Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 10: Bigyan Po Ninyo Ako ng Lakas


“Bigyan Po Ninyo Ako ng Lakas,” kabanata 10 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 10: “Bigyan Po Ninyo Ako ng Lakas”

Kabanata 10

Bigyan Po Ninyo Ako ng Lakas

Larawan
taong kasali sa larong high jump

Noong taglagas ng 1911, bumalik si Alma Richards sa Brigham Young University na may mithiing makasali sa 1912 Palarong Olympics sa Stockholm, Sweden. Si Alma ay dalawampu’t isang taong gulang na manlalaro ng high jump mula sa Parowan, isang maliit na bayan sa katimugang Utah. Bago nag-aral sa BYU noong nakaraang taon, halos wala siyang alam tungkol sa Olympics. Pagkatapos ay sinabi sa kanya ng kanyang coach na may posibilidad siyang makasali sa palaro.

“Kung palagian kang magsasanay sa loob ng isang taon at kalahati,” sabi niya, “makakasali ka sa koponan.”1

Noong una, inakala ni Alma na nagbibiro ang kanyang coach. Siya ay isang likas na atleta, ngunit mas matangkad siya at mas mabigat kaysa sa karamihan sa mga manlalaro ng high jump. At wala siyang gaanong karanasan o pagsasanay sa larangan. Sa halip na sumisipa tulad ng isang gunting o itinataas ang kanyang katawan nang pahalang sa mataas na baras, tulad ng karamihan sa mga manlalaro, asiwa siyang tumatalon, bumabaluktot na parang bola habang siya ay nasa ere.

Ngunit sinubukan niya kung totoo ang mga salita ng kanyang coach. Palagian siyang nagsanay at nagsimulang manguna sa mga lokal na paligsahan sa palakasan. Hindi nagtagal ay naging kampeon na siya sa buong Utah.2

Ang mga palaro ay nagiging popular sa mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo, at maraming mataas na paaralan at kolehiyo sa Utah ang nagtaguyod ng mga atletikong koponan kapwa para sa mga batang lalaki at babae. Subalit, sa loob ng maraming taon, hindi isinasama ng mga Mutual Improvement Association ang palakasan sa mga aktibidad nito. Ang MIA ng mga Young Men, sa katunayan, ay karaniwang itinutuon ang mga pulong nito sa pag-aaral ng mga paksa tungkol sa relihiyon o akademya mula sa isang manwal, na ikinalungkot ng maraming kabataang lalaki.3

Samantala, ang mga Protestanteng grupo sa Lunsod ng Salt Lake ay nagsimulang gumamit ng isang popular na gymnasium na pinangangasiwaan ng Young Men’s Christian Association, o YMCA, upang maakit ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw na sumali sa kanilang mga Sunday school. Nababahala, nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na magbigay ng mga gayon ding oportunidad. Nagsimula silang magdaos ng mga kumpetisyong pampalakasan sa taunang magkakasamang kumperensya ng MIA at hinikayat ang mga lider ng stake at ward na hayaang gamitin ng mga kabataan ang mga bulwagang pangkultura ng mga meetinghouse para sa “ehersisyong hindi masyadong nakakapagod.” Noong 1910, ang taon na pumasok si Alma sa BYU, binuksan ng Simbahan ang Deseret Gymnasium, isang tatlong-palapag na pasilidad na magagamit para sa libangan isang kanto mula sa silangan ng Temple Square.4

Dahil mas marami pa rin ang mga dumadalo sa Young Ladies MIA kaysa sa YMMIA, natanto rin ng mga lider ng Simbahan na ang kasalukuyang programa ay hindi nakapupukaw sa mga kabataang lalaki. Dumating ang pagtatanto sa gitna ng mga pagsisikap na tukuyin at linawin ang mga tungkulin ng mga auxiliary at mga korum ng priesthood ng Simbahan. Noong 1906, isang bagong tatag na “correlation committee,” na binubuo ng mga kinatawan mula sa mga auxiliary ng Simbahan, ang nagpasiya na isasama sa mga pulong ng Aaronic Priesthood ang pagtuturo ng doktrina para sa mga kabataang lalaki. Ang mga miting ng YMMIA, sa kabilang banda, ay lilinangin ang isipan at katawan ng mga batang lalaki. Nangangahulugan ito ng pagpapakilala sa marami sa mga kabataang lalaki sa palakasan at mga aktibidad sa labas.5

Si Eugene Roberts, ang coach ni Alma at ang direktor ng pisikal na pagsasanay sa BYU, ay isang respetadong tagapagtaguyod ng palakasan sa Simbahan. Tulad ng marami pang iba sa kanyang panahon, naniwala siya na ang teknolohiya at pamumuhay sa lunsod ay lubhang napakabilis na sumulong noong ikalabingsiyam na siglo, na humahadlang sa mga kabataang lalaki mula sa nagpapadalisay na impluwensya ng pisikal na aktibidad at ng natural na mundo. Ginagawang uliran ang buhay ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw, hinikayat niya ang mga kabataang lalaki na tularan ang pagkamasigasig sa trabaho at relihiyon ng mga ito.

