Hangarin Munang Matamo ang Aking Salita
Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast • Agosto 4, 2015
Pambungad
Nagpapasalamat akong makapunta rito, at, tulad ninyo, gustung-gusto kong maging bahagi ng gawaing ito.
Sa paghahanda para sa araw na ito, inilahad ko ang mensahe ko sa aking pamilya at hindi ang kanilang feedback, … at halos lahat ay nakatulong. Ang feedback na nag-aalangan akong aminin sa inyo—at tiyak kong wala pang nakatanggap ng ganito sa inyo sa klase—ay na si Annie, ang aming 12-taong-gulang na anak, ay nakakatulong sa kalagitnaan ng mensahe ko. Kaya, inaasahan namin pareho na maging mas maganda ang bersyong ito ngayon!
Nitong huling dalawang taon, inanyayahan tayo ni Brother Chad Webb na tulungan ang ating mga estudyante na maranasang pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa paraang mas magpapalalim sa kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas.1 Nitong nakaraang taon mas maraming estudyanteng nagbasa ng mga banal na kasulatan kaysa rati. Gumugol sila ng mahigit 9 na milyong oras2 sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Salamat sa inyong mga pagsisikap!
Gusto naming panibaguhin ngayon ang paanyayang iyan. Maaari bang tulungan ninyo ang bawat estudyante sa seminary at institute na magkaroon ng makabuluhang karanasan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan bawat araw? At bagama’t tiyak na may mga bahagi sa Lumang Tipan na mahirap basahin at maunawaan ng ating mga estudyante, talagang naniniwala ako na hindi natin kailangang gumamit ng kakatwang paraan para “maging interesado [sila sa Lumang Tipan].”3
Inanyayahan din tayo ni Brother Webb na talakayin “kung paano tayo mas makakatuon sa mga banal na kasulatan na itinuturo natin.”4 Sunud-sunod ang mga tanong niya tungkol sa tungkuling ginagampanan ng mga banal na kasulatan sa ating pagtuturo. Marami sa inyo ang pinag-isipang mabuti ang mga tanong na iyon. Salamat! Sa araw na ito, maaari ba nating pag-usapan sandali ang tungkuling ginagampanan ng mga banal na kasulatan sa ating paghahandang magturo?
Noong Mayo ng 1829, sina Joseph at Emma Smith ay nanirahan sa Harmony, Pennsylvania. Dumalaw si Hyrum Smith at inasam na malaman ang kanyang tungkulin sa nagaganap na Panunumbalik. Nagtanong ang Propeta sa Panginoon at pinaalalahanan na ang salita ay “buhay at mabisa, mas matalas kaysa espadang may dalawang talim.”5 Pagkatapos ay itinuro ng Tagapagligtas kay Hyrum, at sa atin, ang isang alituntunin at prayoridad nang itakda Niya ang mahalagang pagkakasunud-sunod ng gawain ng mga guro: “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao”6
Matamo ang Salita: Dapat Muna Itong Mag-alab sa Ating Kalooban
Ang ating mga pagsisikap na magturo ay hindi nagsisimula sa paghahanda ng lesson o pag-iisip kung paano ito ituturo o sa pagrerepaso man ng kurikulum. Ang ating pagsisikap na magturo ay talagang nagsisimula ad fontes, o “sa mga bukal.”7 Wala nang mas mainam na paghahandang magturo, sabi nga ni President Marion G. Romney, kaysa sa lubos na pag-inom mula sa bukal kung saan bumabalong ang tubig mula sa lupa.8 Kung nais nating ituro nang mabisa ang mga banal na kasulatan, kung nais nating madama ng ating mga estudyante ang katotohanan at kahalagahan ng isang talata, talagang kailangan itong simulan nang may sigla at kasabikan sa atin mismong kalooban.9
Ipinayo ni President Romney: “Para maging epektibong mga guro ng ebanghelyo … kailangan tayong magsumikap at mag-aral … hanggang sa ang mga turo [ng Panginoon] ay maging ating mga turo. Sa gayon tayo ay magiging handang magsalita nang may kapangyarihan at matibay na pananalig. Kung pipiliin nating sundin ang ibang paraan ng paghahanda, … hahantong tayo sa pagbibigay ng sarili nating mga ideya o ng mga ideya ng ibang tao, at [hindi natin tiyak kung magtatagumpay tayo].”10
Matamo ang Salita: Ano ang Hahanapin sa Ating Pag-aaral
Kapag hinangad nating matamo ang salita sa paraang pinag-aalab ang mga banal na kasulatan ay nag-aalab sa ating kalooban, maaari bang magbigay ako ng dalawang simpleng ideya na dapat nating maging pamantayan sa pagtatamo nito?
