Pangkalahatang Kumperensya
At Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2025


14:27

At Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Tayo ay mga alagad ni Jesucristo, at hangad nating kapwa matanggap at maibahagi ang Kanyang liwanag.

Pambungad

Sa pagtatapos ng isang mahabang assignment sa ibang bansa, pumasok kami ng asawa kong si Lesa sa isang airport terminal upang maghanda para sa isa pang flight—na madaling-araw—para makauwi. Habang nakatayo kami kasama ang maraming iba pa na paisa-isang humahakbang sa mahahabang pila, dama namin ang tumitinding pagkabalisa ng kapwa mga manlalakbay na nag-aalala tungkol sa pagsakay sa eroplano, pagdaan sa passport at visa review, at matagumpay na pagdaan sa mga security check.

Sa wakas ay nakarating kami sa isang istasyon na okupado ng isang customs officer na tila hindi apektado ng matitinding stress at pagkabalisa sa silid. Halos mekanikal at hindi tumitingin na kinuha niya ang aking mga dokumento, kinumpirma kung ako nga ang nasa retrato, tiningnang isa-isa ang bawat pahina, at tinatakan nang mariin ang passport ko.

Pagkatapos ay kinuha niya ang mga papeles ni Lesa. Walang emosyon, habang nakayuko at nakatuon sa kanyang ginagawa, binuklat niya ang bawat pahina nang may matalas na mata, na nakatuon sa mga detalye ng mga dokumentong nasa kanyang harapan. Medyo nagulat kami nang bigla siyang tumigil, nag-angat ng ulo, at sinadyang tingnan si Lesa sa mata sa isang sadya at magiliw na tingin. Nang may magiliw na ngiti, malumanay niyang tinatakan ang passport ni Lesa at ibinalik ang mga dokumento. Nginitian din siya ng asawa ko, tinanggap ang mga dokumento, at masaya silang nagpaalaman.

Ano ang nangyari?” tanong ko na takang-taka.

Pagkatapos ay ipinakita sa akin ni Lesa ang nakita ng officer—isang maliit na card na may larawan ng Tagapagligtas. Hindi sinasadyang nahulog ito mula sa pitaka ni Lesa at nasingit sa kanyang passport. Ito ang nakita ng customs officer. Ito ang nagpabago sa buong pagkilos niya.

Larawan ng Tagapagligtas sa loob ng isang passport.

Grace and Truth [Biyaya at Katotohanan], ni Simon Dewey, sa kagandahang-loob ng altusfineart.com, © 2025, ginamit nang may pahintulot

Ang maliit na larawang ito ng Tagapagligtas ay nag-ugnay sa puso ng dalawang taong hindi magkakilala. Ginawa nitong personal ang hindi personal, na nagpamalas ng kagandahan, himala, at katotohanan ng Liwanag ni Jesucristo. Sa natitirang oras ng araw na iyon at madalas simula noon, pinagnilayan ko na nang may pagkamangha ang magiliw at simpleng sandaling iyon at nagalak ako sa maluwalhating epekto ng Liwanag ni Cristo sa mga anak ng Diyos.

Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo

Tayo ay mga alagad ni Jesucristo, at hangad nating kapwa matanggap at maibahagi ang Kanyang liwanag. Ipinahihiwatig sa pangalan ng Simbahan ang ating teolohiya na “si Cristo Jesus [mismo] ang batong panulok.” Sa pamamagitan ng mga sinauna at buhay na propeta, inutusan tayo ng ating Ama sa Langit na “Pakinggan Siya!” at “lumapit kay Cristo.” “At nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, [at] nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo.”

Itinuturo natin na si Jesucristo ang Anak ng Diyos at sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa, itinuro ni Jesus ang Kanyang ebanghelyo at itinatag ang Kanyang Simbahan.

Pinatototohanan natin na sa pagtatapos ng Kanyang buhay, nagbayad-sala si Jesus para sa ating mga kasalanan nang Siya ay magdusa sa Halamanan ng Getsemani, ipako sa krus, at mabuhay na mag-uli pagkatapos.

Nagagalak tayo na dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas, maaari tayong mapatawad at malinis mula sa ating mga kasalanan kapag tayo ay nagsisi. Maghahatid ito sa atin ng kapayapaan at pag-asa habang ginagawa nitong posible na makabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos at makatanggap ng lubos na kagalakan.