“Walang sinumang makababasa ng tungkol sa kanilang mga pisikal na paghihirap at pagsubok sa relihiyon ang hindi mapupuspos ng paghanga,” isinulat niya noong 1911 sa isang isyu ng Improvement Era. “Ang maputlang batang lunsod, na hindi kailanman nagkampo sa disyerto, ni nakita ang kalikasan, na hindi kailanman naglakad nang matagal patungo sa mga burol, ni ‘gawin ang mga ito nang walang kaginhawahan’, ay hindi tunay na makakaintindi sa mga paghihirap ng kanyang ama.”6

Hinikayat ni Eugene at ng mga lider ng YMMIA ang Simbahan na gamitin ang isang programa na ibinatay sa bagong likhang kilusan ng Boy Scout, na nagtuturo sa mga kabataang lalaki na magkaroon ng matataas na pamantayan ng moralidad at palakasin sila sa pisikal at espirituwal sa pamamagitan ng kamping, pag-akyat sa bundok, at iba pang mga aktibidad sa labas. Isa pang tagapagtaguyod ng Scouting, ang miyembro ng lupon ng YMMIA na si Lyman Martineau, ang naghikayat sa mga lider ng kabataan na ipakilala ang mga kabataang lalaki sa pisikal na paglilibang. “Kung naorganisa at napapangasiwaan nang wasto,” pahayag niya, “ang mga aktibidad na ito ay makapagbibigay ng kapaki-pakinabang na libangan at magtataguyod ng lakas ng loob, tapang, sigasig, espirituwal at moral na layunin, at mga mapagtimping gawi.”7

Si Alma Richards mismo ay katibayan ng mga salitang ito. Ang hangarin niyang humusay sa kanyang larangan ay naghikayat sa kanya na sundin ang Word of Wisdom sa panahong hinikayat ang alituntunin ngunit hindi mahigpit na ipinapatupad sa Simbahan. Sa pag-iwas sa alak at tabako, nagtiwala siya sa pangako ng Panginoon na ang mga sumunod sa Word of Wisdom ay “tatakbo at hindi mapapagod” at “lalakad at hindi manghihina.”8

Noong tagsibol ng 1912, sinabi ni Eugene kay Alma na handa na siya para sa tryout sa Olympics. “Ikaw ay isa sa labinlimang pinakamagaling sa high jump sa mundo,” sabi niya, “at isa sa pitong pinakamahusay sa Estados Unidos.” Upang matustusan ang paglalakbay ni Alma patungo sa mga tryout, hinikayat niya ang BYU na ipagkaloob sa batang atleta ang isang malaking donasyon. Nais niyang samahan mismo si Alma ngunit wala siyang sapat na pera para sa paglalakbay.

Bago pa man umalis sa Utah, balisa at malungkot si Alma. Inihatid siya ni Eugene taglay ang mga salita ng panghihikayat at suporta. Bago sumakay si Alma sa tren, binigyan siya ni Eugene ng isang inspiradong tula upang bigyan siya ng lakas at pananampalataya sa mahihirap na panahon.9

Makalipas ang ilang linggo, ang balita ay nakarating sa Utah: nakasali si Alma sa koponan ng Olympics. Papunta na siya sa Sweden.10


Noong kalagitnaan ng 1912, mahigit apat na libong mga Banal sa mga Huling Araw na naninirahan sa hilagang Mexico ang natagpuan ang kanilang sarili sa kalagitnaan ng isang rebolusyon. Noong nakaraang taon, pinatalsik ng mga puwersa ng mga rebelde ang matagal nang pangulo ng Mexico na si Porfirio Díaz. Ngunit pagkatapos ay isa pang pag-aaklas ang naganap laban sa mga nagtagumpay na rebelde.11

Ipinahayag ni Junius Romney, ang tatlumpu’t apat na taong gulang na stake president sa hilagang Mexico, na hindi iiwanan ng mga Banal ang kanilang mga tahanan, sa kabila ng sagupaan. Mula nang magkanlong sa Mexico noong panahon ng mga pagsalakay laban sa poligamya noong dekada ng 1880, karaniwang hindi sumasali ang mga Banal sa pulitika ng Mexico. Ngunit ngayon ay maraming rebelde ang itinuturing sila bilang mga dayuhang mananakop at madalas na sinasalakay ang kanilang mauunlad na rantso ng mga baka.12

Umaasang mapapahina ang mga rebelde, pinagbawalan ng Estados Unidos ang pagbebenta ng mga sandata at bala sa Mexico. Gayunman, hinimok ni Senator Reed Smoot ang pangulo ng Estados Unidos na si William Howard Taft na magpadala ng mga karagdagang sandata sa mga Banal sa hilagang Mexico upang tumulong na maprotektahan ang kanilang mga pamayanan. Ngunit hindi nagtagal ay nalaman ng mga pinuno ng mga rebelde ang tungkol sa pagpapadala at hiniling na isuko ng mga Banal ang kanilang mga sandata.

Batid na nais ng Unang Panguluhan na pigilan ang anumang pinsala na maaaring mangyari sa mga Banal, si Junius at ang iba pang mga lider ng Simbahan sa rehiyon ay nakipag-ayos sa mga rebelde upang hayaang panatilihin ng mga Banal ang kanilang mga sandata upang maipagtanggol ang kanilang sarili. Nangako rin ang mga lider ng mga rebelde na hindi gagambalain ang mga pamayanan.13

Gayunman, noong ika-27 ng Hulyo, isang rebeldeng nagngangalang José Inés Salazar ang nagpatawag kay Junius sa kanyang punong-tanggapan kasama si Henry Bowman, isang lokal na lider ng Simbahan at negosyante. Sinabi niya kina Junius at Henry na hindi na niya mapipigilan ang mga rebelde na salakayin ang mga Banal. Nababahala, ipinaalala ni Junius sa heneral na nagbigay siya kapwa ng sinambit at nakasulat na katiyakan na hindi sasaktan ng mga rebelde ang mga pamayanan.

