Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay Nagkakaloob ng Dakilang Pagsagip
Sa pagbaling natin kay Jesucristo, ang Tagapagligtas ng mundo, sinasagip Niya tayo mula sa mga unos ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagkakaloob ng dakilang pagsagip mula sa mga pagsubok na kinakaharap natin sa buhay na ito. Inatasan ako ni Pangulong Russell M. Nelson na ilaan ang Casper Wyoming Temple sa huling bahagi ng nakaraang taon. Iyon ay isang malalim, emosyonal, at espirituwal na karanasan. Pinalinaw nito ang papel na ginagampanan ng mga templo sa pagsagip sa mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Ang mga stake sa Casper Wyoming Temple District ay kinabibilangan ng bahagi ng lupaing dinaanan ng mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw sa pagitan ng 1847 at 1868. Sa paghahanda para sa paglalaan ng templo, binasa kong muli ang kasaysayan ng daanan sa tabi ng Ilog Platte na malapit sa Casper at papuntang Salt Lake City. Ang daanan ay naging ruta ng daan-daang libong emigranteng taga-kanluran. Ang aking pangunahing tuon ay ang mahigit 60,000 mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw na naglakbay sa daanang ito.
Ang karamihan sa ating mga pioneer ay dumating sa pamamagitan ng bagon, pero mga 3,000 ang tumawid bilang bahagi ng 10 handcart company. Walo sa mga handcart company na ito ang humayo sa kagila-gilalas na paglalakbay na ito nang matagumpay at kakaunti lamang ang namatay. Ang mga Willie at Martin handcart company noong 1856 ang naiba.
Nirepaso ko ang mga salaysay ng mga Willie at Martin handcart company mula sa oras na nagsimula ang masasamang lagay ng panahon. Nagkaroon ako ng lubos na kamalayan sa mga hamong kinaharap nila sa pagtawid sa Sweetwater River, Martin’s Cove, Rocky Ridge, at Rock Creek Hollow.
Between Storms [Sa Pagitan ng mga Unos], ni Albin Veselka
Hindi pa ako nakapasok sa loob ng Casper Temple bago ang paglalaan. Pagpasok ko sa foyer, nabaling kaagad ang aking atensyon sa orihinal na handcart painting na pinamagatang Between Storms [Sa Pagitan ng mga Unos]. Ang painting ay malinaw na hindi nilayong ipakita ang mga trahedyang nangyari. Habang tinititigan ko ito, naisip ko, “Tama ang painting na ito; ang malaking bahagi ng mga handcart pioneer ay hindi nakaranas ng mga trahedya.” Hindi ko napigilang madama na ito ay tulad ng buhay sa pangkalahatan. Kung minsan, tayo ay nasa gitna ng mga unos at kung minsan, tayo ay nasa gitna ng mga ulap at sikat ng araw.
Heaven’s Portal [Lagusan ng Langit], ni Jim Wilcox
Paglingon ko sa orihinal na painting sa kabilang dingding, na pinamagatang Heaven’s Portal [Lagusan ng Langit], natanto ko na ang magandang painting na ito ng tag-init sa tinatawag na “Devil’s Gate,” na dinadaluyan ng payapa at malinaw na Sweetwater River ay nagpapamalas ng kagandahan ng likha ng Panginoon, hindi lamang ng mga hamon na kinaharap ng mga pioneer sa kakila-kilabot na panahon ng taglamig na iyon.
Pagkatapos ay tumingin ako sa harap, sa likod ng recommend desk, at nakakita ako ng isang magandang painting ng Tagapagligtas. Agad itong nagpadama sa akin ng matinding pasasalamat. Sa isang napakagandang mundo, mayroon ding malalaking hamon. Sa pagbaling natin kay Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, sinasagip Niya tayo mula sa mga unos ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala alinsunod sa plano ng Ama.