Si Cristo at si Maria sa tabi ng libingan.

Ipinopropesiya natin na dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus, hindi kamatayan ang wakas kundi isa itong mahalagang hakbang pasulong. “Tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos nating mamatay. Ibig sabihin nito, ang espiritu at katawan ng bawat tao ay magsasamang muli at mabubuhay nang walang hanggan.”

Lumapit kay Cristo

Ang mga buhay na propeta sa ating panahon—na tumatanggap ng paghahayag mula sa Diyos upang turuan at akayin tayo—ay lalong nag-aanyaya sa atin na lumapit kay Cristo. Tinutulungan nila tayo na mas lubos na isentro ang ating puso, tainga, at mata sa Kanya. Maaari nating banggitin ang maraming halimbawa ng mga pagbabago at pagsasaayos na inihayag ng Unang Panguluhan na nilayon upang ituon tayo kay Jesucristo. Kasama sa ilan sa mga ito:

  • Ang desisyon na itigil na ang paggamit ng pangalang “Simbahang Mormon” at palitan ito ng tamang pangalan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  • Ang pagkakaroon ng bago at inspiradong sining na may tema tungkol kay Cristo para idispley sa mga meetinghouse.

  • Ang mga tema at musika ng Young Women at Aaronic Priesthood ay nakatuon kay Jesucristo, tulad ng “Disipulo ni Cristo” at “Asahan si Cristo.”

  • Mas nagbibigay-diin sa Pagbabayad-sala at literal na Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo bilang pinakamaluwalhating mga kaganapan sa kasaysayan.

  • Ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ay isang panahon at hindi lamang isang pista-opisyal, na nakatuon kay Jesucristo.

  • Ang pagpapasimula ng visual identifier ng Simbahan ni Jesucristo at ang likas na pagiging simbolo nito.

Tingnan natin nang mas mabuti ang epekto ng ilan sa mga ito. Una, ang simbolo ng Simbahan.

Ang Simbolo ng Simbahan

Ang Simbolo ng Simbahan.

Noong 2020, ipinakita ni Pangulong Russell M. Nelson ang isang bagong visual identifier para sa Simbahan. Ang simbolong ito ay sumasalamin sa katotohanan na si Cristo ang sentro ng Kanyang Simbahan at dapat na maging sentro ng ating buhay. Nakikita natin ngayon ang pamilyar na simbolong ito sa mga temple recommend, sa mga website at magasin ng Simbahan, bilang icon para sa Gospel Library app, at maging sa mga military ID tag para sa maraming miyembro ng Simbahan na naglilingkod sa hukbong sandatahan. Kasama sa simbolo ang pangalan ng Simbahan na nasa loob ng isang batong panulok, isang paalala na si Jesucristo ang punong batong panulok, na makikita rito sa wikang Cambodian at ginagamit sa 145 wika.

Simbolo ng Simbahan sa Cambodian.

Ang gitna ng simbolo ay kumakatawan sa minamahal na marmol na rebultong Christus ni Albert Bertel Thorvaldsen, na naging malawak ang kaugnayan sa Simbahan at matatagpuan sa mga visitors’ center at sa mga bakuran ng templo sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang pagiging bantog nito sa simbolo ng Simbahan ay nagpapahiwatig na si Cristo dapat ang maging sentro ng lahat ng ating ginagawa. Gayundin, ang nakaunat na mga bisig ng Tagapagligtas ay nagpapahiwatig ng Kanyang pangako na tanggapin ang lahat ng lalapit sa Kanya. Ang simbolong ito ay isang visual na representasyon ng pagmamahal ng Tagapagligtas na si Jesucristo at palagiang paalala ng buhay na Cristo.

Si Jesus na lumalabas mula sa libingan.

Sa kagustuhang mag-usisa, nagtanong ako sa maraming pamilya at kaibigan tungkol sa isang mahalagang elemento ng simbolo ng Simbahan. Nakagugulat na marami ang hindi nakaaalam sa isang banal na katangiang kinakatawan nito. Si Jesucristo na nakatayo sa ilalim ng arko. Kinakatawan nito ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na lumalabas mula sa libingan. Tunay na ipinagdiriwang natin ang nabuhay na mag-uli at buhay na Kristo, maging sa paggamit ng simbolo ng Simbahan.