“Ang mga iyon ay mga salita lamang,” sabi ng heneral, “at madaling makalimutan ang mga salita.” Pagkatapos ay sinabi niya kay Junius at Henry na kailangang isuko ng mga kolonya ang kanilang mga sandata.

“Pakiramdam namin ay hindi makatwiran na isuko ang aming mga armas,” sabi ni Junius. Humigit-kumulang na dalawang libong rebelde ang naroroon sa lugar na may lima o anim na kanyon na maaari nilang gamitin laban sa mga kolonya. Kung isusuko ng mga Banal ang kanilang mga sandata, sila ay mawawalan ng pananggalang.14

Hindi natinag ang heneral, kaya ipinaliwanag ni Junius na wala siyang awtoridad na iutos sa mga Banal na isuko ang kanilang pribadong ari-arian. Nang marinig ito, lumabas si Heneral Salazar mula sa silid upang talakayin ang bagay na ito sa isa sa kanyang mga opisyal, si Koronel Demetrio Ponce.

Nang magkasarilinan sila, sinabi ni Henry, “Brother Romney, pakiramdam ko ay hindi makabubuting galitin ang heneral.” Nakita niyang nagsisiklab na sa galit si Junius, at ayaw niyang umigting pa ang tunggalian.

“Buo na ang loob ko,” sabi ni Junius. “Pagbalik ni Salazar, sasabihin ko sa kanya ang iniisip ko tungkol sa kanya kahit ikamatay ko pa ito!”

Hindi nagtagal ay bumalik si Heneral Salazar sa silid kasama si Koronel Ponce. “Malinaw na hindi ninyo naintindihang mabuti ang nais iparating sa inyo ng heneral,” sabi ng koronel, habang pinagkikiskis niya ang kanyang mga palad. “Ang nais ng heneral na inyong gawin ay imungkahi lang sa kanila ang gayong pagkilos at gagawin nila ito!”

“Hindi ako gagawa ng gayong mungkahi,” sabi ni Junius. Alam niya na madarama ng mga Banal na ipagkakanulo sila kung hihilingin niya sa kanila na isuko ang kanilang tanging pananggalang.

“Maliban na lamang kung ang inyong mga baril at bala ay dadalhin rito sa akin nang alas-diyes ng umaga bukas,” babala ni Heneral Salazar, “lulusubin namin kayo.”

“Iyan ba ang inyong ultimatum?” tanong ni Junius.

“Iyan ang aking ultimatum!” sabi ng heneral. “Hahayo ako at kukunin ang mga baril saanman ako makarating para makuha ang mga ito.”

Nagulat si Junius na handang salakayin ng heneral ang mga pamayanan nang walang pagpipigil. “Sasalakayin ninyo ang aming mga tahanan at aagawin ang aming mga baril?” sabi niya.

“Ituturing namin kayo bilang aming mga kaaway,” sabi ni Heneral Salazar, “at kaagad kaming magdedeklara ng digmaan laban sa inyo.”15


Nang gabing iyon sa Colonia Juárez, isa sa mas malalaking pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Mexico, nakikinig ang labimpitong taong gulang na si Camilla Eyring habang inilalarawan ng kanyang ama ang panganib na nagbabadya sa kanyang pamilya.

Sinasamsam ng mga rebelde ang mga sandata ng mga Banal at iniiwan silang walang kalaban-laban, sabi niya, kaya nagpasiya ang mga lider ng Simbahan na ilikas ang mga kababaihan, mga bata, at matatanda mula sa mga pamayanan. Maglalakbay sila nang 240 kilometro patungong El Paso, Texas, sa bandang hilaga ng hangganan ng Estados Unidos. Mananatili ang mga lalaki upang protektahan ang mga bahay at mga alagang hayop.16

Ang Colonia Juárez ang tanging tahanang nakilala ni Camilla. Tatlong henerasyon ng kanyang pamilya ang nakatira sa mga kolonya sa Mexico matapos lumipat doon ang kanyang mga lolo upang takasan ang pag-uusig na dulot ng pag-aasawa nang marami. Simula noon, ang Colonia Juárez ay lumago bilang isang komunidad ng napakaraming pamilya ng mga Banal sa mga Huling Araw, na may magagandang taniman ng mansanas at magagarang gusaling yari sa ladrilyo.

Si Camilla ang panganay sa labing-isang anak. Ang kanyang ama, ang asawa ng dalawang babae, ay nangangasiwa ng isang malaking rantso ng mga baka kung saan siya ay minsang tumutulong upang gumawa ng keso. Umupa ng mga katutubong Mehikano ang kanyang ama, at natutuhan ni Camilla na mahalin ang mga pamilya ng mga ito. Nag-aral siya kasama ang kanyang mga kaibigan sa malaking paaralan ng Juárez Academy, kung saan siya natuto kapwa ng wikang Ingles at Espanyol. Kapag mainit ang panahon ay isusuot niya ang isa sa mga luma niyang damit at kasama ang kanyang mga kaibigan ay pupunta sa isang maliit na languyan ng Ilog Piedras Verdes. Ngayon, habang naghahanda siyang lisanin ang kanyang tahanan, hindi niya tiyak kung kailan—o kung—makakabalik siya.17