Una, may iba’t ibang antas ng kahalagahan ang mga katotohanan, at mapagpapala tayo at ang ating mga estudyante kapag naunawaan natin ito.
Pangalawa, ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng mga pagkakaugnay, huwaran, at tema,11 pati na ng mga simbolo at paghahalintulad, na ang pinakamahalaga ay nakatuon sa Tagapagligtas.
Iba’t Ibang Antas ng Kahalagahan ng Katotohanan
Sa simula, may isinulat si Elder Neal A. Maxwell tungkol sa “antas ng kahalagahan ng mga katotohanan” at na ang ilang katotohanan ay marapat sa ating katapatan, na isang salitang nagpapahiwatig ng dedikasyon, o pagsunod at debosyon:
“Ang isang bagay ay maaaring totoo ngunit hindi mahalaga. … Hindi lamang natin kailangang makilala ang kaibhan ng katotohanan sa kamalian, kundi kailangang malaman din kung aling mga katotohanan ang marapat sa ating katapatan.
“Ang ebanghelyo ni Jesus ay itinutuon ang ating isipan sa katotohanan na may antas ng kahalagahan ang mga katotohanan; ang ilang katotohanan ay talagang higit na walang hanggan ang kahalagahan kaysa sa iba!”12
Karamihan sa mga talata sa banal na kasulatan ay kinabibilangan ng ilang detalye, at ang naroong inspiradong mga detalye ay magbibigay-linaw sa mga alituntunin13 na layon nitong ipaliwanag.14
Dapat tayong maging mahuhusay na estudyante kapwa ng mga detalye at ng doktrina sa mga banal na kasulatan. Mahalagang maunawaan na ang detalye sa mga banal na kasulatan na itinuturo nang hiwalay sa doktrina at ayon sa sarili nitong kahalagahan ay nagbibigay lamang ng impormasyon. Ang gayong pagtuturo “ay hindi magpapahamak sa atin kung naroon ang espiritu, ni makakatulong sa atin kung wala ito.”15 Sa kabilang banda, ang pagtuturo na kinapapalooban lamang ng mga personal na kuwento, ideya, at damdaming nagmula sa talakayan, ngunit walang kahalagahan sa banal na kasulatan na kailangan para maituro ang katotohanan at makahikayat, ay hindi rin sapat. Ang ating mga estudyante ay matuturuan nang husto ng mga gurong mahusay mag-aral ng mga banal na kasulatan at nauunawaan ang mahalagang tungkulin ng Espiritu Santo.16
Narinig ko nang magsalita ang ilan tungkol sa “masigasig na pagtuturo” na kulang sa kahusayan. At narinig ko nang magsalita ang iba tungkol sa mahusay na pagtuturo na walang impluwensya ng espiritu. Kung mag-isa lang, hindi matutugunan ng masigasig na pagtuturo ni ng kahusayan ang mga kakaibang hinihingi ng edukasyong pang-relihiyon. Sinabi minsan ni Brother Robert J. Matthews, “Ang literal na kahulugan ng salitang ‘relihiyon’ ay ‘ibigkis na muli.’ Ito ay nauugnay sa salitang litid, na ibinibigkis ang kalamnan sa buto. Ang relihiyon ay dapat ibigkis ang taong mayroon nito sa Diyos at sa mga banal at sagradong bagay.”17 At iyan ang dapat gawin ng edukasyong pang-relihiyon para sa ating mga estudyante.
Ang detalye sa mga banal na kasulatan ay madalas tumuon sa mahalagang katotohanan. Kapag ang katotohanan ay itinuro nang may patotoo, nag-aanyaya ito ng paghahayag, at iniaangkop ng Espiritu Santo ang Pagbabayad-sala sa ating buhay,18 pinag-iibayo ang ating pananalig sa Tagapagligtas19 at ang ating tapat na pangakong sundin ang plano ng Ama sa Langit.
