang mga bayan at lunsod. Yamang bumabagal ang progreso ng gawain sa mga nandayuhang Aleman sa Buenos Aires, tila ito na ang tamang panahon para bisitahin ang Brazil.2

Noong ika-14 ng Disyembre, ipinamahala ni Reinhold sa isang misyonero ang gawain sa Argentina at nagtungo sa Brazil kasama ang isang elder na nagngangalang Waldo Stoddard. Una silang tumigil sa São Paulo, isa sa mga pinakamalaking lunsod ng Brazil, kung saan umasa sila na makahahanap ng isang miyembro ng Simbahan na lumipat doon matapos maglingkod sa Swiss-German Mission. Ngunit wala silang nahanap, at tila naging napakahirap ang gawaing misyonero sa lunsod. Ang São Paulo ay maraming nandayuhang Aleman, ngunit tulad ng sitwasyon sa Buenos Aires, nakakalat sila sa buong lunsod.3

Makalipas ang isang linggo, nagpunta sina Reinhold at Waldo sa isang mas maliit na lunsod na tinatawag na Joinville, sa katimugang Brazil. Itinatag ang lunsod ng mga nandayuhan mula sa hilagang Europa noong dekada ng 1850, at marami sa mga nakatira roon ay nagsasalita pa rin ng wikang Aleman. Mababait at tila interesado sa ebanghelyo ang mga tao. Nagpamigay sina Reinhold at Waldo ng mga polyeto at nagdaos ng dalawang pulong sa lunsod. Sa dalawang okasyon, mahigit isandaang tao ang dumalo. Nakita ng mga elder ang gayunding interes nang mangaral sila sa iba pang mga bayan sa lugar. Sa kanilang huling araw sa Joinville, inanyayahan silang magbasbas sa dalawang babaeng maysakit.

Matapos gumugol ng tatlong linggo sa loob at palibot ng Joinville, bumalik si Reinhold sa Argentina na tuwang-tuwa sa nakita niya sa Brazil. “Ang paglilingkod sa mga Aleman sa Buenos Aires ay palaging magiging mabuti,” iniulat niya sa Unang Panguluhan, “ngunit mas matagumpay ang gawain sa mga Aleman na nasa Brazil.”

Nais niyang magpadala kaagad ng mga misyonero sa Joinville. “Laging maganda ang pananaw ko sa buhay, ngunit hindi nakalalampas sa paningin ko ang mga problema at balakid,” pag-amin niya. “Subalit inuulit ko: Ang Timog Brazil na ito ang lugar!”4


Halos kasabay ng pagbalik ni Reinhold Stoof mula sa Brazil ang pagdating nina John at Leah Widtsoe sa Liverpool, England, upang simulan ang kanilang misyon. Agad nilang ipinalista si Eudora sa isang lokal na mataas na paaralan at sinimulang harapin ang kanilang panibagong buhay. Masayang tinanggap ni Leah ang pagbabago. Hindi siya nakapagmisyon ni nakapaglaan ng napakaraming oras para magtrabaho sa labas ng kanyang tahanan, kaya ang bawat araw ay isang bagong karanasan. Naging madali sa kanya ang gawaing misyonero, at masaya siyang maglingkod kasama si John, na dahil sa propesyon at mga tungkulin sa simbahan ay madalas na mawalay sa kanya noon.5

Halos tatlumpung taon na ang lumipas mula nang magtungo sila sa Europa para sa pag-aaral ni John. Sa panahong iyon, malaki na ang ipinagbago ng Simbahan sa buong kontinente. Ang katapusan ng malawakang pandarayuhan sa Utah ay nangangahulugan na humigit-kumulang dalawampu’t walong libong Banal na ang nakatira ngayon sa Europa, at halos kalahati sa kanila ay nagsasalita ng wikang Aleman. Ang mga kritikong gaya ni William Jarman ay hindi na isang alalahanin, at maraming pahayagan ang patas at makatarungan na sa paglalathala ng ulat tungkol sa mga kumperensya ng Simbahan o kaya nama’y may magandang sinasabi tungkol sa mabubuting ginagawa ng mga Banal.6