Bawat miyembro ng pamilya ay nag-impake lamang ng mailalagay sa iisang baul. Ang iba pa ay kinailangan nilang itago mula sa mga rebelde. Itinago ni Camilla ang kanyang mga papel sa paaralan at iba pang mahahalagang bagay sa mga lugar na mahirap hanapin sa bahay. Samantala, tinuklap ng kanyang ama ang mga sahig ng balkon sa harapan ng bahay at itinago ang 94 litro ng blackberry, na pinagtulungang ibote nina Camilla, kanyang mga kapatid, at kanilang ina noong araw na iyon. Ang mamahaling kubyertos, lino, at pinggan ng pamilya ay itinago sa bodega sa itaas ng bahay [attic].18

Kinaumagahan, noong ika-28 ng Hulyo, isinakay ng pamilya ang kanilang baul sa isang karwahe at naglakbay nang 16 na kilometro papunta sa pinakamalapit na istasyon ng tren. Napakaraming iba pang pamilya ang naghintay sa labas ng istasyon, bitbit sa magkabilang bisig ang mga balutan at maleta. Sa di-kalayuan, isang grupo ng mga rebelde na nakakabayo ang nakahanay, hawak-hawak ang kanilang mga baril at bayoneta.

Nang dumating ang tren, nagsiksikan ang mga Banal sa pagsakay sa mga bagon. Ipinadala ng isang kumpanya ng tren ang lahat ng magagamit na bagon para tumulong sa paglikas. Ang ilang bagon ay walang bintana o maruruming karwahe ng baka. Si Camilla, ang kanyang ina, at kanyang mga kapatid ay inilagay sa isang bagon para sa mga pangatlong-klaseng pasahero. Hawak nang mahigpit ang kanilang mga balutan at gamit sa higaan, nagsiksikan sila sa matitigas na bangko. Matindi ang init ng tag-araw na iyon, at nagliliparan ang mga langaw sa paligid nila. Pakiramdam ni Camilla ay para siyang sardinas sa loob ng isang lata.19

Hindi nagtagal ay nilisan ng tren ang istasyon at nagtungo sa hilaga patungong Colonia Dublán, ang pinakamalaking pamayanan ng mga Banal sa lugar, upang kumuha ng mas maraming pasahero. Nang nakasakay na sa tren ang mga Banal na taga-Dublán, umabot na ng mga isang libo ang mga pasahero. Mataas na pinagpatung-patong ang mga bagahe sa mga bagon.

Naglakbay ang tren patungong hilagang-silangan buong maghapon at buong magdamag. Ang ilang bahagi ng riles ng tren ay napinsala sa rebolusyon, kaya kinailangang ubod nang bagal lamang ang pag-usad ng tren. Takot na takot si Camilla na baka pahintuin ng mga rebelde ang tren at nakawan ang mga pasahero.

Ligtas na nakarating ang tren sa El Paso habang sumisikat ang araw. Sa istasyon ng tren, sinalubong ng mga residente ng lunsod ang mga Banal dala ang mga kotse at trak at inihatid sila sa bayan patungo sa isang bakanteng tablerya na inihanda para sa mga lumikas. Si Camilla at ang kanyang pamilya ay dinala sa isang malaki at maalikabok na kural na may ilang kuwadra kung saan maaaring manatili ang mga pamilya. Nagtungo sa isang kuwadra ang pamilya ni Camilla at nagsampay ng mga kumot upang hindi sila makita ng lahat. Isang nakasusulasok na amoy ang malalanghap sa buong lugar. Nasa lahat ng dako ang nakapakaraming langaw.

Patuloy na nagdatingan sa tablerya ang mga tao mula sa mga pamayanan, at nagpunta ang mga mamahayag at retratista upang kapanayamin sila at kunan ng mga retrato. Nagpunta rin sa tablerya ang mga tagaroon mula sa bayan. Ang ilan ay nag-alok ng tulong, samantalang ang iba naman ay sumilip sa mga kampo para makita ang mga Banal.

Napahiya si Camilla. “Parang mga unggoy lamang kami na nasa loob ng kulungan,” naisip niya.20


Sumakit ang mga mata ni Alma Richards nang tumingin siya sa baras ng high jump. Iyon ang ikatlong araw ng 1912 Olympics. Ang sikat ng araw sa bagong stadium ng Stockholm na yari sa kulay tsoklateng ladrilyo ay lubhang nakasisilaw, na lalong nagpapasakit sa impeksyon sa mata ni Alma na idinaraing niya nang ilang linggo na. Kapag hindi siya tumatalon, nagsusuot siya ng isang luma at pisang sumbrero upang ikubli ang kanyang mga mata. Subalit ngayon ay siya na muli ang tatalon, pumunta siya sa gilid ng field at inihagis ang kanyang sumbrero sa damuhan.21

Ang kumpetisyon ng patakbong high jump ay nagsimula nang may halos animnapung atleta mula sa maraming bansa. Tanging siya na lamang at isang Aleman na jumper na nagngangalang Hans Liesche ang natira. Si Hans ang pinakamahusay na jumper na nakita ni Alma. Walang hirap itong nakatatalon, nagagawa ang bawat isa sa kanyang mga talon sa unang subok. Si Alma, sa kabilang banda, ay buong maghapong nahihirapang talunin ang baras. Ngayon, ang baras ay itinaas na nang halos 193 sentimetro, mas mataas kaysa sa itinalon ninuman sa paligsahan sa Olympics. Walang sinuman, kahit ang mga kasama ni Alma sa koponan, ang umasang matatalon niya ang baras.22