Mas Dakila at Mas Banal na Pasko ng Pagkabuhay

Ngayon ay pagnilayan natin ang kahalagahan ng Pasko ng Pagkabuhay. Sa mga mensahe ng Unang Panguluhan kamakailan tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay, hinikayat tayo na “ipagdiwang ang Pagkabuhay na Mag-uli ng ating buhay na Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang mga turo at pagtulong na magtatag ng mga tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay sa ating lipunan sa kabuuan, lalo na sa sarili nating pamilya.” Sa madaling salita, hinihikayat tayo na gawing mas dakila at mas banal ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.

Gustung-gusto ko ang patuloy na paghahayag hinggil sa Pasko ng Pagkabuhay at natutuwa ako sa maraming pagsisikap ninyo na gawing sagrado at banal na okasyon ang Pasko ng Pagkabuhay. Bukod sa pagdaraos ng isang oras na sacrament meeting sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, ang iba pang mga halimbawa ng karapat-dapat na aktibidad ay kinabibilangan ng mga debosyonal at aktibidad ng ward at stake sa Linggo ng Palaspas gayundin sa buong Semana Santa. Kabilang sa mga paggunitang ito ang mga aktibidad kasama ang mga bata at kabataan at kadalasang sinasamahan ng mga koro ng iba’t ibang relihiyon. Ang iba ay nagdaos ng “Living Christ” na mga open house para sa mga miyembro at kaibigan at lumahok sa mga kaganapan sa Pasko ng Pagkabuhay ng iba’t ibang relihiyon sa komunidad.

Ang gayong mga aktibidad ay sumasalamin sa maraming tao sa lungsod ng Jerusalem na ang mga tinig ay nagsama-sama upang purihin ang Tagapagligtas sa Kanyang matagumpay na pagpasok. Kahanga-hanga rin ang mga ulat tungkol sa inyong mga tugon sa paanyaya ng Unang Panguluhan na sumamba sa tahanan bilang pamilya para gunitain ang napakahalagang pista-opisyal na ito.

Naniniwala ako na ang pagsamba ng pamilya patungkol sa Pasko ng Pagkabuhay ay nag-ibayo nang husto. Dalawang taon na ang nakalilipas, nagsalita ako tungkol sa determinasyon ng aming pamilya na mapagbuti ang paraan ng paggunita namin sa Pasko ng Pagkabuhay. Aaminin ko na hindi pa namin lubusang nagagawa ito. Noon pa man ay nasisiyahan na kami sa espesyal na pagkain sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, mga Easter basket at Easter egg hunt, na ginagawa pa rin namin. Gayunman, ang pagdaragdag ng taimtim na pinag-isipang espirituwal na dimensyon na nakatuon kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa ating pagdiriwang ay nagdudulot ng kalugod-lugod na balanse sa ating paggunita sa pinakabanal sa lahat ng mga kaganapan.

Easter Day play ng pamilya Stevenson.

Sa taong ito ang aming ikatlong pagsisikap na gawing mas nakasentro kay Cristo ang Pasko ng Pagkabuhay. Tulad ng kuwento ng kapanganakan ni Cristo, kabilang sa dula ng aming pamilya sa Pasko ng Pagkabuhay ang mga simpleng costume, pagbabasa ng mga banal na kasulatan mula sa Bagong Tipan at Aklat ni Mormon, musika, mga larawan ng Pasko ng Pagkabuhay, mga palaspas—at kaunting kaguluhan, kung gusto kong lubos na maging tapat. Ang mga anak at apo na nagbabasa at bumibigkas ng mga papuri sa Linggo ng Palaspas na “Hosana … Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!” at, “Ito … si Jesus … ng Galilea” ay tila kasinghalaga ng “Sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” sa Kapaskuhan.