Gayunman, nang bisitahin nina Leah at John ang mga branch sa buong kontinente, nadama nila ang kawalang-sigla at pagkasiphayo na nananaig sa mga Banal. Ang ilang ordenansa ng Simbahan, tulad ng mga patriarchal blessing at pagsamba sa templo, ay hindi natatamasa sa Europa. At dahil hindi na hinihikayat ng Simbahan ang pandarayuhan, iilan lamang sa mga Banal sa Europa ang makaaasang makabahagi sa mga ordenansang ito.7

May iba pang mga bagay na humahadlang sa pag-unlad. Ang mga misyonero na nagmula sa Amerika ay mas bata pa at mas wala pang gaanong karanasan kumpara sa mga nauna sa kanila. Karamihan sa kanila ay halos hindi makapagsalita ng wika ng mission, subalit kadalasan, ang mga misyonero ang pinamamahala sa mga kongregasyon—maging sa mga lugar kung saan may matatatag at may kakayahang mga miyembro na ilang dekada na sa Simbahan. Umaasa lamang sa maliit na kita ng ikapu, karaniwang umuupa lamang ang mga branch na ito ng mga bulwagang pagpupulungan sa mga hamak na lugar sa bayan, kaya mahirap makaakit ng mga bagong miyembro. Ang kawalan ng mga Relief Society, Primary, Mutual Improvement Association, at Sunday School ay naging dahilan din kaya hindi nakakaengganyo ang Simbahan kapwa sa mga Banal sa mga Huling Araw at mga potensyal na maging miyembro.8

Si Leah, tulad ni John, ay sabik na maglingkod sa mga Banal sa Europa. Ang pangunahin niyang responsibilidad ay pamahalaan ang gawain ng Relief Society sa Europa, at pagkarating niya sa England, sinimulan niyang magsulat ng mga aralin sa Relief Society tungkol sa Aklat ni Mormon para sa darating na taon. Sa kanyang unang mensahe sa Relief Society sa British Isles, na inilathala sa Millennial Star, batid niya na malayo sila sa punong-tanggapan ng Simbahan ngunit ipinahayag ang kanyang pananaw na ang Sion ay hindi iisang lugar.

“Kung tutuusin, nasaan ba ang Sion?” tanong niya. “Ang Sion ay ang ‘dalisay na puso,’ at iyan ay maaaring anumang lugar sa mundo kung saan pinipili ng mga tao na paglingkuran ang Diyos nang ganap at tapat.”;9

Habang nililibot nina Leah at John ang sakop ng mission, at mas inaalam kung paano tutulungan ang mga tao sa Europa, lagi nilang naiisip si Marsel. Mahirap para kay John na bisitahin ang lugar kung saan tapat na naglingkod ang kanyang anak. Gayunman, napanatag siya mula sa kanyang naranasan matapos ang pagpanaw ni Marsel, nang magparamdam ang espiritu ng binata at tiniyak sa kanya na masaya at abala ito sa gawaing misyonero sa kabilang panig ng tabing. Ang mensahe ay nagbigay kay John ng tapang na harapin ang buhay nang wala ang kanyang anak.10

Humugot din si Leah ng lakas mula sa katiyakang ito. Dati, ang pagkaalam na masayang naglilingkod si Marsel sa daigdig ng mga espiritu ay hindi sapat para makabawas sa kanyang depresyon. Ngunit binago ng misyon ang kanyang pananaw. “Ang kaalaman na ang aming anak ay abala doon tulad namin dito sa parehong dakilang layunin ay nagdagdag ng motibasyon ko na mas kumilos at maging masigasig,” ang iniliham niya isang kaibigan sa Utah. Ang pagpanaw ni Marsel ay nananatiling masakit na alaala, ngunit nakahanap siya ng pag-asa at paggaling kay Jesucristo.