Habang naghahandang tumalon si Alma, magulo ang kanyang isipan. Naroon siya, kumakatawan sa kanyang bansa sa pinakamalaking atletikong paligsahan sa mundo. Subalit nadama niyang nanghihina siya, na para bang ang buong mundo ay nakapasan sa kanyang mga balikat. Naisip niya ang Utah, ang kanyang pamilya, at ang kanyang bayang sinilangan. Naisip niya ang BYU at ang mga Banal. Yumuko siya, tahimik na hiniling sa Diyos na bigyan siya ng lakas. “Kung nararapat na manalo ako,” dalangin niya, “gagawin ko ang lahat upang magpakita ng mabuting halimbawa sa lahat ng araw ng aking buhay.”23

Pag-angat niya ng kanyang ulo, nadama niyang nawala ang kanyang kahinaan. Itinuwid niya ang kanyang mga balikat, naglakad papunta sa panimulang linya, at yumukod sa tamang posisyon. Pagkatapos ay mabilis siyang tumakbo at tumalon pataas, hawak ang kanyang mga binti, ang kanyang mga tuhod ay humahalik sa ilalim ng kanyang baba. Mabilis na sumulong ang kanyang katawan at naglayag nang ilang pulgada ang taas sa baras.

Sa tabi, tila biglang kinabahan si Hans Liesche habang naghahanda siya sa kanyang pagtalon. Tumakbo si Alma nang pabilog nang ilang ulit upang panatilihing matatag ang kanyang mga binti. Kung matatalon ni Hans ang baras, tulad ng nasisiguro ni Alma na magagawa nito, itataas pang muli ang baras, at kailangang tumalon muli si Alma.

Nang sinimulan ni Hans ang kanyang unang talon, bumagsak siya sa baras at inilaglag ito sa lupa. Nadismaya, bumalik siya sa field at tumalon sa ikalawang pagkakataon. Muli, natanggal niya ang baras sa mga talasok nito.

Napapansin ni Alma na nawawalan ng kumpiyansa ang kanyang kalaban. Habang naghahanda si Hans para sa kanyang huling pagtatangka, isang pistol ang nagpaputok sa kalapit na lugar, na nagsisilbing hudyat ng simula ng isang karera. Hinintay ni Hans ang mga mananakbo na makatawid sa katapusang linya at pagkatapos ay naghandang tumalon. Gayunman, bago pa niya nagawa ito, nagsimulang magpatugtog ang isang banda, at tumanggi siyang magsimula. Sa huli, pagkaraan ng siyam na minuto, isang opisyal ang inudyukan siyang magmadali. Walang ibang maaaring gawin na kundi ang tumalon, pasulong na tumalon si Hans at inihagis ang kanyang sarili sa hangin.

Muli, nabigo siyang matawid ang baras.24

Napuno ng galak si Alma. Tapos na ang kompetisyon. Napanalunan niya ang gintong medalya at nakapagtakda ng rekord sa Olympics. Lumapit si Hans at buong-puso siyang binati. Hindi nagtagal ay sumama ang iba sa papuri. “Inilagay mo ang Utah sa mapa,” sabi ng isang lalaki.

Si James Sullivan, isang opisyal sa koponang Amerikano sa Olympics, ay lalong hinangaan ang pagiging kalmado ni Alma sa gitna ng mga hamon at makabuluhang pamumuhay. “Sana magkaroon tayo ng daan-daang disenteng atletang tulad mo sa koponan natin,” sabi niya.25

Sa loob ng ilang araw, pinuri ng mga pahayagan sa buong Estados Unidos ang tagumpay ni Alma, at sinabing bahagi ng kanyang tagumpay ang kanyang relihiyon. “Tinawag nila ang nanalo ng great jump bilang ‘higanteng Mormon,’ at karapat-dapat siya sa tawag na ito,” isinulat ng isang mamahayag. “Siya ay isang atletang nagtagumpay sa kanyang sariling pagsisikap, at ang kanyang pagwawagi ng pagkilala sa mundo ay nangyari pagkaraan ng maraming taon ng pagsisikap at determinasyong namana mula sa mga lalaking nagtatag ng relihiyong Mormon at nagpamukadkad ng disyerto.”26

Samantala, tinukso si Alma ng isa sa kanyang mga kaibigan tungkol sa pagdarasal bago siya tumalon. “Sana ay hindi ka tumawa,” tahimik na sagot ni Alma. “Ipinagdasal ko sa Panginoon na bigyan ako ng lakas na talunin ang baras iyon, at nakatalon ako.”27


Noong ika-15 ng Agosto 1912, inasikaso nina Jovita at Lupe Monroy ang tindahan ng kanilang pamilya sa San Marcos, Hidalgo, Mexico. Ang munting bayan ay matatagpuan sa sentro ng bansa, malayo sa karahasan ng rebolusyon sa hilaga. Nang araw na iyon, dalawang Amerikanong binata na maayos ang pananamit ang pumasok sa tindahan, bumili ng soda, at magalang na tinanong sa magkapatid kung alam nila kung saan nakatira si Señor Jesús Sánchez.

