Mga Tulong sa Pag-aaral
Biblia


Biblia

Isang pinagsama-samang sulating Hebreo at Cristiyano na naglalaman ng mga banal na paghahayag. Ang salitang Biblia ay nangangahulugang “mga aklat”. Ang Biblia ay gawa ng maraming propeta at mga pinukaw-siglang manunulat na nagsikilos sa ilalim ng pamamatnubay ng Banal na Espiritu (2 Ped. 1:21).

Ang Bibliang Cristiyano ay may dalawang bahagi, na karaniwang tinatawag na Luma at Bagong Tipan. Ang Lumang Tipan ay binubuo ng mga aklat sa banal na kasulatan na ginagamit ng mga Judio sa Palestina sa panahon ng ministeryo ng Panginoon sa buhay na ito. Ang Bagong Tipan ay naglalaman ng mga sulating nabibilang sa panahon ng mga Apostol at ipinalalagay na may parehong kabanalan at karapatan tulad ng mga banal na kasulatang Judio. Ang mga aklat sa Lumang Tipan ay hinango mula sa pambansang panitikan na humahanggan nang mahigit sa ilang daang taon at halos isinulat na lahat sa salitang Hebreo, samantalang ang mga aklat sa Bagong Tipan ay gawa ng iisang salinlahi at karamihan ay nasusulat sa salitang Griyego.

Sa Lumang Tipan, ang salitang tipan ay sumasagisag sa isang salitang Hebreo na nangangahulugang “banal na kasunduan.” Ang Lumang Banal na Kasunduan ay ang batas na ibinigay kay Moises nang tanggihan ng Israel ang kabuuan ng ebanghelyo na taglay na ng mga tao ng Diyos mula pa noong simula ng buhay na ito. Ang Bagong Banal na Kasunduan ang ebanghelyong itinuro ni Jesucristo.

Sa Bibliang Hebreo (ang Lumang Tipan), ang mga aklat ay nahahati sa tatlong bahagi: ang Batas, ang mga Propeta, at ang mga Sulatin. Ang Bibliang ginagamit sa daigdig ng mga Cristiyano ay inuuri ang mga aklat alinsunod sa paksang tinatalakay, alalaong baga’y pangkasaysayan, patula, at papropesiya.

Ang mga aklat sa Bagong Tipan ay karaniwang nasa ganitong pagkakaayos: ang apat na Ebanghelyo at Mga Gawa; ang mga sulat ni Pablo; ang pangkalahatang sulat nina Santiago, Pedro, Juan, at Judas; at ang Paghahayag ni Juan.

Pinagpipitaganan at iginagalang ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Biblia at naninindigan din na patuloy na nagbibigay ang Panginoon ng mga karagdagang paghahayag sa pamamagitan ng kanyang mga propeta sa mga huling araw na nagtataguyod at nagpapatibay sa mga ulat sa Biblia ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa sangkatauhan.