“Taging ang ebanghelyo lamang ang makatutulong na makayanan ang gayong karanasan,” patotoo niya. At ngayon, ang kanyang pananampalataya sa nagpapagaling na kapangyarihan ng Panginoon ay hindi natitinag. “Nalampasan nito ang pagsubok,” isinulat niya. “Nagbubunga ito.”11


Noong mga huling araw ng Marso 1929, hinagupit ng ulan at hangin ang tahanan nina Bertha at Ferdinand Sell sa Joinville, Brazil. Para kay Bertha, dumating ang bagyo sa panahong mas malala ang sitwasyon. Sila ni Ferdinand, kapwa pangalawang henerasyong nandayuhang Aleman, ay itinataguyod ang kanilang pitong anak sa pamamagitan ng pagbebenta ng gatas sa lunsod. Dahil naaksidente si Ferdinand at hindi makapaghatid ng gatas sa kanilang mga mamimili, si Bertha ang kinailangang maghatid, umulan man o umaraw. Kailangan niyang gawin ito kahit na siya ay may hika.12

Sa araw na ito, maraming oras na naglakad si Bertha para maghatid ng gatas kahit masungit ang panahon. Pagod na siya nang umuwi, ngunit pagpasok niya sa bahay, nakita niya ang isang piraso ng pahayagan sa ibabaw ng mesa. Dinampot niya ito at itinanong, “Saan galing ang pahayagang ito?” Walang sinuman sa kanyang pamilya ang nakaaalam.

Nakaanunsyo roon na may pulong ang mga Banal sa mga Huling Araw nang gabing iyon sa Joinville. “Interesado ako! Wala pa akong narinig tungkol sa simbahang ito,” sabi niya sa kanyang asawa. “Inaanyayahan tayong lahat na pumunta roon.”

Hindi interesado si Ferdinand. “Ano ang gagawin natin sa isang pulong na pulos mga estranghero?” tanong niya.

“Pumunta tayo,” iginiit ni Bertha.

“Pagod ka na,” sabi niya. “Napakarami mo nang inilakad ngayon. Mas makabubuti para sa iyo na huwag pumunta.” Bukod pa riyan, kailangan niyang isaalang-alang ang kanyang kalusugan. Paano kung mapagod siya nang labis sa pagpunta sa pulong?

“Pero nais kong magpunta,” sabi niya. “May bumubulong sa akin na kailangan kong pumunta.”13

Sa huli ay napapayag na rin si Ferdinand, at nagpunta sila ni Bertha sa bayan kasama ang ilan sa kanilang mga anak. Ang mga kalsada ay nangangapal sa putik mula sa maghapong pag-ulan, ngunit nakarating ang pamilya sa pulong at eksaktong narinig ang mensahe ng dalawang misyonero na nagsasalita ng Aleman, sina Emil Schindler at William Heinz, tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Dumating ang mga elder sa Joinville anim na buwan na ang nakararaan kasama si Pangulong Reinhold Stoof, na bumalik sa Brazil upang magsimula ng isang branch sa lunsod.

Bagama’t tinangka ng ilang ministro sa bayan na magsalita sa mga tao laban sa kanila, mabilis na ipinagtanggol ng mga misyonero ang kanilang mga paniniwala. Namahagi sila ng mga polyeto at nagpalabas ng mga slideshow tungkol sa Simbahan na dinaluhan ng maraming tao. Nagdaos na sila ng pulong tuwing gabi at isang Sunday school para sa mga apatnapung estudyante. Gayunpaman, wala pa rin ni isang tao sa Joinville ang sumapi sa Simbahan.14

Pagkatapos ng pulong, lahat ay nagsabi ng “amen” at nilisan ang bulwagan. Habang papalabas si Bertha, bigla siyang inatake ng hika. Nagmadaling pumasok si Ferdinand sa gusali at humingi ng tulong sa mga misyonero. Kaagad na dumating sina Emil at William at binuhat si Bertha pabalik sa loob. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa ulunan nito at binigyan siya ng basbas ng priesthood. Hindi nagtagal ay nakabawi siya ng lakas at naglakad pabalik sa labas, na nakangiti.