Ang Lumang Tipan ay tiyak na kinabibilangan ng “mga kamangha-manghang kuwento, kahanga-hangang kaugalian, at magagandang estilo sa pagsulat.”20 Mahalagang alalahanin natin, at makita sa ating pagtuturo, na hindi ang mga detalyeng ito ang layunin ng talata. Tulad ng itinuro na sa atin, “Ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang pangalagaan ang mga alituntunin.”21 Ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo “ang laman at layunin ng mga paghahayag.”22
Sa huli, kahit ang mga alituntunin ay may kaayusan, dahil ang “mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo.”23
Ang paghihiwalay ng mga detalye mula sa mga alituntunin, gayundin ang matutong kilalanin ang umiiral na antas ng kahalagahan ng mga alituntuning iyon, ay magiging habambuhay na gawain. Kung itinuro natin ang bawat detalye ng kasaysayan at ng batas, at kung itinuro natin ang bawat bahagi ng paggala ng Israel, at hindi natin itinuro ang mensahe ng plano ng Ama sa Langit at ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa Lumang Tipan,24 hindi pa natin naituro ang mensahe ng Lumang Tipan.25
Tiyak na ako ang inilarawan ni Pablo, at marahil ang ilan sa ating mga estudyante, nang sabihin niya na ang talukbong ay nananatiling “hindi itinataas [sa pagbabasa ng lumang tipan].” Pagkatapos ay binigyan niya tayo ng lunas sa mahirap na sitwasyong ito nang sabihin niya na ang “talukbong na ito’y naaalis sa pamamagitan ni Cristo,” at na “kailan ma’t magbalik [ang ating puso] sa Panginoon, ay maaalis ang talukbong.”26
Kung ang ating pagtuturo ay magtutuon sa Tagapagligtas,27 at matutulungan natin ang ating mga estudyante na ibaling ang kanilang puso’t isipan sa Kanya, maaalis ang talukbong sa pagbabasa nila ng Lumang Tipan. At, marahil ang mas mahalaga, habang natututo ang ating mga estudyante na umasa sa Tagapagligtas sa pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan, matututo sila ng aral na katulad niyon at matututong hanapin Siya at ang Ama sa Langit sa sarili nilang buhay.
Isang Halimbawa ng Iba’t Ibang Antas na Ito ng Kahalagahan
Magbibigay ako ng isang mungkahing makakatulong sa pag-unawa natin sa katotohanan sa mga banal na kasulatan: Pumili ng isang talata, basahin ito, at itanong sa sarili, “Ano ang mga detalye sa talata?” Salungguhitan ang mga tao, ang mga lugar, ang panahon, at ang kuwento rito. Tingnan ang buong konteksto ng talata, at salungguhitan ang lahat ng detalye ng konteksto na makikita ninyo. Tulad ng mungkahi sa ating hanbuk, pansinin ang “mga sadyang paghinto”28 kung saan nagbago ang tema o nilalaman.
Ngayon muling tingnan ang talata, at sa pagkakataong ito’y itanong sa sarili, “Anong mga alituntunin o katotohanan ang ‘naroon na dapat ipamuhay,’29 at, kung naunawaan, ay ‘[hahantong] sa pagsunod’?”30 Pag-aralan ang buong konteksto ng doktrina sa talata. Markahan ang bawat alituntunin ng iba kaysa ginamit ninyong marka sa mga detalye. Kung ipinahiwatig ang mga alituntunin,31 mag-ukol ng panahong isulat ang mga ito.
Mahihirapan kayong sadyang gawin ito sa una. Kailangan dito ang konsentrasyon at panahon. Kasama sa pagpapalang makukuha sa pamamaraang ito ang pag-anyaya sa atin na patuloy na itanong ang, “Ano ang mga detalye sa talatang ito, at anong mga alituntunin ang layon nitong ituro?”
Tulad ng sinabi na natin, ang ilang alituntunin ay mas mahalaga kaysa sa iba; nag-aanyaya ang mga ito ng higit na inspirasyon, sigla, at kaligtasan dahil nakatuon ito sa Tagapagligtas. Kaya, muling tingnan ang talata, sa pagkakataong ito’y sa ibang pananaw, at itanong, “Paano dinisenyo ang talatang ito32 para ituon ang aking pansin sa Tagapagligtas? Ano ang nakapaloob dito na humahantong sa higit na pagkaunawa, pasasalamat, at pag-asa sa Kanya at sa plano ng Ama sa Langit?”
Sa huli, isiping mabuti ang sinabi ng mga makabagong propeta na magdaragdag ng kaalaman, pag-unawa, at inspirasyon sa talata.
Matapos mag-aral sa ganitong paraan, kapag bumaling nga tayo sa kurikulum, ang karagdagang pag-unawa, mga mungkahi, at patnubay na naroon ay sasamahan ng kaalaman, inspirasyon, at karanasang natamo natin sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Pagkatapos ay pinagtitibay, pinahuhusay, at pinag-iibayo ng kurikulum ang ating paghahandang ipahayag nang mabisa ang salita.