Kilalang-kilala ng magkapatid ang matandang lalaki, at sinabi nila sa mga bisita ang direksyon papunta sa bahay nito. Dahil hindi Katoliko si Señor Sánchez, may ilang tao sa bayan na ilang sa kanya. Ngunit kaibigan niya sina Rafael, Jovita at kuya ni Lupe.

Kalaunan, nang mabigyan ng pagkakataon ang magkapatid na kausapin si Señor Sánchez, tinanong nila kung sino ang mga binata.

“Sila ay mga misyonero,” sagot niya. Mga tatlumpung taon na ang nakararaan, sumapi siya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit ang mission ng Simbahan sa gitnang Mexico ay hindi malalim ang pagkakatatag, sa kabila ng magandang simula nito, at nagsara wala pang isang dekada matapos ang kanyang binyag. Muling binuksan ang mission, at mahigit 1,600 na mga Mehikanong Banal ang nakatira ngayon sa rehiyon. Ang mga misyonero ay naglalakbay sa kanayunan upang hanapin ang matatagal nang mga miyembro ng Simbahan na katulad niya.28

“Kapag muling pumarito ang mga misyonero,” sabi ng magkapatid kay Señor Sánchez, “mangyaring dalhin po ninyo sila sa bahay namin para makapagtanong kami sa kanila.”

Makalipas ang ilang buwan, nagpunta si Señor Sánchez sa tindahan at ipinakilala sina Jovita at Lupe sa dalawang misyonero, sina Walter Ernest Young at Sith Sirrine. Bilang mga Katoliko, maraming tanong ang magkapatid kung paano naiiba ang mga paniniwala ng mga elder sa kanila. Nais nilang malaman lalo na kung bakit hindi naniniwala ang mga misyonero sa pagbibinyag ng mga sanggol. Hinayaan ni Señor Sánchez na hiramin ng magkapatid ang kanyang Biblia upang marami pa silang mabasa tungkol sa mga alituntuning itinuro ng mga misyonero. Pagkatapos, tuwing may libreng oras sina Jovita at Lupe, pinag-aaralan nila ang mga pahina nito.29

Noong Marso 1913, nagkasakit si Señor Sánchez. Tinulungan ng magkapatid na Monroy ang kanyang pamilya na alagaan siya. Sa paglala ng kanyang kalagayan, pinapunta nina Jovita at Lupe ang mga misyonero upang basbasan siya, ngunit naglilingkod sila sa ibang bayan at hindi kaagad makarating. Pagdating nila, pumanaw na si Señor Sánchez. Ang mga elder ay nagdaos ng burol para sa kanya at nangaral ng isang mensahe tungkol sa pagkabuhay na mag-uli. Mga labindalawang tao ang dumalo sa burol, kabilang na ang balo na ina nina Jovita at Lupe, si Jesusita Mera de Monroy, na inanyayahan ang mga misyonero na maghapunan kasama ang pamilya nang gabing iyon.

Hindi masaya si Jesusita na patuloy na nakikipag-usap ang kanyang mga anak na babae sa mga misyonero, lalo na nang tumigil sina Jovita at Lupe sa pagdalo sa Misa. Sa gabi, hinihiling niya sa Diyos na pigilan ang mga misyonero sa pagpunta sa San Marcos upang hindi nila iligaw ang kanyang mga anak na babae. Ngunit noong hapunan, mabait niyang pinakitunguhan ang mga misyonero. Bago sila kumain, itinanong ng isa sa mga misyonero kung maaari itong magbigay ng basbas. Pumayag si Jesusita, at naantig siya sa panalangin nito. Pagkatapos kumain, inawit ng mga elder ang himnong “Aking Ama,” na lalo pang nagpaantig sa kanya.30

Makalipas ang dalawang buwan, isinama ni Lupe ang kanyang mga nakatatandang kapatid na sina Rafael at Natalia sa isang kumperensya ng mga Banal malapit sa Lunsod ng Mexico, kung saan mas matatag ang Simbahan. Mga isandaang tao ang dumalo sa kumperensya.

Narinig ng magkakapatid ang mga mensahe tungkol sa kapayapaan at kapatiran, ang Espiritu Santo, apostasiya, at ang Panunumbalik. Nakilala rin nila ang mission president na si Rey L. Pratt, na lumaki sa mga pamayanan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa hilagang Mexico. Pinahanga ng kumperensya ang mga Monroy. Bago bumalik sa San Marcos, nanaginip si Rafael na ipinangangaral niya ang lahat ng natutuhan niya sa pulong.

Ilang linggo matapos ang kumperensya, binisita nina Pangulong Pratt at Elder Young ang mga Monroy sa San Marcos. Nag-ukol sila ng isang araw kasama ang pamilya, nagpapahinga sa kanilang mga tahanan at nakikinig sa magkakapatid na magpagtugtog ng musika. Noong gabi, nangaral si Elder Young tungkol sa pagbibinyag, at nagsalita si Pangulong Pratt tungkol sa mga unang alituntunin at mga ordenansa ng ebanghelyo.

Kinabukasan, ika-11 ng Hunyo 1913, pumayag sina Jovita, Lupe, at Rafael na magpabinyag. Upang maiwasan ang pagtuon ng pansin ng mapaghinalang mga kapitbahay, sinamahan ng magkakapatid sina Pangulong Pratt at Elder Young sa isang tagong kakahuyan sa kalapit na ilog. Doon ay nakakita sila ng lugar sa ilog na hanggang balikat ang lalim kung saan maaari nilang isagawa ang ordenansa.