“Nagdasal sila para sa akin.” sabi niya sa kanyang pamilya, “at bumuti na ang pakiramdam ko.”15

Tinulungan ng mga misyonero na makauwi ang pamilya, at kaagad na ipinamalita ni Bertha sa kanyang mga kapitbahay ang nangyari. “Natitiyak ko,” sabi niya sa kanyang mga kaibigan. “Ang Simbahan ay totoo.” Napakasaya niya. Nadama niya ang katotohanan ng ebanghelyo.

Kinabukasan, hinanap ni Bertha ang mga misyonero para sabihin sa kanila na gusto na niyang binyagan nila siya at ang kanyang mga anak.

Nang sumunod na dalawang linggo, binisita ng mga elder ang pamilya at itinuro sa kanila ang mga aralin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Noong una ay ayaw ni Ferdinand at ng panganay na anak na si Anita na sumapi sa Simbahan. Ngunit bininyagan nina Emil at William si Bertha at apat sa kanyang mga anak—sina Theodor, Alice, Siegfried, at Adele—noong ika-14 ng Abril sa kalapit na Ilog Cachoeira. Sila ang unang Banal sa mga Huling Araw na nabinyagan sa Brazil.

Kalaunan ay kasama na ni Bertha ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay sa pagdalo sa mga pulong, at di-nagtagal, isang branch ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang itinatag sa Joinville.16


Sa panahon ding iyon, sa Cincinnati, Ohio, ipinagbili ng simbahang Presbyterian ang isang maliit na kapilya na yari sa ladrilyo noong unang bahagi ng 1929. Halos pitumpung taon na mula nang itayo ang gusali at nasa gilid ng kalye sa hilagang dulo ng kabayanan. Bagama’t hindi kasingganda at kasinglaki ng iba pang mga simbahan o sinagoga sa lunsod, may magandang pasukan ito na paarko, ornadong tore, at malalaking bintana na nakaharap sa kalye.17

Mabilis na nakuha ng kapilya ang pansin ni Charles Anderson, ang pangulo ng Cincinnati Branch at ng kanyang mga tagapayo, sina Christian Bang at Alvin Gilliam. Tulad ng maraming branch president sa Simbahan, matagal nang nais ni Charles na makahanap ng permanenteng bahay-pulungan para sa kanyang kongregasyon. Noong panahong iyon, ang mga lider ng ward at branch sa buong Simbahan ay sabik na magtayo o bumili ng mga bahay-pulungan na may makabagong pampainit, sariling tubo ng tubig sa loob, at mga ilaw na de-kuryente. Bagama’t may masasayang alaala si Charles sa lahat ng lumang tindahan at iba pang mga paupahang bulwagan na pinagpulungan ng Cincinnati Branch sa mga nakalipas na taon, alam niya na pansamantalang tahanan lamang iyon para sa mga Banal. Hindi magtatagal, lalaki na nang husto ang branch o matatapos na ang kontrata sa pag-upa, at kakailanganin ng mga Banal na humanap ng bagong mapagpupulungan.18

Nakapapagod magpalipat-lipat. Palaging sinisikap ni Charles na makuha ang pinakamaganda, pinakakaaya-ayang bulwagang mahahanap niya. Sa loob ng maraming taon, hindi gaanong pinahahalagahan ang Simbahan sa lunsod, at may ilang tao na hayagang tumangging paupahin ang mga Banal sa mga Huling Araw. Sinikap ni Charles at ng branch na baguhin ang pananaw ng mga tao tungkol sa Simbahan sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga pulong sa kalye, pagpapalabas ng mga libreng konsiyerto at dula-dulaan, at pag-anyaya sa mga tao na sumamba kasama nila sa araw ng Linggo. Bahagyang nagtagumpay ang mga pagsisikap na ito, at naging mas madali ang paghahanap ng mga bagong bulwagang pagpupulungan. Ngunit ang madalas na paglipat-lipat sa iba’t ibang kalye ay humadlang sa kakayahan ng mga Banal na makaakit ng mga bagong miyembro.