Halimbawa, kapag pinag-aralan natin ang aklat ni Ruth sa taong ito, makikita natin ang isang magiliw na kuwento ng kawalan at katapatan. O, kung iisipin ang antas na ito ng kahalagahan ng katotohanan, mapapansin natin na namatay ang asawa ni Ruth, naglakbay siya patungong Betlehem,33 at sa Betlehem niya nakilala si Booz. Pagkatapos ay mapapansin natin na inasikaso ni Booz ang mga pangangailangan ni Ruth, binigyan niya ito ng tinapay at isang basong alak,34 naging tagapamagitan siya nito sa pintuang-bayan,35 at pagkatapos, bilang kamag-anak nito, na ang literal na kahulugan ay “manunubos,”36 binili niya si Ruth,37 at pinakasalan ito,38 at hindi napahinga hanggang sa masabi niyang, “Natapos na.”39 Dahil diyan madarama natin ang nilayong patotoo ng pag-ibig at pagtubos gayundin ang sigla at inspirasyon sa pagkabatid na ginagawa rin ito ng Dakilang Kapatid40 para sa bawat isa sa atin.
Ito ay isang simpleng halimbawa lamang ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan. Pagkatapos ay tutulungan ng maingat na guro ang bawat estudyante na magkaroon din ng ganitong karanasan sa kanyang pag-aaral habang natututong umasa ang estudyante sa sarili niyang espirituwalidad.41
Mga kapatid, sa bawat pahina ng banal na kasulatan, gumagawa tayo ng isang pagpapasiyang umaapekto sa bisa ng pagtuturo at pagkatuto sa ating mga klase. Ang pagpapasiyahan ay ito: Saang mga katotohanan natin ibabaling ang isipan at puso at pananampalataya ng ating mga estudyante? Malaki ang ginagawang kaibhan ng pagpapasiyang ito sa bahagi ng salitang pumapasok sa kanilang isipan at pamumuhay.42 Kung hindi tayo masigasig sa bagay na ito, kung pipiliin kong “mangibabaw sa aking pagtuturo” ang di-gaanong mahalagang katotohanan, kung gayon, tulad ng itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, “Halos nawalan na ako ng kakayahang tulungan ang isang estudyante na madaig ang impluwensya ng kasamaan.”43
Mga Pagkakaugnay, Tema, at Sagisag
Maliban pa sa pagkilala sa iba’t ibang antas na ito ng kahalagahan ng katotohanan, ang pangalawang simpleng ideya na maaaring makatulong sa pagtatamo natin ng salita ay na ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga pagkakaugnay, tema, at sagisag. Maaari ba akong magbigay ng maikling halimbawa ng bawat isa mula sa Lumang Tipan?
Mga Pagkakaugnay
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar na “ang pagkakaugnay ay pagkakaroon ng ugnayan o koneksyon sa pagitan ng mga ideya, tao, bagay, o pangyayari.”44
Ang isang pagkakaugnay na maaari nating mapansin ay na ang Lumang Tipan ay puno ng mga kuwento ng tagumpay at kabiguan, na pinaghahambing sa iisang kuwento: sina Cain at Abel, si Jose at ang kanyang mga kapatid, sina Jacob at Esau, sina Abigail at Nadab, at marami pang iba.