Para sa akin, ang foyer ay isang perpektong paghahanda para sa mga silid ng ordenansa sa templo na nagtutulot sa atin na tumanggap ng mga ordenansa ng kadakilaan, gumawa ng mga sagradong tipan, at lubos na tanggapin at tamasahin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ang plano ng kaligayahan ng Ama ay nakabatay sa nagbabayad-salang pagsagip ng Tagapagligtas.
Ang karanasan ng mga pioneer ay nagkakaloob sa mga Banal sa mga Huling Araw ng natatanging makasaysayang tradisyon at isang makapangyarihang pinagsama-samang espirituwal na pamana. Para sa ilan, ang paglalakbay ay inabot ng maraming taon matapos puwersahang paalisin sa Missouri at Nauvoo. Para sa iba, ito ay nagsimula matapos ianunsyo ni Pangulong Brigham Young ang plano hinggil sa mga handcart, na nilayong gawing mas abot-kaya ang emigrasyon. Ang mga handcart ay mas mura kaysa sa mga bagon at baka.
Sinabi ng isang missionary sa England, si Millen Atwood, na noong inanunsyo ang plano hinggil sa mga handcart, “ito ay tila apoy na tumutupok sa dayami, at ang mga puso ng mga maralitang Banal ay napuspos ng kagalakan at kaligayahan.” Marami ang “nanalangin at nag-ayuno araw-araw at gabi-gabi, nang sa gayon ay magkaroon sila ng pribilehiyo na makiisa sa kanilang mga kapatid sa kabundukan.”
Marami sa mga Banal na sakay ng kariton ang nakaranas ng hirap pero nakaiwas sa matitindi at masasamang kaganapan. Ngunit dalawang handcart company, ang Willie company at Martin company, ang nakaranas ng pagkagutom, pagkalantad sa nagyeyelong panahon, at maraming pagkamatay.
Ang karamihan sa mga manlalakbay na ito ay naglayag mula sa Liverpool, England, noong Mayo ng 1856 sakay ng dalawang barko. Nakarating sila sa lugar ng paghahanda ng mga handcart sa Iowa City noong Hunyo at Hulyo. Sa kabila ng mga babala, ang parehong company ay umalis papuntang Salt Lake Valley noong lubhang huli na sa panahon.
Unang napag-alaman ni Pangulong Brigham Young ang tungkol sa mapanganib na sitwasyon ng mga company na ito noong Oktubre 4, 1856. Kinabukasan, tumayo siya sa harap ng mga Banal sa Salt Lake City at nagsabing, “Marami sa ating mga kapatid na lalaki at babae ang nasa kapatagan na may mga handcart, … at kailangan silang maihatid dito; kailangan nating magpadala ng tulong sa kanila … bago lubusang maging taglamig.”
Siya ay humiling sa mga bishop na maglaan ng 60 na mule team, 12 o mahigit pang bagon, at 12 tonelada (10,886 kg) ng harina at nagpahayag na, “Humayo kayo at ihatid ngayon dito ang mga taong iyon sa kapatagan.”
Ang pinagsamang bilang ng mga pioneer sa Willie at Martin handcart company ay tinatayang 1,100. Mga 200 sa mga minamahal na Banal na ito ang namatay sa daan. Kung hindi kaagad nasagip, malamang na mas marami pa ang namatay.
Nagsimula ang mga unos sa taglamig halos dalawang linggo matapos umalis sa Salt Lake City ang mga unang tagasagip. Ang mga salaysay ng mga miyembro ng Willie at Martin company ay naglalarawan ng matitinding hamon matapos magsimula ang mga unos. Inilalarawan din ng mga salaysay na ito ang matinding kagalakan noong dumating ang mga tagasagip.
Inilalarawan ang tagpo ng pagdating, sinabi ni Mary Hurren: “Tumulo ang mga luha sa mga pisngi ng kalalakihan, at ang mga bata ay sumayaw sa galak. Nang mapigilan na ng mga tao ang kanilang damdamin, lahat sila ay kaagad na lumuhod sa niyebe at nagpasalamat sa Diyos.”