Nang matanto ang problema, pinayuhan ng lokal na mission president si Charles na magsimulang maghanap ng permanenteng kapilya para sa mga Banal na Cincinnati. Ang branch ay kinabibilangan na ngayon ng mga pitumpung tao, karamihan sa kanila ay mga kabataang babae at lalake na nagtatrabaho sa lugar. Bago sila sa Simbahan, at marami sa kanila ang nag-iisang miyembro lamang ng Simbahan sa kanilang pamilya. Binigyan sila ng branch ng mga korum ng priesthood, Relief Society, Sunday School, Primary, at MIA para matulungan silang umunlad sa ebanghelyo. Ang kailangan lang nila ngayon ay isang tahanang mapagpupulungan.19

Matapos na mag-alok ng halaga si Charles at ang kanyang mga tagapayo para sa kapilya ng Presbyterian, dumating ang mission president sa Cincinnati at ininspeksyon ang ari-arian. Inaprubahan niya ang pagbili at nakipagtulungan kay Charles upang makakuha ng pondo mula sa punong-tanggapan ng Simbahan para sa pambili at renobasyon ng gusali.20

Samantala, nagalit ang ilang ministrong Presbyterian nang malaman nila na binibili ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kapilya. Noon, ang mga Presbyterian sa Cincinnati ay kasama sa mga namimintas at naninira sa Simbahan. Paano naatim ng kongregasyon na ipasiyang ibenta ang kapilya nito sa mga Banal?

Sinuportahan ng ilang maimpluwensyang Presbyterian sa Cincinnati ang pagbebenta, kampanteng malaman na mananatili pa ring lugar ng pagsamba ang kapilya. Ngunit tinangka ng mga ministro ang lahat ng makakaya nila upang mahadlangan ang pagbili ng mga Banal. Nang mabigo ang kanilang mga pagsisikap, hiniling nila kay Charles na kumpletuhin ang transaksyon sa pamamagitan ng isang ahente upang hindi makita sa pampublikong talaan na ipinagbili ng mga Presbyterian ang kanilang kapilya sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ikinasama ng loob ni Charles ang kahilingan, ngunit sa huli ay inayos niya ang paglipat muna ng ari-arian sa isang abogado at pagkatapos ay sa Simbahan.21

Lumipas na ang tagsibol at sumapit na ang tag-init, at nagsimula nang masabik sa paghihintay ang branch hanggang sa matapos ang renobasyon ng gusali. Ang paglalaan ng kapilya ay tiyak na isang malaking kaganapan. Sa loob lamang ng ilang buwan, ang mga Banal sa Cincinnati ay magkakaroon na ng matatawag nila na sariling lugar.22


Samantala, sa lunsod ng Tilsit sa hilagang-silangang Alemanya, ang apatnapu’t limang taong gulang na si Otto Schulzke ay isa sa mga tinawag na branch president sa lokal sa kontinente ng Europa.

Si Otto ay isang maliit na lalaki na nagtrabaho sa isang bilangguan at kilala sa pagiging istrikto.23 Noong unang bahagi ng taong iyon, mga isang buwan bago matanggap ang kanyang tawag, nasaktan niya ang damdamin ng kalahati ng mga miyembro ng branch nang nagbitaw siya ng matatalim na salita habang nagtuturo ng aralin sa MIA. May mga taong umalis sa pulong na umiiyak. Ang iba ay mapanuyang tumugon sa kanya. Ang mga misyonero, na namumuno sa branch noong panahong iyon, ay tila nayamot din sa kanya.