Napansin ni Pangulong Eyring ang mahalagang bagay na ito: “Sa paglalarawan ng kabiguan ay may pahiwatig din kung paano magtagumpay. … Ang paulit-ulit na espirituwal na pagbagsak at pagbuti ng kalagayan … ay nagbibigay ng pag-asa at kapupulutan ng aral [ng inyong mga estudyante].”45
Mga Tema
Ipinaliwanag din ni Elder Bednar na “ang mga tema ay pangunahin, paulit-ulit, at pinagsamang mga katangian o ideya, gaya ng mga sinulid na kapag hinabi ay nakabubuo ng tela.”46 Ang isang temang maaari nating mapansin sa taong ito ay matatagpuan sa mga katagang ito: “at inyong makikilala na ako [ang Panginoon] ninyong Dios.”47
Sa lahat ng salot na nangyari bago sila naligtas, maging sa mga himalang sumunod dito, sinabihan ang mga anak ni Israel na sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay “malalaman [ninyo] na ako ang Panginoon.”48
Ang pagpaslang kay Goliath,49 ang pagpapagaling kay Naaman,50 si Elijah at ang mga saserdote ni Baal,51 at ang sagrado at banal na mga karanasan ni Daniel kay Haring Nabucodonosor52 ay pawang nakatala na may layuning “maalaman ng buong [mundo] na may Dios sa Israel.”53
Sa buong aklat ng Mga Awit,54 Isaias,55 at Ezekiel,56 sa 17 aklat ng Lumang Tipan, at sa mahigit 80 iba’t ibang pagkakataon, paulit-ulit na binanggit at binigyang-diin at tiniyak ni Jehova na Siya at ang Kanyang kapangyarihan ay makikita natin at ng Israel sa mga kaganapan at turo ng Lumang Tipan nang sa gayon ay “malaman [natin at ng ating mga anak] mula sa sikatan ng araw, at mula sa kalunuran, na … ako ang Panginoon, at wala [nang] iba.”57
Habang pinag-aaralan natin ang mga tema sa mga banal na kasulatan sa mga bagong cornerstone institute class,58 ang mga banal na kasulatan ay “pag-uugnay-ugnayin nang sa gayon kapag pinag-aralan [natin] ang isa [tayo ay] aakayin sa isa pa.”59 Kung ang mga kasulatan mismo ang pagtutuunan ng pag-aaral sa mga klaseng ito, ang mga banal na kasulatan ay “magsasama” at aakayin ang ating mga estudyante “sa kaalaman ng [kanilang] mga tipan.”60 “Ang pagsasaliksik at pagtukoy sa mga tema sa mga banal na kasulatan,” sabi ni Elder Bednar, “ay umaakay sa atin … sa mga walang-hanggang katotohanan na nag-aanyaya sa nagpapatibay na patotoo ng Espiritu Santo. … Ang paraang ito ng pagtatamo ng tubig na buhay mula sa imbakang mga banal na kasulatan ang pinakamahirap at mabagsik; nagbibigay rin ito ng pinakamalaking aral.”61 Kailangan dito ang higit na kahusayan natin bilang mga guro.62
Mga sagisag at paghahalintulad kay Cristo
Sa maraming huwaran sa Lumang Tipan,63 may isang nag-aanyaya ng ating pansin at pagsisikap. Iyan, mangyari pa, ay ang hanapin ang mga patotoo tungkol sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Sabi ni Elder Bruce R. McConkie, “Marapat lamang … na hanapin ang mga paghahalintulad kay Cristo saanman at gamitin ito nang paulit-ulit upang mapanatili Siya at ang Kanyang mga batas sa ating isipan.”64
Ang paglilista ng mga sagisag at kahalintulad ng Tagapagligtas ay halos tulad ng pagbibilang ng mga patak ng tubig sa ilog o mga sinag ng araw sa maaliwalas na umaga. Mangyari pa, “lahat ng bagay na ibinigay ng Diyos mula pa sa simula ng daigdig, sa tao, ay pagsasagisag sa kanya.”65
Ang Paglikha,66 ang ahas na tanso,67 ang manna,68 ang pagkaligtas ng Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pamamagitan ng dugo ng kordero na ipinahid sa mga haligi ng kanilang pintuan,69 at ang buong batas ni Moises, kasama ang paraan ng mga sakripisyo at pag-alaala, ay talagang nilayong “magturo sa atin upang madala tayo kay Cristo.”70
Ang kahandaan ni Abraham71 na isakripisyo si Isaac72; ang mga titulong iniukol kay Melquisedec,73 pati na ang “Prinsipe ng kapayapaan”74; ang pagliligtas ni Jose sa kanyang mga kapatid na nagbenta sa kanya75; at ang pagliligtas ni Moises sa mga anak ni Israel76 ay mga simbolo “niyaong darating.”77
Si Adan ay isang taong walang kasalanan78 na, habang nasa halamanan, ay kusang pinili79 na ibigay ang kanyang buhay upang tayo ay mabuhay.80