Matapos ang mga pagbibinyag, kinumpirma nina Pangulong Pratt at Elder Young ang magkakapatid sa pampang ng ilog. Kinunan ng litrato ni Pangulong Pratt ang grupo kasama si Elder Young, at lahat ay bumalik sa bayan upang maghapunan.

Napakasaya ng araw na iyon.31

  1. Alma Richards, Statement, Oct. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; Alma Richards, “Alma W. Richards, Olympic Champion,” Salt Lake Herald-Republican, Ago. 25, 1912, seksyon ng palakasan, [1]; Eugene L. Roberts, “Something about Utah’s Great Athlete,” Salt Lake Evening Telegram, Hulyo 13, 1912, 16. Ang sipi ay binago upang madali itong basahin; nakasaad sa orihinal na pinagkukunan ay “Ipinangako ko sa kanya na kung patuloy siyang magsasanay sa loob ng isa’t kalahating taon ay makakasali siya sa koponan.” Paksa: Sweden

  2. Alma Richards, Statement, Oct. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; Alma Richards, “Alma W. Richards, Olympic Champion,” Salt Lake Herald-Republican, Ago. 25, 1912, seksyon ng palakasan, [1]; Eugene L. Roberts, “Something about Utah’s Great Athlete,” Salt Lake Evening Telegram, Hulyo 13, 1912, 16; Gerlach, Alma Richards, 32–38.

  3. Szymanski, “Theory of the Evolution of Modern Sport,” 1–32; Young Men’s Mutual Improvement Association, Board Minutes, Jan. 30, 1907; Feb. 20, 1907; Mar. 20, 1907; Apr. 17 and 24, 1907; May 1, 1907.

  4. Mead, “Denominationalism,” 305; Young Men’s Mutual Improvement Association, Board Minutes, Dec. 18, 1907; Feb. 26, 1908; Mar. 10 at 30, 1910; Sept. 7 and 21, 1910; Kimball, Sports in Zion, 58–63, 66–68, 101. Kalaunan ay inilipat ang Deseret Gymnasium sa kalye sa hilaga ng Temple Square.

  5. Young Men’s Mutual Improvement Association, Board Minutes, Jan. 30, 1907; July 29, 1907; Dec. 2, 1908. Mga Paksa: Mga Organisasyon ng Young Men; Mga Organisasyon ng Young Women; Correlation

  6. Eugene L. Roberts, “The Boy Pioneers of Utah,” Improvement Era, Okt. 1911, 14:1084–92; Lears, No Place of Grace, 66–83; Putney, Muscular Christianity, 1–10.

  7. Young Men’s Mutual Improvement Association, Board Minutes, Nov. 29, 1911; Eugene L. Roberts, “The Boy Pioneers of Utah,” Improvement Era, Okt. 1911, 14:1090–92; Lyman R. Martineau, “Athletics,” Improvement Era, Set. 1911, 14:1014–16; Lyman R. Martineau, “M. I. A. Scouts,” Improvement Era, Mar. 1912, 15:354–61; tingnan din sa Kimball, Sports in Zion, 125–45. Ang sipi ay binago upang madali itong basahin; idinagdag ang huling “at”.

  8. Alexander, Mormonism in Transition, 273–76; “Alma Richards—His Record and Testimony,” Improvement Era, Nob. 1942, 45:731; “‘Mormon Giant’ Writes to E. L. Roberts,” Provo (UT) Herald, Hulyo 26, 1912, 1; Doktrina at mga Tipan 89:18–21; Kimball, Sports in Zion, 115–16. Paksa: Word of Wisdom

  9. Alma Richards, Statement, Oct. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; Eugene L. Roberts, “Something about Utah’s Great Athlete,” Salt Lake Evening Telegram, Hulyo 13, 1912, 16. Ang sipi ay binago upang madali itong basahin; ang “Sinabi sa akin ni G. Roberts noong Tagsibol ng 1912 na isa ako sa 15 na pinakamagaling” na nasa orihinal ay pinalitan ng “Isa ka sa labinlimang pinakamagaling.”

  10. “B.Y.U. Athlete Member of American Team,” Provo (UT) Herald, Hunyo 12, 1912, 1; “Beaver Boy on American Team,” Salt Lake Tribune, Hunyo 11, 1912, 9; “Utah Boy on Olympic Team,” Evening Standard (Ogden, UT), Hunyo 11, 1912, 6.

  11. Tullis, Mormons in Mexico, 87–91; Garner, Porfirio Díaz, 218–20; Gonzales, Mexican Revolution, 73–111.

  12. First Presidency to Reed Smoot, Feb. 27, 1912; First Presidency to Junius Romney, Mar. 13, 1912, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 49; Junius Romney to First Presidency, Feb. 6, 1912, First Presidency, Joseph F. Smith Stake Correspondence, CHL; Hardy at Seymour, “Importation of Arms and the 1912 Mormon ‘Exodus’ from Mexico,” 297, 299–300.

  13. Hardy at Seymour, “Importation of Arms and the 1912 Mormon ‘Exodus’ from Mexico,” 298–306; Romney, “Junius Romney and the 1912 Mormon Exodus,” 231–42; Stover, “Exodus of 1912,” 45–69; First Presidency to Junius Romney, Mar. 13, 1912, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 49.