Sa katunayan, bago lumipat sa ibang lunsod, nag-alala ang mga misyonero na si Otto na ang magiging branch president. “Walang susuporta sa kanya,” sabi nila sa isa’t isa.24

Ngunit minaliit ng mga elder ang mas matanda at mas bihasang lalaki. Ang katapatan ng kanyang pamilya sa Simbahan ay alam ng karamihan sa lugar. Ilang taon na ang nakararaan, ang kanyang ama, si Friedrich Schulzke, ay nakarinig ng nakakatakot na mga kuwento tungkol sa mga misyonerong “Mormon,” kaya taimtim siyang nanalangin na manatiling malayo sa kanyang tahanan at pamilya ang mga ito. At nang kalaunan ay nakita niyang nakatayo sa kanyang pintuan ang mga misyonerong “Mormon,” itinaboy niya ang mga ito na gamit ang tangkay ng walis.

Di-naglaon, may nakasalubong si Friedrich na dalawang binatilyo na nagpakilala na mga misyonero mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya ay inanyayahan nila sa isang pulong, at humanga siya sa kanyang napakinggan kaya inanyayahan niya ang mga elder na mangaral sa kanyang tahanan. Gayunman, pagdating nila, nagulat siyang makita ang isa sa kanila na may dalang Aklat ni Mormon, at alam niya kaagad na kabilang sila sa mismong simbahang sinisikap niyang iwasan. Gayunpaman, atubili niyang hinayaan silang magsalita, at mayamaya pa ay alam na niya na sila ay mga sugo ng Diyos.

Pagkaraan ng isang taon, siya at ang kanyang asawang si Anna, ay sumapi sa Simbahan, at sinundan ni Otto at ng ilan sa kanyang mga kapatid ang kanilang halimbawa.25

Nang magsimula ang digmaan noong 1914, nilisan ng mga misyonero ang lugar, at si Friedrich ang naging bagong branch president. Bagama’t hindi niya taglay ang Melchizedek Priesthood, mahusay siyang naglingkod sa tungkulin. Nagtitipon ang branch sa kanyang tahanan, at sama-sama nilang pag-aaralan ang ebanghelyo at matututo tungkol sa magagandang bagay na inilaan ng Panginoon para sa kanila. Tuwing nahihirapan siya sa kanyang mga responsibilidad, luluhod siya at hihingi ng tulong sa Panginoon.26

Si Otto ay minsan ding naglingkod bilang branch president, pagkalipas agad ng digmaan. Noong panahong iyon, ang Tilsit Branch ay nagsisimula pa lang makabawi mula sa pinsala, at maraming tao ang lumayo sa Simbahan. Si Otto, na may kagaspangan ang pag-uugali, ay tila hindi pinakatamang tao na makapagpapasiglang muli sa branch, ngunit ginampanan niya ang tungkulin nang higit pa sa inaasahan. Sa kanyang unang taon bilang pangulo, dalawampu’t tatlong tao sa Tilsit ang sumapi sa Simbahan.27

Ang unang karanasan ni Otto bilang pangulo ay tumagal lamang nang ilang taon bago bumalik ang mga misyonero sa lugar at pinamahalaan ang karamihan sa mga branch. Ngayon, dahil hangad ni Elder Widtsoe na mas maitaguyod at mapamahalaan ng mga branch ang sarili, tinawag na muli si Otto at iba pang mga lokal na Banal para mamuno.28

Ngunit nanatili pa rin ang tanong: Tatanggapin ba ng mga Banal sa Tilsit ang kanyang pamumuno, tulad ng ginawa nila noon? O tututol ba sila na suportahan siya, tulad ng nakinita ng mga misyonero?

Ang branch ay maraming matatapat na Banal—humigit-kumulang animnapu ang dumadalo sa mga pulong bawat linggo—at sabik silang maglingkod sa Panginoon. Ngunit matapos pamunuan ng mga bata pang misyonero, maaaring mahirapan silang makaakma sa isang mahigpit at matandang lalaki na hindi gaanong mapagparaya sa mga walang-kabuluhan.