Makalipas ang dalawang araw, ang Willie company ay naglakbay sa pinakamahirap na bahagi ng daanan, tumatawid sa Rocky Ridge, sa nagyeyelong unos. Ang pinakahuli sa kanila ay nakarating lang sa kampo noong alas-singko ng umaga kinabukasan. Labintatlong tao ang namatay at inilibing sa iisang hukay.
Noong ika-7 ng Nobyembre, malapit na ang Willie company sa Salt Lake Valley, pero noong umagang iyon, mayroon pa ring tatlong namatay. Makalipas ang dalawang araw, nakarating na rin sa wakas ang Willie company sa Salt Lake, kung saan sila ay malugod na sinalubong at pinatuloy sa mga tahanan ng mga Banal.
Noong araw ding iyon, 325 milya (523 km) pa ang layo sa daanan ng Martin company, patuloy na nagdurusa mula sa lamig at kawalan ng sapat na pagkain. Ilang araw bago iyon, tumawid sila sa Sweetwater River upang marating ang tinatawag ngayon na Martin’s Cove, kung saan umasa silang makasumpong ng proteksiyon laban sa mga elemento. Sinabi ng isa sa mga pioneer, “Iyon ang pinakamalalang pagtawid ng ilog sa ekspedisyon.” Ang ilan sa mga tagasagip—tulad ng aking lolo-sa-tuhod, si David Patten Kimball, na 17 taong gulang lamang noon, kasama ang kanyang mga bata pang kaibigan, sina “George W. Grant, Allen Huntington, Stephen Taylor, at Ira Nebeker—ay gumugol ng ilang oras sa nagyeyelong tubig,” matapang na tinutulungan ang company na matawid ang Sweetwater.
Bagaman ang kaganapang ito ay nakatanggap ng maraming atensiyon, habang mas nalalaman ko ang tungkol sa mga tagasagip, natanto ko na silang lahat ay sumusunod sa propeta at gumaganap sa mahahalagang papel sa pagliligtas sa hindi makausad na mga Banal. Ang lahat ng tagasagip ay matapang, gayundin ang mga emigrante.
Sa pag-aaral ng kanilang kuwento, nagkaroon ako ng pagpapahalaga sa mga natatanging ugnayan at pangmatagalang walang hanggang pananaw ng mga emigrante. Sina John at Maria Linford at ang kanilang tatlong anak na lalaki ay mga miyembro ng Willie company. Namatay si John ilang oras bago dumating ang mga unang tagasagip. Sinabi niya kay Maria na masaya siya na nakapaglakbay sila. “Hindi ko na mararating ang Salt Lake,” sabi niya, “pero ikaw at ang mga bata ay makararating doon, at hindi ko pinagsisisihan ang lahat ng hirap na dinanas natin kung ang mga anak naman natin ay magsisilaki at magkakaroon ng sariling pamilya sa Sion.”
Ibinigay ni Pangulong James E. Faust ang kamangha-manghang buod na ito: “Sa magiting na pagsisikap ng mga handcart pioneer, natutuhan natin ang isang dakilang katotohanan. Lahat ay kailangang dumaan sa apoy ng maglalantay, at ang mga hindi makabuluhan at hindi mahalaga sa ating mga buhay ay matutunaw tulad ng taing bakal at gagawing mas maliwanag, buo, at malakas ang ating pananampalataya. Mukhang maraming dalamhati, kalungkutan, at madalas ay kasawian ang lahat, pati na ang mga taong taimtim na naghahangad na makagawa ng tama at maging tapat. Pero bahagi ito ng pagpapadalisay upang maging katulad ng Diyos.”
Sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Muli na humubog sa kawalang-hanggan, nalagot ng Tagapagligtas “ang mga gapos ng kamatayan, nakamtam ang tagumpay sa kamatayan” para sa lahat. Para sa mga taong nakapagsisi ng mga kasalanan, “inako Niya ang kanilang kasamaan at kanilang mga kasalanan, matapos silang tubusin, at tugunin ang mga hinihingi ng katarungan.”
Kung wala ang Pagbabayad-sala, hindi natin maililigtas ang ating mga sarili mula sa kasalanan at kamatayan. Bagaman ang kasalanan ay maaaring magkaroon ng malaking papel sa ating mga pagsubok, ang mga paghihirap sa buhay ay pinagsama-samang mga pagkakamali, maling desisyon, masasamang gawain ng iba, at maraming bagay na hindi natin kontrolado.
Itinuturo ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Sa pag-asa natin kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, matutulungan Niya tayo na tiisin ang ating mga pagsubok, karamdaman, at sakit. Mapupuspos tayo ng galak, kapayapaan, at kapanatagan. Lahat ng di makatarungan sa buhay ay naiwawasto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay, ang ating tuon ay nasa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang Pagbabayad-sala ay nagkakaloob ng pag-asa at liwanag sa panahon na para sa marami ay tila madilim at malungkot. Ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Kapag ang buong kasaysayan ay natuos na, … [walang] higit na kahanga-hanga, maringal, at matindi kaysa sa gawaing ito ng pagpapala.”
Magbabahagi ako ng tatlong rekomendasyon na sa palagay ko ay partikular na naaangkop sa ating panahon.
Una, huwag maliitin ang kahalagahan ng paggawa ng makakaya natin upang sagipin ang iba mula sa mga pisikal at lalo na sa mga espirituwal na hamon.
Pangalawa, malugod na tanggapin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Tayong lahat ay dapat magsikap na magpamalas ng kagalakan at kaligayahan kahit na nahaharap tayo sa mga hamon ng buhay. Ang ating mithiin ay dapat mamuhay nang positibo. Namasdan ko ang aking minamahal na kompanyon, si Mary, na ginagawa ito sa kanyang buong buhay. Ipinagpapasalamat ko ang kanyang nagniningning at nagpapasiglang pamamaraan kahit na nakaranas kami sa mga problema sa maraming taon.
Ang aking pangatlong payo ay na maglaan ng oras upang pagnilayan nang may pananampalataya ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Maraming paraan upang magawa ito sa ating personal na pagsunod sa relihiyon. Gayunman, ang pagdalo sa sacrament meeting at pagtanggap ng sakramento ay higit na lalong mahalaga.
Kasinghalaga rin nito ang regular na pagdalo sa templo kung maaari. Ang templo ay nagkakaloob ng patuloy na pag-alaala sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at kung ano ang napagtatagumpayan nito. At, mas mahalaga pa rito, ang pagdalo sa templo ay nagtutulot sa atin na magkaloob ng espirituwal na pagsagip para sa ating mga yumaong mahal sa buhay at malayong ninuno.
Si Pangulong Russell M. Nelson, sa ating huling kumperensya, ay nagbigay-diin sa alituntuning ito at nagdagdag, “Ang mga [pagpapala ng templo ay tumutulong] na ihanda ang mga tao na tutulong sa paghahanda ng mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon!”
Hindi natin dapat kalimutan kailanman ang mga sakripisyo at halimbawa ng mga naunang henerasyon, pero ang ating pagpupuri, pasasalamat, at pagsamba ay dapat nakasentro sa Tagapagligtas ng mundo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Pinatototohanan ko na ang susi sa plano ng kaligayahan ng Ama ay ang Pagbabayad-sala na ginawa ng ating Tagapagligtas, si Jesucristo. Buhay Siya at ginagabayan Niya ang Kanyang Simbahan. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagkakaloob ng dakilang pagsagip mula sa mga pagsubok na kinakaharap natin sa buhay na ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.