  14. Romney, Affidavit, 28–29. Ang sipi ay binago upang madali itong basahin; ang “hindi namin nadama ang katarungan” sa orihinal ay pinalitan ng “hindi kami nakadama ng katarungan.”

  15. Romney, Affidavit, 28–31; Romney, Special Tributes, 12–14. Mga Paksa: Mexico; Mga Kolonya sa Mexico

  16. Junius Romney to Joseph F. Smith, Telegram, Aug. 7, 1912, First Presidency, Joseph F. Smith Stake Correspondence, CHL; Kimball, Oral History Interview, 22; Kimball, Autobiography, 10; Miner at Kimball, Camilla, 1, 28, 30; Mexico Northwestern Railway Company, Road to Wealth, [2].

  17. Miner at Kimball, Camilla, 1–3, 15–17, 21, 25, 28; Hatch, Colonia Juárez, 44–45, 159–60, 243–51; Romney, Mormon Colonies in Mexico, 93–94, 142–43.

  18. Kimball, Oral History Interview, 22; Kimball, Autobiography, 10; Miner at Kimball, Camilla, 6, 12–13, 28; Eyring, Autobiography, 23.

  19. Kimball, Autobiography, 10; Kimball, Oral History Interview, 22; Miner at Kimball, Camilla, 28–30; Brown, “1910 Mexican Revolution,” 28–29.

  20. Kimball, Autobiography, 10–11; Kimball, Oral History Interview, 22–23; Miner at Kimball, Camilla, 30–31; Kimball, Writings of Camilla Eyring Kimball, 38; “Collection of Stories and Events in the Life of Anson Bowen Call,” 13.

  21. “‘Mormon Giant’ Writes to E. L. Roberts,” Provo (UT) Herald, Hulyo 26, 1912, 1; Alma Richards, Statement, Oct. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; “Memories of the Last Olympic Games,” Literary Digest, Hulyo 3, 1920, 66:98; “Horine Can’t Jump,” Salt Lake Evening Telegram, Ago. 19, 1912, 10; Bergvall, Fifth Olympiad, 178–87, 392–93; Gerlach, Alma Richards, 56, 140.

  22. “‘Mormon Giant’ Writes to E. L. Roberts,” Provo (UT) Herald, Hulyo 26, 1912, 1; Alma Richards, Statement, Okt. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; “Memories of the Last Olympic Games,” Literary Digest, Hulyo 3, 1920, 66:98; Sullivan, “What Happened at Stockholm,” 30; “Horine Can’t Jump,” Salt Lake Evening Telegram, Ago. 19, 1912, 10; Paul Ray, “Utah’s Big Athlete Talks of Olympiad,” Salt Lake Tribune, Ago. 20, 1912, 9; Bergvall, Fifth Olympiad, 392–94.

  23. Alma Richards, Statement, Oct. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; “Memories of the Last Olympic Games,” Literary Digest, Hulyo 3, 1920, 66:98.

  24. Alma Richards, Statement, Oct. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; “Memories of the Last Olympic Games,” Literary Digest, Hulyo 3, 1920, 66:98; Sullivan, “What Happened at Stockholm,” 30; Bergvall, Fifth Olympiad, 394.

  25. Bergvall, Fifth Olympiad, 393; Alma Richards, Statement, Oct. 14, 1954, Alma Richards Papers, BYU; “‘Mormon Giant’ Writes to E. L. Roberts,” Provo (UT) Herald, Hulyo 26, 1912, 1; Paul Ray, “Utah’s Big Athlete Talks of Olympiad,” Salt Lake Tribune, Ago. 20, 1912, 9.

  26. “Puny Lad Becomes World’s Best Jumper,” Pittsburgh Press, Hulyo 12, 1912, 23; “Puny Lad Becomes World’s Best Jumper,” Wichita (KS) Beacon, Hulyo 12, 1912, 4; “Something about the Unknown Who Won the Olympic High Jump,” Sacramento Star, Hulyo 13, 1912, 9.

  27. Paul Ray, “Utah’s Big Athlete Talks of Olympiad,” Salt Lake Tribune, Ago. 20, 1912, 9; “‘Mormon Giant’ Writes to E. L. Roberts,” Provo (UT) Herald, Hulyo 26, 1912, 1; “Memories of the Last Olympic Games,” Literary Digest, Hulyo 3, 1920, 66:98.

  28. Monroy, History of the San Marcos Branch, 7–[7b]; Tullis, Martyrs in Mexico, 91; Tullis, “Reopening the Mexican Mission in 1901,” 441–53.  

  29. Monroy, History of the San Marcos Branch, 7–[7b]; Villalobos, Oral History Interview, 2; Tullis, Martyrs in Mexico, 20–21. Ang isinaling sipi ay binago upang madali itong basahin; ang “pumunta” sa orihinal ay pinalitan ng “pumupunta,” ang “kanilang bahay” ay pinalitan ng “aming bahay,” at “magagawa nila” ay pinalitan ng “magagawa natin.”

  30. Monroy, History of the San Marcos Branch, 8–[9b]; Villalobos, Oral History Interview, 2–3; Tullis, Martyrs in Mexico, 22–25; Walter Young, Diary, Mar. 30, 1913.

  31. Monroy, History of the San Marcos Branch, [9b]–[10b]; Villalobos, Oral History Interview, 3; Tullis, Martyrs in Mexico, 25–32; Walter Young, Diary, May 24, 1913, and June 10–11, 1913; Diary of W. Ernest Young, 98–99.