Bilang branch president, inasahan ni Otto na ipamumuhay ng mga Banal ang ebanghelyo. At hindi siya natatakot na sabihin ito sa kanila.29

  1. Reinhold Stoof to First Presidency, Nov. 2, 1927; Dec. 13, 1927, First Presidency Mission Files, CHL; Grover, “Sprechen Sie Portugiesisch?,” 116–17; Sharp, Oral History Interview, 7–8, 10.

  2. Melvin J. Ballard to First Presidency, June 16, 1926; Reinhold Stoof to First Presidency, Nov. 2, 1927; Nov. 16, 1927, First Presidency Mission Files, CHL; Grover, “Sprechen Sie Portugiesisch?,” 118–19, 125–27.

  3. Reinhold Stoof to First Presidency, Nov. 2, 1927; Jan. 24, 1928, First Presidency Mission Files, CHL; Grover, “Sprechen Sie Portugiesisch?,” 120.

  4. South American Mission, Manuscript History, volume 1 Feb. 29, 1928; Reinhold Stoof to First Presidency, Jan. 24, 1928, First Presidency Mission Files, CHL; Stoddard, Oral History Interview, 19–20; Grover, “Sprechen Sie Portugiesisch?,” 120. Mga Paksa: Argentina; Brazil

  5. Widtsoe, Diary, Dec. 23, 1927–Jan. 14, 1928; John A. Widtsoe to Heber J. Grant, Jan. 18, 1928, First Presidency Mission Files, CHL; Leahh Dunford Widtsoe to [Louisa] Hill, May 11, 1928; Leahh Dunford Widtsoe to Mary Booth Talmage, Oct. 30, 1929; Leahh Dunford Widtsoe to Libby Ivins, Nov. 1, 1929, Widtsoe Family Papers, CHL.

  6. Presiding Bishopric, Financial, Statistical, and Historical Reports for Stakes and Missions, volume 10, 1927; John A. Widtsoe to First Presidency, May 1, 1928, First Presidency Mission Files, CHL; Alexander, Mormonism in Transition, 243.

  7. John A. Widtsoe to First Presidency, Feb. 28, 1928; July 2, 1928, First Presidency Mission Files, CHL. Paksa: Pandarayuhan

  8. Missionary Department, Missionary Registers, 1860–1925; John A. Widtsoe to First Presidency, Feb. 28, 1928; Oct. 16, 1928; Oct. 16, 1929; Aug. 24, 1932, First Presidency Mission Files, CHL.

  9. Leah Dunford Widtsoe, “Greeting to the Sisters,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Ene. 5, 1928, 90:10–11; “Book of Mormon Studies,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Jan. 12, 1928, 90:22–23; Leah Dunford Widtsoe to Brother Morton, June 26, 1928, Widtsoe Family Papers, CHL; Doktrina at mga Tipan 97:21. Paksa: Sion/Bagong Jerusalem

  10. Widtsoe, Diary, Jan. 28–29, 1928; John A. Widtsoe to Heber J. Grant, Oct. 17, 1927, First Presidency General Administration Files, CHL; Leah Dunford Widtsoe to [Louisa] Hill, May 11, 1928, Widtsoe Family Papers, CHL.

  11. John A. Widtsoe to Heber J. Grant, Oct. 17, 1927, First Presidency General Administration Files, CHL; Leah Dunford Widtsoe to [Louisa] Hill, May 11, 1928, Widtsoe Family Papers, CHL. Paksa: Sina John at Leah Widtsoe

  12. Sell, Transcrito, 1; Brazilian Mission, History of Mission Work, [9b]; Sell, Oral History Interview, 1.

  13. Sell, Transcrito, 1; Sell, Oral History Interview, 1.

  14. Sell, Transcrito, 1; Brazilian Mission, History of Mission Work, 2–[9b]; Sell, Oral History Interview, 1–2.

  15. Sell, Oral History Interview, 2; Brazilian Mission, History of Mission Work, [9b].

  16. Sell, Oral History Interview, 2–4; Sell, Transcrito, 1; Brazilian Mission, History of Mission Work, [9b], 21. Paksa: Brazil

  17. Cincinnati Branch, Minutes, Mar. 29, 1929, 2; Fish, Kramer, at Wallis, History of the Mormon Church in Cincinnati, 55; One Hundred Years of Presbyterianism, 182; “Joseph Smith’s Prophecy of Mormon Church in Cincinnati,” Commercial Tribune (Cincinnati), Set. 16, 1929, [1].