Ngayon ay nagagalak kami sa halu-halong mga dekorasyon. Ang dating halos puro mga kuneho at Easter egg ay naragdagan na ngayon ng Christus at mga larawan ng libingang walang laman, ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na nagpapakita sa halamanan sa labas ng libingan, at ng pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Nephita. Sinisikap din naming gawing isang panahon ang Pasko ng Pagkabuhay sa halip na isang araw lamang. Sinisikap naming mas pag-usapan, alalahanin, at ipagdiwang ang Linggo ng Palaspas at Biyernes Santo at ang mga sagradong kaganapang nangyari sa buong Semana Santa.

Pinahihintulutan tayo ng Pasko ng Pagkabuhay na gunitain kapwa ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo at ang Kanyang literal at masayang Pagkabuhay na Mag-uli. Nalulungkot tayo kapag iniisip natin ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa halamanan at sa Kalbaryo, ngunit nagagalak ang ating puso kapag nakikita natin ang libingang walang laman at ang makalangit na pahayag na “Siya’y nagbangon!”

Isang Literal na Pagkabuhay na Mag-uli

Kamakailan ay hinikayat tayo ng Unang Panguluhan na “hintayin nang may kasabikan ang Pasko ng Pagkabuhay at ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo—ang pinakamaluwalhati sa lahat ng mensahe sa sangkatauhan” na nagtatampok sa kahalagahan ng panahong ito. Bagama’t tila mas nagiging palasak na sa iba’t ibang teologong Kristiyano na ituring ang Pagkabuhay na Mag-uli sa simbolikong mga kataga, pinagtitibay namin ang aming doktrina na “ang Pagkabuhay na Mag-uli ay nangangahulugan na lahat ng nabuhay ay mabubuhay na mag-uli, at ang Pagkabuhay na Mag-uli ay literal.” “Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.” Nilagot ni Jesucristo ang mga gapos ng kamatayan para sa bawat kaluluwang nabubuhay.

Tunay ngang namamangha tayo sa biyayang alay sa atin ni Jesus. Naniniwala tayo sa Kanyang mga salita na “walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan.”

Sinabi ni C. S. Lewis na “ang pangangaral ng Kristiyanismo ay nangangahulugan [sa mga Apostol] nag pangangaral ng Pagkabuhay na Mag-uli. … Ang Pagkabuhay na Mag-uli ang pangunahing tema sa bawat sermon ng mga Kristiyano na nakaulat sa Mga Gawa. Ang Pagkabuhay na Mag-uli, at ang mga kinahinatnan nito, ay ang ‘ebanghelyo’ o mabuting balita na inihatid ng mga Kristiyano.”

Ipinapahayag ko na “may pagkabuhay na mag-uli, … hindi nagtagumpay ang libingan, at ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.”

Katapusan at Patotoo

Bilang pagtatapos, pinatototohanan ko na lahat ng tumatanggap sa mga paanyaya ng ating buhay na propeta at ng kanyang mga tagapayo na mas sadyang gunitain ang mga banal na kaganapan na kumakatawan sa Pasko ng Pagkabuhay ay madarama na lalong tumitibay ang kanilang ugnayan kay Jesucristo.

Ilang araw pa lang ang nakararaan, nalaman ko ang tungkol sa isang lola na ikinukuwento ang Pasko ng Pagkabuhay sa kanyang apat na taong gulang na apo sa pamamagitan ng paggamit ng mga simpleng replika ng libingan, ng batong nakatakip sa libingan, ni Jesus, ni Maria, ng mga disipulo, at ng anghel. Tumingin at nakinig na mabuti ang musmos na batang lalaki habang ikinukuwento ng kanyang lola ang paglilibing, ang pagsasara at pagbubukas ng libingan, at ang tagpo ng Pagkabuhay na Mag-uli sa halamanan. Kalaunan ay maingat niyang inulit sa kanyang mga magulang ang kuwento nang napakadetalyado habang ginagalaw niya mismo ang mga pigurin. Kasunod ng nakaaantig na sandaling iyon, tinanong siya kung alam niya kung bakit may Pasko ng Pagkabuhay. Tumingala ang bata at sumagot sa pananalita ng isang musmos, “Kasi po buhay Siya.”

Batang lalaking nagkukuwento tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay.

Idinaragdag ko ang aking patotoo sa kanyang patotoo—at sa patotoo ninyo at ng mga anghel at propeta—na Siya ay nagbangon at na Siya ay buhay, na pinatototohanan ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.