Inisip ng hari na ilagay si Daniel sa buong kaharian dahil sa “marilag na espiritu na nasa kaniya.”81 Ang “mga pangulo at mga satrapa,”82 na nasa katungkulan na galit kay Daniel, “ay nagsihanap ng maisusumbong laban [sa kanya] … nguni’t hindi sila nangakasumpong ng anoman.”83 Pagkatapos ang masasamang taong ito ay “nagpisan … [at] nangagsanggunian,”84 at samantala, si Daniel ay nagtungo sa dating lugar na “kaniyang [na]kaugalian” na puntahan,85 at doo’y nanalangin.86 Nang malaman ng hari ang lahat ng ito “inilagak [ng hari] ang kanyang puso … upang iligtas [si Daniel].”87 At matapos ihatid si Daniel sa tiyak na kamatayan, “isang bato [ang] dinala, at inilagay sa bunganga ng yungib.”88 Sinundan lamang ito ng pagbangon ng hari nang “maagang-maaga, at naparoon na madali sa yungib”89 at nalaman doon na isang anghel ang naparoon,90 at “isinampa si Daniel mula sa yungib, at walang anomang sugat na nasumpungan sa kaniya.”91
Sabi ni Alfred Edersheim ang buong Lumang Tipan ay “layong magtuon kay Cristo. … Hindi lamang sa batas, na siyang tagapagturo [sa Kanya], ni sa mga sagisag, na mga kahalintulad [Niya], ni sa mga propesiya, na nagbabadya tungkol sa [Kanya]; kundi ang buong Lumang Tipan ay puno ng salaysay tungkol kay Cristo. … Isang bagay ang kasunod nito: na … pag-aaral lamang ng mga Banal na Kasulatan ang sasapat o kapaki-pakinabang para makilala natin [ang Tagapagligtas].”92
Sa buong klase ninyo, at maging sa ating tahanan at pamilya, maaari bang mag-ukol kayo ng panahong tanungin ang inyong mga estudyante at anak kung ano ang natutuhan nila at kung paano ito nakakatulong sa kanila na makaunawa at umasa sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas? At mula sa unang araw ng klase, maaari bang turuan ninyo ang inyong mga estudyante na kusang hanapin ang kahanga-hangang mga patotoong ito na sadyang layon ng mga inspiradong awtor na ito?
Katapusan
Mga kapatid, ang mga banal na kasulatan ay hindi mahahalinhan ng iba pa sa ating pagtuturo at maging sa ating paghahandang magturo! Alalahanin ang babalang ito ni President Romney:
“Tayo ay inutusang ihatid ang natanggap natin mula sa Panginoon (ang mga banal na kasulatan) sa ating mga tinuturuan. Kung minsan [maaari nating] tangkaing ihatid ito nang hindi muna ito natatamo.. …
“… [Maaari nating naising] humayo at mangaral bago [bigyan] ng pagkakataon ang Panginoon na maihanda [tayo].”93
Sa diwang iyan, maaari ko bang idagdag ang ilang tanong tungkol sa mga natanggap natin mula kay Brother Webb noong nakaraang taon at anyayahan kayong isaalang-alang ang mga ito sa ating paghahandang magturo?
-
Nagsisimula ba ang paghahanda ko para sa klase sa pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan?
-
Nalulugod ba ako94 sa mga talata sa banal na kasulatan na itinuturo ko ngayon, at ang mga ito ba ay “nag-aalab na apoy na nanunuot sa aking mga buto”?95
-
Nauunawaan ko ba kapwa ang mga detalye at ang doktrinang nais ng awtor na makita at maunawaan ko?
-
Nasaliksik ko na ba ang mga salita ng mga propeta para sa kanilang binibigyang-diin, ideya, at patotoo tungkol sa isang talata?
-
At sa bawat pagkakataon, nasaliksik at nahanap ko ba ang mga paraan na nagpapatotoo ang talata tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala?96
Nawa’y maging mas matalas ang salita kaysa sa isang espadang may dalawang talim97 sa ating mga silid-aralan dahil nag-aalab ang mga banal na kasulatan sa ating kalooban! Nawa’y magkaroon tayo ng determinasyong alamin ang mga detalye at doktrinang marapat sa ating katapatan! At nawa’y maturuan natin ang ating mga estudyante na tuklasin ang magagandang patotoo sa mga banal na kasulatan tungkol sa plano ng Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak!98
Idinaragdag ko ang aking patotoo sa inyong patotoo, lalo na sa pagmamahal ng Ama sa Langit99 na ipinakita at natatamo sa pamamagitan ng mahimalang Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak. At nagpapasalamat ako sa pambihirang pagkakataon na maging bahagi ng kamangha-manghang Panunumbalik, na “ipinakikilala [ang Kanyang pangalan] sa [buong] mundo magpakailanman.”100 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2015 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 6/15. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 6/15. Pagsasalin ng “First Seek to Obtain My Word.” Tagalog. PD10054335 893