  18. Cincinnati Branch, Minutes, Mar. 29, 1929, 1–2; Anderson, “My Journey through Life,” volume 4, 118, 124; Jackson, Places of Worship, 175, 189, 205; tingnan din sa Fish, “My Life Story,” [2].

  19. Anderson, “My Journey through Life,” volume 4, 122–23, 126–30, 133; Cincinnati Branch member entries, South Ohio District, Northern States Mission, in Ohio (State), part 2, Record of Members Collection, CHL; Williams’ Cincinnati Directory [1927–28]; Fish, “My Life Story,” [6]; Paul Bang, “My Life Story,” 7, 10.

  20. Cincinnati Branch, Minutes, Apr. 1929, 3; Noah S. Pond to Heber J. Grant, Apr. 16, 1929; Heber J. Grant to Noah S. Pond, Apr. 16, 1929; Charles V. Anderson to Heber J. Grant, Apr. 16, 1929; Heber J. Grant to Charles V. Anderson, Apr. 17, 1929, First Presidency Mission Files, CHL.

  21. Cincinnati Branch, Minutes, Apr.–June 1929, 3; Anderson, “My Journey through Life,” volume 4, 134; tingnan din, halimbawa sa, “Changes in Law of the Land,” Cincinnati Enquirer, Peb. 3, 1915, 10; “To Talk on Mormonism,” Commercial Tribune (Cincinnati), Mar. 10, 1916, 10; at “Antimormon Meeting,” Commercial Tribune, Mayo 4, 1916, 10.

  22. “News from the Missions,” Liahona, the Elders’ Journal, Mayo 14, 1929, 26:574.

  23. German-Austrian Mission, Manuscript History and Historical Reports, volume 1, May 31, 1929; Meyer at Galli, Under a Leahfless Tree, 58; Naujoks at Eldredge, Shades of Gray, 35; Clayson, Oral History Interview, 4. Ang bayan ng Tilsit, Germany, ay Sovetsk, Russia na ngayon. Paksa: Russia

  24. German-Austrian Mission, Manuscript History and Historical Reports, volume 1, May 31, 1929; Melvin O. Allen, Journal, Mar. 10 and Apr. 17, 1929; Worlton, Journal, Apr. 17, 1929.

  25. Obituary for Friedrich W. Schulzke, Der Stern, Peb. 15, 1937, 69:60–61; Schulzke, “Story of Friedrich Schulzke,” 13–14; Schulzke family entries, Tilsit Branch, Königsberg Conference, Swiss-German Mission, in Germany (Country), part 30, Record of Members Collection, CHL.

  26. Obituary for Friedrich W. Schulzke, Der Stern, Peb. 15, 1937, 69:60–61; Schulzke, “Story of Friedrich Schulzke,” 15–16; tingnan din sa Parshall, “Friedrich Schulzke,” [2].

  27. German-Austrian Mission, Branch Histories, 137–38; Tilsit Branch, Manuscript History and Historical Reports, 1914–20.

  28. Tilsit Branch, Manuscript History and Historical Reports, 1921–23; tingnan din, halimbawa sa, German-Austrian Mission, Manuscript History and Historical Reports, volume 1, May 31, 1929; July 31, 1929; Dec. 31, 1929.

  29. Naujoks at Eldredge, Shades of Gray, 29, 35; German-Austrian Mission, Branch Histories, 138; Meyer at Galli, Under a Leahfless Tree, 58; George H. Neuenschwander to Genevieve Bramwell, Sept. 16, 1931, George H. Neuenschwander Correspondence, CHL; Clayson, Oral History Interview, 4. Paksa: Germany [Alemanya]